Chapter 7

344 8 0
                                    

CHAPTER SEVEN

MAAGA pa kinabukasan ay nakahanda na si Natalie upang bumalik sa Maynila. Kagabi pa niya naihanda ang mga gamit. Hindi na gusto ni Natalie na magtagal doon kahit hindi pa nagagawa ang misyong mapalapit kay Consuelo.
Ililigaw lamang siya ng kanyang puso oras na nagtagal sa lugar na iyon kung saan ay palaging nakikita si Allan.
Laking paumanhin nina Josefa at Floricel nang malaman nito ang ginawa sa kanya ni Christopher. Nalaman na lamang ni Natalie nang umagang iyon na lumuwas na si Christopher ng Maynila. Marahil sa ginawa nito sa kanya nang nagdaang gabi at naisip na wala nang mukhang ihaharap sa kanya.
Hindi ipinahalata ni Natalie sa mga ito na ang totoong dahilan ng pag-alis ay ang nararamdaman niya para kay Allan. Isa pa ay may isang bagay na natuklasan si Natalie nang daanan si Consuelo sa silid nito. Hindi iyon alam ni Allan dahil nasa ibaba ito. Matagal siyang nakipag-usap kay Consuelo at isang masakit na bagay ang kanyang natuklasan.
Isang bagay na hindi alam ng dalaga kung mabubura pa sa kanyang isipan.
"Huwag sanang maging dahilan ang ginawa ni Christopher upang hindi ka na bumalik dito, hija," sabi ni Josefa nang papasakay na siya sa kotse. "Alam kong lasing lamang siya kaya niya nagawa ang bagay na iyon."
Wala nang masabi si Natalie. May nararamdaman siyang bigat sa kanyang dibdib. Tila may malaking bagay na nakadagan doon. Lalo na nang masalubong niya ang mga tingin ni Allan. Nasasaktan siya. Parang ayaw pa ni Natalie na mapalayo sa binata.
Minabuti niyang sumakay na sa kotse dahil baka magbago pa ang kanyang isip.
Nagmamaneho na si Natalie ng kotse nang muling bumalik sa kanyang isip ang mga sinabi ni Consuelo...
BAGONG paligo si Consuelo nang mapasukan ni Natalie sa silid. Nakaupo ito sa wheelchair na nasa terrace at sinusuklay naman ng nurse nito ang mahabang buhok.
"Magpapaalam na po ako," malungkot na saad ni Natalie nang makalapit kay Consuelo.
"Hindi pa tayo nakakapagkuwentuhan nang matagal, hija," tila nalungkot nitong saad. "Aalis ka na kaagad?"
"K-kailangan na po," saad niya.
"Alam mo ba na ikaw na lang ang matiyagang makinig sa mga kuwento ko ngayon?" tanong ni Consuelo at tiningnan si Natalie. "Marahil ay nagsasawa na sa pakikinig sa mga kuwento ko sina Melita at Allan. Paulit-ulit na lang kasi nila itong naririnig sa akin." Tiningala nito ang nurse. "Iwanan mo muna kami."
Tumalima naman ang nurse. Nang kabigin nito pasara ang pinto ay saka lamang muling nagsalita si Consuelo.
"Malimit akong dalhin ng aking anak at apo sa ibang lugar dahil nagbabaka-sakali silang makakalimutan ko ang lahat ng mga nangyari sa akin," sabi ni Consuelo. "Subalit kahit saan ako magpunta ay hinahabol ako ng alaala ng aking nakaraan...
"Walang kasinsaya ang mga araw na magkasama kami ni Leonardo. Mula pagkabata ay magkasama na kami sa Ermita... sa lugar ng mga elitistang tao nang mga panahong iyon. Ang tinitirhan namin ay mansiyon na pawang gawa sa matitibay na bato at marmol. Ang bakuran namin ay napakalawak. Dito madalas na ipinagdaraos ang mga kasayahan. Hindi rin mabilang ang aming mga katulong. Sa tuwina ay nakahanay ang mga sasakyan ng mga kilalang tao sa harapan ng aming mansiyon. Ako ang malimit manguna sa mga sayawan..."
Nakita noon ng dalaga ang pagsilay ng matamis na ngiti sa mga labi ni Consuelo.
"Nang magdiwang ako ng aking ikalabing-walong kaarawan ay iisang regalo lamang ang pinakama-lahagang bagay na natanggap ko. Ang kuwintas na regalo ni Leonardo. Ang sabi niya sa akin ay pinakiusapan niya ang papa niya na bilhin iyon. We're still young at wala pa kaming kakayahan na magawa ang aming mga gusto lalo na kung pera ang pag-uusapan.
