Chapter 9

577 7 0
                                    

CHAPTER NINE

"SAAN mo ba ako talaga dadalhin, Marc?" paasik na tanong ni Janelle.
"You have nothing to be afraid of, sweetie pie. May ipakikita lang akong lugar sa iyo. Mas maganda kesa sa Villa Royale."
Hindi na umimik pa si Janelle nang mga sumunod na sandali. Pilit na lamang niyang pinayapa ang kalooban at sinabi sa sariling walang mangyayaring masama sa kanya.
Sa likod ng kanyang isip, alam naman niyang hindi naman rapist o pyschokiller ang kanyang mga kasama sa chartered plane na ito.
Sa isang magandang isla sila humantong makalipas ang mahigit forty minutes na paglalakbay sa himpapawid. Animo kumikislap ang malinaw na tubig ng dagat na nakapalibot sa isla sa direktang tama ng araw dito. Ang dalampasigan naman ay pinaganda ng puting buhangin.
"Maganda sana ang lugar kung hindi sapilitan ang pagkakapunta ko rito," nakaismid na komento ng dalaga.
Muling tumawa nang sarkastiko si Marc. "That's why I brought you here. Dahil alam kong mahilig ka sa magagandang lugar tulad ng Villa Royale. This is Estrella island. A private island. Nagtataka nga lang ako kay Papa kung bakit hindi niya naisip na dito ka dalhin. Mas malayo sa tsismis ang lugar na ito. You can have more privacy."
Mayamaya pa'y lumapag na ang sasakyang panghimpapawid sa isla. Naunang bumaba ang binata.
"Dinala kita rito para makita mo kung ano ang kaya kong ibigay sa iyo. I can offer you the world, Janelle," halos ibulong lang ni Marc iyon sa kanyang tainga habang palapit sila sa pick-up na naghihintay sa kanila. At sa pagkagulat niya, naramdaman na lamang niya ang pagdantay ng kamay ng binata sa kanyang likod at balikat. "Whatever you want, I can give you. Higit pa sa kayang ibigay ni Papa."
Tiningnan niya nang pasukab si Marc bilang tanda na hindi niya nagustuhan ang sinabi nito.Pagsapit sa tapat ng pick-up na sumalubong sa kanila ay isang nakangiting matandang lalaki ang naghihintay sa tabi at nagpugay sa kanila.
"Kumusta na ho ba kayo rito, Tata Andres?"
"Okay na okay, Senyorito."
"By the way, Janelle, ang katiwala ng isla, si Tata Andres. Kasama niya rito sa isla ang asawa niyang si Aling Pepay, isang anak at isang pamangkin," pagpapakilala ni Marc sa matandang lalaki.
Isang ngiti at tango lamang ang nagawang iganti ni Janelle sa pagbati ng matanda.
"Magandang umaga, Senyorita," bati nito. "Mabuti naman at isinama n'yo rito sa isla ang nobya n'yo, Senyorito," baling nito kay Marc.
Nobya? Umarko ang mga kilay ni Janelle. Napagkamalan pa pala siyang nobya ni Marc. Itatama sana niya ang maling akala ng matanda ngunit muli siyang inakbayan ni Marc at iginiyang papasok sa pick-up.
"Plano ko no'ng una na gawing island beach resort ang islang ito pero naisip kong baka sirain lang ng mga darayong turista at bakasyunista ang kagandahan ng lugar. At iyon ang ayaw na ayaw kong mangyari. Gusto kong manatiling pribado at preserbado ang likas na kagandahan ng islang ito. At exclusive para sa akin at sa magiging Mrs. Marc da Silva."
Sino kaya ang masuwerteng babaing iyon? tanong ng mahinang tinig sa isip ni Janelle.
Isang cottage na yari sa nipa at kawayan ang unang dinaanan ng sinasakyan nila. Sumunod ang isang maganda at malaking bahay ang tumambad kay Janelle.
Inabutan nila sa bahay ang iba pang katiwala sa isla, bukod kay Mang Andres. Ipinakilala rin siya ni Marc sa mga ito bilang nobya nito sa pagtataka ni Janelle na nanatiling walang kibo sa harap ng mga katulong.
"Bakit mo sinabi sa kanila iyon? Paano kung maniwala sila?" sita niya sa binata nang igiya siya nito sa balkon kung saan nagpapasilbi ng pagkain ang binata.
"Hindi naman tayo mabibitay kung papaniwalain man natin silang mag-boyfriend tayo."
Saglit na napatitig si Janelle sa mukha ni Marc.Hindi niya dapat makalimutang narito siya sa lugar na ito dahil nilansi siya ng binata.
"Ano ang ibig sabihin ng tinging iyan?" putol ni Marc sa tahimik na pagpapantasya niya.
"W-wala."
"Are you mad at me?"
"Hindi ko alam kung ano'ng dapat kong maramdaman para sa iyo?"
"Pagkatapos ng tatlong araw natin dito, tiyak na may mararamdaman ka na para sa akin."
"Walang dahilan para magtagal ako sa islang ito, Marc."
"Hindi ka makakaalis sa islang ito hangga't hindi ko gusto."
"Ano'ng karapatan mong patigilin ako sa islang ito hanggang sa kung kailan mo gusto?"
"Walang ibang paraan para makaalis sa islang ito nang nag-iisa, Janelle. Kung hindi ang plane ay ang lantsang pag-aari ko rin ang maaari lamang maghatid sa iyo sa pinakamalapit na bayan dito which is thirty minutes away." Bahagyang nakakiling ang ulo ni Marc sa kanan na para bang iniinis pa si Janelle.
"You're impossible, Marc."
Naputol ang tensyon nang magsimulang isilbi nina Aling Pepay at Tata Andres ang umuusok pang pagkain. Maraming pagkain. Akala mo'y may handaan. Napantastikuhan si Janelle. Pinaghandaan ba ni Marc ang pagdadala sa kanya sa islang ito? Ibig lang sabihin, may plano para sa kanya ang binata.
May bumangong pagdududa sa isip niya.
"Kumain ka na, Janelle. At ipatitikim namin sa iyo ang pinakasariwa at pinakamasasarap na seafoods sa Pilipinas," anyaya ni Marc sa kanya. "Nae-enjoy ko nang husto ang pagkain kapag nagbabakasyon rito dahil bukod sa sariwa ang hangin ay maganda ang natatanaw sa paligid."
Binura ng masarap na aroma ng pagkain ang pagdududa ni Janelle. Kaya isinantabi muna niya ang inis. Lumapit na rin siya sa mesang puno ng pagkain.
Matapos ang masarap na pananghalian ay inilibot ni Marc sa kabuuan ng malaking bahay si Janelle. Pakiramdam ni Janelle nang mga sandaling iyon ay nabuksan ang isang pinto papunta sa malaking bahagi ng pagkatao ni Marc da Silva habang nalilibot niya ang kabuuan ng bahay na iyon na alam niyang bahagi ng pagkatao nito.
Dama niya ang malalim na kuryusidad na makilala nang mabuti ang tunay na Marc da Silva. At wala pang ibang lalaking pumukaw sa interes at kuryusidad niya na tulad ni Marc.
Sa pinaka-tower section ng magandang bahay-bakasyunan ay may dalawang silid na magkatapat ang pinto. May spiral staircase na patungo roon.
"Ito ang guest room at ang katapat ay ang kuwarto ko," sabi ng binata habang binubuksan ang pinto ng guest room.
May katuwiran naman palang magyabang si Marc dahil kahanga-hanga ang ayos ng silid na nabuglawan ni Janelle. Isang may apat na posteng maluwag na kama ang nagdodomina sa kabuuan ng silid. Yari sa brass at makapal na kulay-kremang tapestry na katerno ng walls, carpet at mga kurtina.
Sa gawi ng bintana ay may pabilog na built-in window seat na ang upholstery ay kakulay ng carpet. Dumungaw si Janelle sa bintana at mula roon ay tanaw na niya ang puting buhangin sa dalampasigan. Sandali lang ay muli niyang iginala ang kabuuan ng kuwarto. Binuksan ang built-in closet. May nakita siyang ilang pirasong damit, robe, swimsuit, towel at pantulog — na puro pambabae.
Napaismid siya."Mukhang regular kang may bisitang babae rito. I wonder kung ilan na ang gumamit ng mga iyan," sarkastikong sabi niya.
Na sinagot lamang ng binata ng isang malakas na halakhak at, "Mukha ba akong playboy?"
"Sabi ni Juancho. Hindi na raw niya mabilang kung ilang babae ang ipinakilala mo sa kanya bilang girlfriends mo."
"So, ang impresyon palang ibinigay ni Papa sa iyo ay womanizer ako, ha?"
"And heartbreaker ka raw."
"Sinabi niya iyon?"
"Juancho knows you very well. Dahil kulang na lang ay sa kanya ka manggaling."
"That's why you believed him?" Kung kanina ay friendly na ang mood ni Marc, ngayon ay bigla na namang tumiim ang anyo nito. Kumunot ang noo. Ikinagalit yata nito ang sinabi niya.
"Don't get me wrong, Marc. Concerned lang naman sa iyo ang Papa mo. "
"O sa iyo siya concerned? And he's afraid that you might fall for me?"
"No, Marc." Gustong pagsisihan ng dalaga ang nasabi dahil muli itong nagpainit ng ulo ng binata.
"Siguro nga, playboy ang image ko. Like father, like son. Ang kaibahan lang namin ni Papa, binata pa ako, malayang pumasok sa iba't ibang relasyon. Besides, one at a time lang ako kung makipagrelasyon. Hindi ko pinagsasabay si Maria at si Ana dahil alam kong panlolokong matatawag iyon."

