Chapter 6

347 8 0
                                    

CHAPTER SIX

TANGING si Floricel lamang ang hindi kasalo ni Natalie sa agahan kinabukasan.
"Mukha yatang napapadalas ang pag-alis ni Floricel nang maaga." Si Josefa ang unang nakapuna. "Alam mo ba kung bakit, Allan?" Nakatingin ito kay Allan nang bigkasin ang mga salitang iyon.
Umiling si Allan. "Marahil ay na-miss lamang niya ang asyenda, Mama," sagot nito. "At ang kanyang paboritong kabayo. Matagal-tagal na rin kasi siyang namalagi sa Manila."
"Perhaps," sabad ni Christopher. "Ganoon din naman ako kaya kung wala kang gagawin ay isasama sana kitang mamasyal mamaya." Si Natalie ang kinakausap ni Christopher. "Is it all right with you?"
"I think it's not," biglang sagot ni Allan. "Balak nang umuwi ni Natalie sa Manila today."
Nagtatakang tiningnan ni Natalie si Allan. Walang naalalang si Natalie na sinabi na uuwi na siya ng Maynila. Malinaw na ipinagtatabuyan na siya nito pauwi. At nasasaktan si Natalie.
"Kaagad?" nagtatakang tanong ni Josefa. "Bakit naman, hija?"
"M-marami pa ho akong aasikasuhin," naisagot na lang niya kahit hindi naman totoo.
"Birthday ko ngayon," pagkaraa'y saad ni Josefa. "Sana naman ay pagbigyan mo ako na ipagpabukas mo na lang ang pag-uwi. Ngayon na lang ulit ako magpapa-party rito pagkatapos ng ilang taon."
Sumulyap si Natalie kay Allan at nakita niya ang pagkunot-noo nito. Wari ay ipinapahiwatig ng mga mata nito na kanyang tanggihan ang pakiusap ng mama ni Floricel. Ngunit nanaig pa rin ang hangarin ni Natalie na manatili. Hindi pa niya nagagawa ang gustong mangyari. Hindi pa gaanong malapit sa kanya ang kalooban ni Consuelo dahil hindi siya makalapit. Madalas ay naka-guwardya si Allan.
Tumango siya kay Josefa.
"Thank you," anito. "Besides, hindi ko pa naipa-pahanda ang mga sariwang prutas na gusto kong ipadala sa 'yo para sa lolo mo."
NANG araw ring iyon ay tinawagan ni Natalie ang sekretarya niya sa opisina. Ayon dito ay wala naman daw malaking problema roon. Tumawag din siya sa mansiyon at kinumusta sa nurse nito ang lagay ng kanyang abuelo. Medyo lumalakas-lakas na rin naman daw ang lagay nito. Marahil ay simula nang mangakong dadalhin ni Natalie ang abuelo kay Consuelo sa lalong madaling panahon.
Patuloy pa rin daw sa pagpapasarap ang mga pinsang sina Shiela at Andrew, ayon naman sa kanilang matandang maid. Halos minsan na lamang daw kung umuwi ng mansiyon.
Ahh, hindi na alam ni Natalie kung ano ang dapat na gawin sa kanyang mga pinsan upang tumino. Marahil ay sadyang ganoon ang mga taong lumaki nang walang gumagabay na mga magulang. Subalit bakit hindi siya nagkaganoon gayong bata pa rin naman siya nang maulila?
Iyon ay dahil nakinig siya sa mga pangaral ng kanyang abuelo. Itinanim ng dalaga sa kanyang isip ang madalas nitong sabihin dahil mahal niya ito katulad ng pagmamahal sa mga magulang.
KINAHAPUNAN, namasyal nang mag-isa sa asyenda si Natalie. Hindi naman niya kasi feel na magpasama kay Christopher. Napakaganda ng tanawin sa paligid. Dinala siya ng kanyang mga paa sa isang gulod.
Hindi pa lubos na nakakalapit si Natalie nang makarinig ng mga hagikhik. Balak sana niyang tingnan kung sino ang nagmamay-ari ng tinig na iyon nang bigla na lamang may kumagat sa kanyang mga paa. Mga langgam!
Naiinis na pinagtatanggal ni Natalie ang mga iyon sa kanyang mga paa habang aray siya nang aray. Nang matapos iyon ay biglang nawala ang mga hagikhik na naririnig. Nagpatuloy si Natalie sa pagtungo sa gulod at nagulat na lamang siya nang makita si Floricel na nakaupo sa damuhan. Ito marahil ang nagmamay-ari ng mga hagikhik. Tumatawa ito nang mag-isa?
"Nandito ka pala?" nakangiting tanong niya. "Bakit hindi mo kasama si Allan?"
"Nagpasama si Lola Consuelo sa kanya sa garden," sagot ni Floricel. "Katatapos ko lang kasing mangabayo. Ito ang paborito kong pasyalan."
"Napakaganda rito," hindi niya napigilang sabi. "Kitang-kita ang ibang bahagi ng asyenda."
"Kaya ko nga gustong-gusto rito," nakangiting saad nito.
Naupo si Natalie sa tabi ni Floricel.