"Gayunpaman ay walang naging hadlang sa aming relasyon palibhasa parehong nagmula sa angkan ng mga ilustrado ang aming pamilya. Naging napakasaya ng bawat araw para sa amin. Then came the Japanese occupation in 1942..."
Kumulimlim ang mukha ni Consuelo matapos iyon. Naramdaman lamang ni Natalie na hawak-hawak na nito ang kanyang palad.
"Tumagal nang halos tatlong taon ang kaguluhan..." pagpapatuloy nito. "Ang putukan... ang hiyawan ng mga taong nagugutom dahil halos wala na silang makain. Unti-unting nawala ang ganda ng Ermita. Ang mga bahay ay nagmistulang luma at mapanglaw. Natuyo ang mga swimming pool... natuyo ang naggagandahang halaman sa hardin. Halos paubos na rin ang nakatago naming mga pagkain... And then 1945 came...
"Lumakas ang putukan ng mga baril at pagsabog ng mga bomba. Wala nang taong makalabas ng kanilang mga bahay. Ang mga nahuhuling Pilipino sa lansangan ay kaagad na pinapatay. Ayon sa aming mga katulong ay dumating na raw ang mga Amerikano sa Pilipinas upang iligtas ang mga Pilipino sa mga kamay ng malulupit na Hapones."
Takot ang sumunod na rumehistro sa mukha ni Consuelo, subalit nagawa pa rin nitong magpatuloy. "Isang araw ay wala na akong ibang magawa kundi ang magsisigaw sa takot habang nakatingin ako sa labas ng aming mansiyon. Palapit nang palapit ang putukan. Pakiramdam ko ay ang aming bahay na lang ang hindi pa nararating ng bomba.Wala na halos akong maaninag sa labas kundi ang mga usok. Naririnig ko ang ingay ng mga nagtatakbuhang tao. Tila takot na takot...
"Naririnig ko ang pagtawag ng aking papa't mama na nang mga sandaling iyon ay alam kong patungo na sa aming ipinagawang kublihan. Ngunit hindi ko magawang sumunod. Para akong nadikit sa aking kinatatayuan...
"Hanggang sa marinig ko ang pagbukas ng aming gate. Pagkatapos ay nakita kong dumating si Leonardo..."
"TUMAKAS ako sa amin!" humihingal na sabi ni Leonardo na kaagad yumakap sa akin nang mahigpit. Palibhasa ay kapitbahay lang namin ito ay mabilis itong nakatawid sa mansiyon namin. "Kung hindi ko gagawin ito ay tiyak na hindi nila ako papayagang magtungo dito. Gusto kitang bantayan, Mahal ko. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko natitiyak ang kaligtasan mo."
"Salamat at dumating ka, Leonardo," umiiyak kong saad. "Natatakot ako."
"Lakasan mo ang loob mo, mahal ko," sabi ni Leonardo habang hinahagod ng kamay ang mahaba kong buhok. "Makakaligtas tayo sa panganib na ito. Manunumbalik din ang katahimikan ng ating bayan. Tutulungan tayo ng mga Amerikano."
"Paano kung hindi na tayo makaligtas?"
"Magkakasama pa rin tayo sa kabilang buhay..."
Pagkatapos niyon ay biglang pumailanlang ang isang malakas na pagsabog sa labas. Mukhang pinasabog na ang harapan ng aming mansiyon. Ang aming gate.
At hindi nga nagtagal ay nakita ko sa malaking pintuan ang tatlong sundalong Hapones sa marumi nitong kasuotan at helmet...
PAPALAPIT ang tatlong Hapones. Tila mga halimaw na dinaklot ng dalawa si Leonardo mula sa pagkakayakap sa akin. Pagkatapos ay dahan-dahang lumapit sa akin ang nakangising Hapones. Pinunit niya ang aking kasuotan. Napakabaho niya, subalit wala akong magawa nang halikan niya ako.
"Consuelo!" Nagpupumilit makawala ni Leonardo mula sa dalawang Hapones. Alam kong hindi niya mapapayagang magawan ako ng masama ng Hapones.
Subalit hindi siya pinakawalan ng mga ito. Kung paano akong nahirapan habang hinahalay ako ng sundalong Hapones ay alam kong ganoon din si Leonardo. Pareho kaming walang magawa.
Huli na ang pagdating ng mga sundalong Amerikano upang iligtas kami sa mga kamay ng mga halimaw...
SA PAGBABALIK sa kasalukuyan.
Kamuntik nang mabangga ang kotseng sinasakyan ni Natalie ng isang humahagibis na van. Hindi na niya nakita ni Natalie ang dinaraanan dahil pinanlabo na ang mga paningin ng mga luhang nag-uunahang pumatak sa kanyang mga mata. Mabuti na lamang at maagap niyang nailihis ang kanyang kotse at naitabi.
