Chapter 7

526 8 1
                                    

CHAPTER SEVEN

NAGING mailap para kay Janelle ang antok ng gabing iyon. Nang bumuhos ang ulan at lumakas ang hangin ay parang tuksong bumalik sa alaala niya ang tagpo kanina sa pagitan nila ni Marc.
Nanunukso ang titig nito. Nanunukso ang mga halik. Mahirap kalimutan. Hindi iyon ang una niyang halik dahil nagka-boyfriend na siyang una. Pero kaiba ang halik ni Marc. Maging ang galit ay nagagawa niyong lusawin. Ang anghang ay nagiging matamis. Ang iritasyon ay naging kasiyahan.
Pagkatapos na masaktan siya sa una niyang pag-ibig, wala nang lalaking pumukaw sa kanya nang ganito — si Marc lang.
At nakakahiya mang aminin sa sarili, hinahanap-hanap na niya ang init na kayang ibigay ng mga bisig nito. At ng kaluwalhatiang kayang idulot ng halik nito.

NANG mga sandaling iyon, hindi nag-iisa si Janelle sa nararamdaman. Gumugulo din siya sa isip ni Marc. Nasa penthouse piano bar ito sa lobby ng Da Silva Hotel. Kasama ang kaibigang si Vince na siyang PR manager ng nasabing hotel.
"Problem, Marc?" Napansin marahil nito na malalim ang iniisip ng binata habang pinagmamasdan ang bibig ng wineglass na hawak nito.
"Babae, pare," mahinang sabi niya.
"Babae? Kelan mo ba prinoblema ang mga babae? Hindi ba't ikaw ang pinoproblema nila?" natatawang reaksiyon ni Vince.
"Ibang klase ito, pare." Inubos ni Marc ang laman ng wineglass. "Nakaka-challenge siya. At parang gusto ko siyang paibigin."
"Sino ba 'yang babae na 'yan, pare?"
Nagdalawang-isip si Marc na ipagtapat kay Vince ang tungkol sa papa niya. Pero napatunayan na niya ang katapatan nito bilang kaibigan sa loob ng maraming taon. Ang sekreto niya ay sekreto rin nito.
Hindi na siya nag-alangang ipagtapat rito ang tungkol kina Janelle at sa kanyang papa. Lalaki rin ito at alam niyang mauunawaan ng kaibigan ang lahat sa matured na paraan.
"Gusto kong makatiyak na lalayuan na niya si Papa, Vince. Kaya inalok ko siya ng mas maganda. More money and more sex pero tinanggihan niya iyon."
"Kaya nasagasaaan ang ego mo at na-challenge ka sa kanya?"
"Yap. Pero hindi lang iyon, Vince. Ang main concern ko talaga ngayon ay ang maputol ang relationship nila. May ibinunga nang masama iyon. Inatake si Papa. At siya ang kasama. Iniwasan ko na lang na makarating kay Mama. At bago pa niya malaman na naloloko si Papa sa isang batambatang beauty titlist ay kailangang matapos na ang sa kanila."
"At ang naiisip mong solusyon ay offer-an siya ng pera, at pati na ang sarili mo?"
"Na nakapagtatakang hindi niya kinagat."
"Baka naman hindi niya kailangan ang pera."
"I doubt it. Alam ko namang iyon lang ang habol niya kay Papa. Pinaimbestigahan ko ang background niya. She doesn't even have a family na puwedeng sandalan."
"Baka naman mahal niyang talaga ang papa mo?"
"Silly! 'Yung ganda ng Janelle na iyon? Gusto mong paniwalaan kong mahal niya si Papa at hindi pera lang ang habol niya?"