"I'm sorry kagabi, ha," mayamaya'y seryosong sabi ni Floricel. "Umaasa kasi akong masaya ka sa piling ng boyfriend mo."
"It's okay," aniya. "Hindi mo naman sinasadya. Besides, totoo naman, eh. I'm sure na masaya ka kay Allan."
"Yes," nakangiting sagot nito. "He's a very lovable guy. I'm lucky to have him."
"Kung sana ay may boyfriend din akong katulad niya," hindi napigilang saad ni Natalie habang nakatanaw sa malayo. Pagkatapos niyon ay biglang namayani ang katahimikan.
Napansin na lamang niya na titig na titig sa kanya si Floricel. "Forget about what I said," pagkuwa'y saad ni Natalie na napahiya. Baka isipin nito na pinagpapantasyahan niya si Allan.
NANG gabing iyon ay nagkaroon ng pagdiriwang sa mansiyon nina Floricel. Dinaluhan iyon ng ilang malalapit na kaibigan ni Josefa na pawang nagmula sa may-kayang pamilya sa Quezon. Ipinagdiriwang ni Josefa ang ika-limampu't anim na taon nitong kaarawan.
Habang nakaupo sa isang mesang nasa sulok ay hindi mapuknat ang mga mata ni Natalie sa nagsasayaw sa gitna ng pagtitipon na sina Allan at Floricel. Nakikita ni Natalie ang sarili na kasayaw ni Allan kaya minabuti niyang ipikit ang mga mata upang burahin sa isip ang bagay na iyon.
Pagkatapos ay pinilit ni Natalie na ibaling sa iba ang mga paningin. Nakita niya si Christopher na nakikipagkuwentuhan sa mga kakilala nito. Nakahinga nang maluwag ang dalaga dahil nagawa siyang tantanan ng binata. Sunod kasi ito nang sunod sa kanya at niyayaya siyang sumayaw, ngunit nagkunwari si Natalie na masama ang pakiramdam. Na-bore yata si Christopher sa pakikipag-usap sa kanya dahil ipinahalata niyang wala siyang ganang makipagkuwentuhan kaya iniwan din siya nito.
Nagulat na lamang si Natalie nang biglang hilahin ni Floricel patungo sa gitna. "Kayo muna ang magsayaw," anito na tila gustong libangin si Allan habang wala ito kaya ipinapareha sa kanya. "Enjoy dancing!" Pagkatapos ay nagmamadali nang umalis.
Wala nang nagawa si Natalie nang dumantay sa mga kamay niya ang mga kamay ni Allan.
"Your hands are cold," sabi nito.
"Malamig ang hangin dito," palusot niya gayong ang binata ang dahilan kung bakit siya kinakabahan at pinanlalamigan ng mga kamay. "Naninibago ako sa klima. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi nakaka-pagbakasyon sa ganitong lugar."
"Bakit hindi mo yayain ang boyfriend mo na magbakasyon dito?" tanong ni Allan.
"Masyado na siyang busy sa negosyo para magkaroon pa ng panahon sa mga ganitong bagay."
"Kaya hindi niya nalalaman na nalulungkot na pala ang girlfriend niya."
Alam ni Natalie na nag-blush siya sa sinabi nitong iyon. Kung hindi lamang medyo madilim ay baka nahalata na ni Allan ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Nagsisisi tuloy si Natalie kung bakit nasabi-sabi pa sa "Truth or Consequence" na hindi siya masaya sa relasyon nila ni Keith.
"He must take care of you the way I take care of Floricel," pagkaraa'y saad ni Allan. "Baka mamalayan na lamang niya na wala ka na sa kanya at saka pa siya magsisi."
Pakiramdam ni Natalie ay lalo siyang pinamulahan ng pisngi.
Naghari ang katahimikan. Namalayan na lamang ni Natalie na halos magkadikit na ang kanilang mga katawan. At nakaramdam siya ng pagkailang nang mapansin ang mga matang nakamasid sa kanila.
Minabuti ni Natalie na magpaalam sa binata at mabilis na pumasok sa loob ng mansiyon. Tuloy-tuloy siyang pumanhik sa hagdan at nagtungo sa kanyang silid.
Naiinis na si Natalie sa kanyang sarili. Pakiramdam niya ay umiibig na siya kay Allan. Isang damdaming alam niyang hindi tama dahil ikakasal na ito at sa isang babae pang naging mabait naman sa kanya.
"I hate this feeling!" pabulong na saad ni Natalie habang nakasubsob ang mukha sa mga kamay. "May boyfriend akong tao at ikakasal na si Allan. Bakit kailangang mangyari ito? Hindi ito ang dapat kahantungan ng hangarin kong magkita sina Lolo at Consuelo."
Ginulantang si Natalie ng mga katok sa pinto. Nagulat na lamang siya nang makita si Christopher. Mukhang nakainom ito ng alak dahil sa namumungay na mga mata.
"Hi, Miss Beautiful," nakangiting bati ni Christopher. "I can't find my room. Can I sleep here with you?"