Napasubsob si Natalie sa manibela ng kotse nang tumigil ito. Sariwa pa sa kanyang imahinasyon ang luhaang mga mata ni Consuelo habang isinasalaysay ang mga pangyayaring iyon. Nararamdaman niya ang paghihirap ng kalooban nito. At noon lamang lubos na nauunawaan ni Natalie kung bakit buong buhay ng kanyang abuelo ay hindi ito naging maligaya.
Wala nang sasakit pa sa tanawing inaalisan ng puri ang isang minamahal.
Nag-angat lamang si Natalie ng mukha nang maramdamang may tumigil na kotse sa tabi ng sasakyan. Nakita niya ang madilim na mukha ni Allan nang bumaba ang salamin ng bintana ng sasakyan nito.
IPINARADA ni Allan ang sasakyan nito sa isang tabi. Pagkatapos ay umibis at tahimik na lumapit sa kinapaparadahan ng sasakyan ni Natalie. May ilang sandaling naghari ang katahimikan habang nanatili ito sa labas ng sasakyan at nakatingin lamang sa kanya.
Pagkaraan ng ilang sandali ay minabuti ni Natalie na umibis na rin ng kotse. "Bakit ka sumunod?" tanong niya.
"Dahil alam kong alam mo na na hindi Maximiana ang tunay na pangalan ng lola ko," sagot ni Allan. "Bago ka umalis ay nagkausap kayo, hindi ba? She told me. At alam ko rin na marami na siyang nasabi sa 'yo tungkol sa nangyari sa kanya."
"Iyon ba ang dahilan kung bakit mo siya itinatago sa akin?"
Isang malalim na pagbuntunghininga ang pinakawalan ni Allan. "Sinundan kita dahil gusto kong ipakiusap sa 'yo na huwag mo nang sasabihin kahit kanino ang mga nalaman mo. Iyan ay kung may respeto ka sa lola kong nagtiwala sa 'yo. Ikinukuwento ni Lola Consuelo ang nangyari sa kanya sa isang taong alam niyang makikinig sa kanya. Isang paraan iyon upang maibsan ang paghihirap ng kanyang kalooban. Matagal niyang pinagdusahan ang nangyaring iyon sa kanya."
"A-alam ko." Pumiyok ang tinig ni Natalie.
"Simula nang malaman kong apo ka ni Leonardo ay natakot na ako, Natalie," pagpapatuloy nito sa malamlam na mga mata. "Tinangka kong ipagbili ang kuwintas—ang alaala ng World War II dahil gusto ko nang patayin ang mga alaalang nagpahirap hindi lamang kay Lola kundi sa amin ni Mama...
"Pagkatapos ng digmaan ay bigla na lamang nawala ang mga Tolentino sa Ermita. Kunsabagay, ang mga mayayamang tao nang mga panahong iyon ay lumipat na sa Forbe's Park. Hindi na muling nakita ni Lola si Leonardo. Ang masakit sa lahat ay nagbunga ang kahayupang ginawa ng sundalong Hapones kay Lola. Itinago siya ng kanyang mga magulang upang iligtas sa kahihiyan. Nang isilang niya si Mama ay hindi ito tinanggap ng mga magulang niya bilang apo. Sa halip ay ipinadala ito ng kanyang mga magulang sa ampunan...
"Labis ang pagtutol ni Lola, subalit wala siyang nagawa. Sa pagdating ng mga Amerikano ay unti-unting pinahalagahan ang karapatan at kakayahan ng mga babae. Pinilit kalimutan ni Lola ang kanyang anak na nasa bahay-ampunan at ibinuhos niya ang kanyang buong oras at panahon sa kanyang bagong trabaho...
"At si Mama... nagtiis siya nang matagal sa ampunan. Kinuha lamang siya ni Lola nang maulila ito sa mga magulang. Nanatili ang yaman nina Lola at lalo pa niya itong napaunlad. Nabuhay sa karangyaan si Mama. Subalit hindi nawala sa isip niya ang pagtitiis sa loob ng ampunan...
"Hindi na nakapag-asawa si Lola hanggang sa lumaki si Mama. Dumating si Papa at nabuntis si Mama. Balak na nilang magpakasal. Ngunit hindi natuloy ang kasal na iyon nang malaman ng mga magulang ni Papa na isang rape victim si Lola noong panahon ng giyera... at si Mama ay isang bastarda. Anak ng sundalong Hapones...