KINAHAPUNAN naman ay niyaya ni Marc si Janelle na libutin ang kabuuan ng isla. Tatanggi sana ang dalaga pero hindi siya tinigilan ni Marc hangga't hindi siya nakukumbinsi. Bakit nga naman siya magmumukmok sa isang sulok? Tutal ay narito siya sa isla at napakaganda ng lugar para hindi niya pag-aksayahan ng panahong libutin.
Isang puting macarena-style shorts at floral cotton blouse ang kanyang napiling isuot mula sa dala niyang bag. Saka niya tinipong lahat ang kanyang buhok at ipinusod sa likod.
Napamulagat pa si Marc habang nakikitang bumababa ng pakurbang hagdan si Janelle wearing that simple but sexy attire. May finesse ang galaw. May poise maging ang pagbaba ng hagdan at pag-imbay ng balakang, maging ang pag-imbay ng mga kamay.
Kabog sa dibdib ni Janelle ang dulot ng tila nanunuksong tingin ni Marc. Gusto niyang maasiwa. Ngunit nang masilip niya ang paghanga sa mga mata ni Marc, nalusaw ang kanyang pagkaasiwa at pangingilag sa binata.

Man Of My Dreams (Tall Dark &Dangerous) - Cora ClementeWhere stories live. Discover now