Lasing nga ang lalaki dahil mukhang wala sa loob ang mga sinasabi. Bahagya niya itong itinulak palabas ng silid dahil medyo nakapasok na si Christopher sa loob, ngunit bigla naman siyang niyapos.
"Ano ba?" nagpipiglas niyang saad. "Let me go! Let me go!"
Hindi pa rin pinakawalan ni Christopher si Natalie, sa halip ay lalong hinigpitan ang pagkakayapos sa katawan niya. Pagkatapos ay tinangka siya nitong halikan sa mga labi. Mabuti na lamang at mabilis na nakaiwas si Natalie.
"I want you!" sabi ni Christopher na tila sabik na sabik. "I terribly want you!" Tinangka nitong muling hagkan ang dalaga, ngunit muli siyang nakaiwas. Pilit pa ring kumakawala ni Natalie.
Hanggang sa bigla na lamang may pumasok sa pintuan at dinaklot si Christopher mula sa pagka-kayapos sa kanya. Nakahinga nang maluwag si Natalie nang makita si Allan.
Kung hindi dumating si Allan ay baka tuluyan nang nahalay ni Christopher ang dalaga. Matapos makatikim ni Christopher ng isang malakas na suntok mula kay Allan ay tila nawala ang kalasingan nito. Humingi ito ng paumanhin bago lumabas ng silid.
Katahimikan ang sumunod na namagitan sa kanila ni Allan. Nasa loob na ito ng kanyang silid at nakatingin sa kanya. Hindi naman niya magawang salubungin ang mga tingin nito.
"Siguro naman ngayon ay naniniwala ka na sa akin na hindi ka na dapat magtagal sa mansiyon na ito!" pagkuwa'y seryosong saad ni Allan. "Kung hindi ko naisipang umakyat at magpahinga muna sa kuwarto ay baka kung ano na ang nangyari sa 'yo.
"Kung nakikipagkaibigan ka kay Floricel dahil nagbabaka-sakali kang sasabihin niya sa 'yo kung saan mo matatagpuan ang may-ari ng kuwintas ay nagkakamali ka. Ako pa rin ang susundin ni Floricel dahil kasintahan niya ako."
"Bakit ganoon na lamang ang pagtutol mo na matagpuan ko si Consuelo?" panunubok niyang tanong. "Kaano-ano mo ba siya?"
Hindi sumagot si Allan. Nakatitig lamang sa kanya. "Bukas na bukas din ay makakauwi ka na," pagkuwa'y saad nito.
"Hindi ikaw ang nag-imbita sa akin dito," ani Natalie. "Si Floricel lamang ang makakapagsabi sa akin niyan."
"Hihintayin mo pa ba na magahasa ka ni Christopher bago ka bumalik sa Maynila?" tila nagagalit nang tanong ni Allan. "Alam mo kung gaano kabaliw sa 'yo ang lalaking iyon!"
"He was just drunk," pagtatanggol ni Natalie kay Christopher, kahit ang totoo ay wala na rin siyang tiwala rito. "Ano ba'ng pakialam mo kung magtagal ako rito? May dapat ka bang itago sa akin? Nakakatakot ba akong tao? Ako ba ang monster sa bangungot mo?"
Nagulat na lamang si Natalie nang biglang ikawit ni Allan ang kamay sa kanyang leeg at sinibasib ng halik ang kanyang mga labi.
NANLAKI ang mga mata ni Natalie. Tila sabik na sabik si Allan sa kanya at wari'y hindi na nito napigilan ang pananabik na iyon.
Napaatras si Natalie, ngunit sakmal pa rin ni Allan ang kanyang mga labi. Halos maputulan siya ng hininga sa paraan ng paghalik nito. Hanggang sa maramdaman ni Natalie ang malamig na dingding sa kanyang likuran. Gusto niyang umiwas, ngunit tila biglang namanhid ang kanyang buong katawan. Hindi malabanan ni Natalie ang idinidikta ng kanyang puso.
Mahal mo siya! sigaw ng isang bahagi ng utak niya. At walang masama sa pagmamahal.
Mali ito! sundot naman ng kanyang konsiyensiya. Maling-mali ito. Hindi ako ang nagmamay-ari sa kanya!
Hahayaan mo bang mabuhay ka sa kalungkutan dahil hindi mo sinunod ang alam mong makapag-papaligaya sa iyo? muling tanong ng kanyang isip.
Samu't saring bagay pa ang naglalaro sa isipan ni Natalie nang maramdaman ang paggapang ng mga kamay ni Allan sa kanyang katawan. Pinakawalan nito ang kanyang mga labi upang halikan ang kanyang leeg. Unti-unti siyang nanghihina sa kaaya-ayang sensasyong idinudulot niyon. Lalo pa at naging maingat at masuyo na ang mga halik at haplos ni Allan.
At nagulat na lamang siya nang biglang humiwalay si Allan sa kanya na wari'y napaso.
"Oh God," napatutop sa noong saad ni Allan na tila sising-sisi sa ginawa. "This is wrong. What am I doing?" Pagkasabi niyon ay mabilis na itong lumabas ng silid.
Naiwang lumuluha si Natalie.

Broken Heart - Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now