"Hmn... ano'ng plano mong gawin ngayon?" tanong ni Vince.
"Gagawin ko ang lahat para lumayo siya kay Papa," seryoso at puno ng determinasyong deklara ni Marc. "At may plano akong gawin." Ngumiti siya pagkuwa. Makahulugan.
"What?"
"Paiibigin ko siya. Huhulihin ko ang kalooban niya para maagaw ko ang pansin niya kay Papa."
Natawa si Vince.
"Ibang klase 'yang iniisip mo, ah."
"I'm serious. Kung hindi ko siya makuha sa santong paspasan, kukunin ko siya sa santong dasalan."
"Wala akong doubt sa karisma mo, Marc. Pero delikado 'yan. Baka ikaw ang mahulog sa sarili mong bitag. And considering the kind of woman she is, hindi mo gugustuhing ma-involve seriously sa isang katulad niya. Pare, maraming primera klaseng babaing nagkakandarapa sa iyo. Pagtatawanan kita kapag sa kanya ka lang bumagsak."
Muling sinalinan ni Marc ng alak ang kanyang wineglass. Inubos ang laman niyon sa isang inuman lang.
"Gusto ko lang siyang ilayo kay Papa, pare. Pero hindi ako tatalon sa bangin."
"Mapaniwala mo naman ba siya na sincere ka sa intensyon mo sa kanya? Pa'no kung isipin niyang strategy mo lang iyon para mapaglayo sila ng papa mo."
"Iyon nga ang pinoproblema ko. Ilang beses na kaming nagkita. At sa bawat pagkikita namin, I know she hates me. Hindi ko tuloy alam ngayon kung saan magsisimula para paamuin siya. Malamang na pagdudahan nga niya ang sincerity ko. Kunsabagay, hindi kailangang paniwalaan niya iyon. Mukhang tuso ang babaing iyon. Ang gusto ko lang ay mabaling sa akin ang pansin niya. At ma-realize niyang higit pa sa kayang ibigay ni Papa ang kaya kong ibigay sa kanya."
"E, bakit sarili mo pa ang ipapain ko kung gusto lang pala siyang ilayo sa papa mo? Bakit hindi ka umupa ng gagawa? At least, puwede pa siyang maniwalang sincere ito sa kanya."
"No need. Sa tingin ko'y hindi kailangan ng babaing iyon ng pagmamahal. Pera, pare. Pera. And maybe sex. Kaya tulungan mo akong umisip ng gimmick kung papaanong madali ko siyang mapapakagat sa pain ko, Vince."
"That woman must be somebody special. Masyado yata niyang ginugulo ang isip mo."
"Gusto ko lang magising si Papa sa pagkakamali niya bago siya malubog sa kasalanan at ayokong masaktan si Mama."
"O baka naman, iba na 'yang tumama sa iyo? At plano mo talaga siyang agawin sa papa mo?" pilyo ang ngiting panghuhuli ni Vince.
Natapik ni Marc sa dibdib si Vince.
"Hindi ako baliw, Vince."
Hindi siya baliw o hindi lang niya kayang aminin kay Vince o kahit na kanino na hindi na napaknit sa isip niya ang alaala nito. Lalo na nang matikman niya ang malambot at matamis na labi ng dalaga.
Mga labing animo sa isang sixteen-year-old lass. Inosenteng humalik. Hindi sanay... hindi erotic pero... masarap balik-balikan sa isip.
At ang kalahati niya — kalahating puso, kalahating isip, at kalahating pagkatao, ay nasasabik na muling makita ang dalaga.