"Maski ako ay nagdurusa sa tuwing naririnig ang mga kuwento nila sa akin. Katulad ni Mama ay lumaki akong walang ama. Ayoko nang balikan ang nakaraan. Iyan ang dahilan kung bakit ayoko na ring mabuhay ang pag-iibigan nina Lola at Leonardo. Ipapaalala lamang niyon ang nakalipas."
Tumungo si Allan at tinutop ang noo. Batid niyang lumuluha ito.
"Alam kong hindi rin naging masaya si Consuelo kahit kailan, Allan," sa wakas ay saad ni Natalie. "Natitiyak kong magiging masaya siya kapag nakita na niya si Lolo."
"Hindi mo ako naiintindihan," anito at nag-angat ng mukha. Halatang nabasa nga ng luha ang mga mata nito. "'Pag nangyari ang gusto mo, malalaman ni Floricel ang nakaraan ng pamilya ko. Ayokong matulad kay Mama na iniwan ng minamahal dahil sa mapait na nakaraang iyon."
"Kung tunay ang pagmamahal sa iyo ni Floricel ay maiintindihan ka niya," sabi ni Natalie kahit nasasaktan siya. Marahil ay mahal na mahal ni Allan si Floricel kaya ganoon na lamang ang takot na mawala ang babae. "Please, Allan. Hayaan mo nang magkita ang matatanda. Hindi natin alam kung hanggang kailan na lamang sila mabubuhay sa mundong ito. Matagal na silang nagtiis sa kalungkutan. Sana naman ay maging maligaya sila kahit man lang sa maikling sandali ng kanilang buhay."
Tumalikod si Allan at may ilang sandaling natahimik. Seryoso pa rin ang mukha nito sa muling pagharap sa kanya. "Noon pa ako pinakiusapan ni Lola na hanapin si Leonardo, ngunit nagbingi-bingihan ako. Takot ka sa tubig at takot ka sa halimaw... subalit ngayon ko lamang na-realize kung gaano ka katapang na babae, Natalie." Pagkasabi niyon ay may tipid na ngiting sumilay sa mga labi nito. "Humahanga ako sa pagmamahal mo sa lolo mo. At pumapayag na ako na magkita sila. Ang pakiusap ko lang ay huwag mo na sanang ipaparating kay Floricel ang mga napag-usapan natin."
May ngiti sa mga labing tumango si Natalie. Sa matinding kaligayahan ay napayakap siya nang mahigpit kay Allan. Na tinugunan naman nito ng mas mahigpit na pagyakap. Napapikit ang dalaga habang nakasubsob ang mukha sa dibdib nito.
Wala nang sasaya pa sa sandaling kasama niya ito.
NASIYAHAN si Natalie nang makitang nakaupo na sa wheelchair nito ang kanyang abuelo nang dumating siya sa mansiyon. Sa tingin niya ay bumalik ang enerhiya nito.
"Si Consuelo?" agad na tanong ni Don Leonardo nang makita siya.
Ginawaran ni Natalie ng halik sa noo ang abuelo. Pagkatapos ay lumuhod sa harapan nito. "Ipapaalala ko lang sa inyo na makakasama sa puso n'yo ang ma-excite nang husto, Lolo," nakangiting saad niya. "Tinawagan ko si Doctor Vergara at parating na siya."
"Nasa'n si Consuelo?" muling tanong nito na tila hindi na pinakikinggan ang iba niyang sinasabi.
Hinagkan niya uli sa noo ang abuelo at pagkatapos ay sandaling nagpaalam. Nalaman lang niya na nasa sala na si Doctor Vergara. At nakita ni Natalie na naghihintay na rin doon sina Allan at Consuelo.
Tinupad ni Allan ang pangakong susunod sa kanya sa Maynila kasama si Consuelo matapos na itanong kung saan siya nakatira.
Sinenyasan ni Natalie si Allan na samahan na paakyat si Consuelo.
"L-Leonardo..." sambit ni Consuelo nang makaakyat kahit hindi pa nito nakikita si Leonardo.
"Inihanda ko na ang kalooban niya, Natalie," sabi sa kanya ni Allan. "Mas maganda na iyong huwag siyang masyadong masorpresa. Sinabi ko sa kanya na dadalhin ko siya kay Leonardo."
"Gano'n din ako, Allan," masayang saad ni Natalie.
Nagulat na lamang sila nang pagulungin ni Consuelo ang gulong ng wheelchair na kinalululanan hanggang sa makarating ito sa nakaawang na pinto. Itinulak ni Consuelo iyon pabukas.
Nakita ni Natalie kung paano napaluha sina Leonardo at Consuelo nang makita ang isa't isa. Sila naman ni Allan ay magkahawak-kamay na habang pinagma-masdan ang mga ito.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now