HOLIDAY Inn, Manila Pavillion, Sabado. Puno ang bulwagang pagdarausan ng fashion show. Congressional wives ang karamihan sa mga nanonood.
At isa si Janelle sa mga modelong magpaparada ng damit na likha ng mahuhusay na fashion designers sa bansa tulad nina Inno Sotto, Rene Salud, at iba pa.
Siya rin ang isa sa mga umagaw ng atensyon at paghanga ng mga nanonood. Habang mayabang na nakaangat ang kanyang mukha habang rumarampa ay hindi sinasadyang napasulyap siya sa isang mesang nasa gawing likuran. Napatda siya pagkakita sa dalawang taong naroon.
Ang dalawang taong naging dahilan para manigas ang kanyang mga kalamnan. At dahilan din ng muntik na pagkabisala ng kanyang mga paa habang buong graceful na umiimbay ang balakang at umiikot sa rampa at buong kasopistikadahang humahakbang.
Mag-aapat na buwan pa lamang siya sa ganitong klaseng propesyon kaya't nagmumuntikanan pa rin siyang magkamali ng galaw at hakbang lalo na at bigla siyang kinabahan nang ganito pagkakita sa mag-ina ni Juancho sa audience. Sina Patricia at ang lalaking kahuli-hulihang nilalang na gusto niyang makaengkuwentrong muli.
Bakit ba para kaming pinagtatagpo ng Marc na ito?
Nakaramdam ng paninigas ng kanyang sikmura si Janelle dahil sa kaba at tensyon. Pansamantalang nawala ang kanyang composure dahil kay Marc. Lalo na nang maalala ang pangahas — pero masarap — na halik na ninakaw nito.
Hindi pa tapos ang fashion show ngunit parang ayaw na niyang bumalik sa stage. Hindi niya gustong makita roong muli si Marc.
"Janelle, bakit hindi ka pa nagbibihis? Susunod na 'yung mga new designs for the rainy days," pukaw ni Vanni sa kanya habang nakapangalumbaba siya sa harap, gayong ang iba niyang mga kasamang modelo'y nagpapalit na ng attire.
Pagbalik niya sa stage ay pilit na lamang niyang inignora ang katotohanang nasa audience ang pinaka-antipatikong lalaking nakilala niya.
Ngunit pagkatapos na pagkatapos ng fashion show ay nagmamadaling nagbihis si Janelle para umalis ng nasabing hotel. Upang umiwas kay Marc.
Ngunit bago pa siya makalabas ng dressing room ay sinalubong siya ni Ness. "May nagpapaabot nito sa iyo."
Roses in a transparent box ang iniabot sa kanya ng kapwa-modelo. Napamaang siya kasabay ng kutob na maaaring kay Marc galing ang bulaklak na natanggap.
Ano'ng ibig nitong palabasin? Hindi ba siya talaga lulubayan ng Marc da Silva'ng ito?
Napabuntong-hininga siya bago binuklat ang card na kalakip.
Let me discuss my offer to you over dinner at the lobby lounge. I'll be be waiting there.
M.D.S.
Kay Marc da Silva nga galing ang bulaklak at ang imbitasyon para sa isang dinner. Hindi man nito isinulat ang pangalan ay malinaw namang initials nito ang nasa gawing ibaba ng card.
"Galing sa isang lalaking namalikmata na naman sa ganda mo, 'no?" Muntik pa siyang mapapitlag sa tinig ni Ness mula sa kanyang likuran.
"Galing sa pinakabastos at pinakamakulit na lalaking nakilala ko," sabi niya, saka inalagay sa kamay ng kausap ang bulaklak sa kahon. Saka binitbit ang kanyang malaking bag na puno ng damit at accessories at nagmamadali nang tumalilis. "Mauna na ako sa iyo, Ness. Magkita na lang tayo sa bahay."
"Sige, see you!"
Naiwang nagtataka si Ness kung bakit ibinigay niya rito ang bulaklak. Paglabas niya ng pinto ay nakasalubong naman ni Janelle si Vanni, ang coordinator ng fashion show na iyon.
"Kung ako sa iyo, susunggaban ko na 'yung alok ni Mr. Mauro Diaz Sison. Maganda ang mga plano niya sa iyo. Balak nilang itapat ka kay Rosanna Roces."
"Mauro Diaz Sison?" maang na ulit ni Janelle.
"Oo, 'yung nagbigay sa iyo ng flowers. At nag-iimbita sa iyo sa dinner. Siya ang producer ng Dawn Film Production. At sinabi niya sa aking interesado siyang kontratahin ka at i-build up bilang isang sexy star."
"Sigurado ka, siya ang gustong makipag-usap sa akin?" paniniyak ni Janelle sa kausap.
"Yeah. Bakit, may iba ka pa bang ine-expect na gustong kumausap sa iyo?"
"Ahm... wala naman. "
"Then, huwag mo nang paghintayin si Mr. Sison. Napakaganda ng offer niya sa iyo. Pagpirma mo ng kontrata, tiyak na ang downpayment niyon. Madali ang pagyaman diyan kesa sa modelling."
Nakadama ng pagkapahiya sa sarili niya si Janelle. Hindi naman pala totoong gusto niyang iwasan si Marc. Dahil ang totoo ay siya pa ang tila umaasa ng atensyon mula rito. Ang totoo ay nag-inis-inisan lang naman siya kaya ipinasa niya ang bulaklak kay Ness. Gayong sa isang bahagi ng kanyang puso ay may kiliting nadarama. Ikaw ba naman ang bigyan ng bulaklak ng isang Marc da Silva, puwede ka nang magyabang.
Ang kaso nga, sa ibang lalaking may initials ding M.D.S. nanggaling ang roses.
Pahiya ka, 'no? kantiyaw ng dalaga sa sarili habang binabagtas ang maluwang na pasilyo patungo sa lobby. Akala ko ba, ayaw mong makaharap ulit si Marc? Iyon pala... ikaw itong excited na makita siya ulit. Pagkatapos ng pilyong halik nito.
Nagbago ang isip ni Janelle bago pa siya makalabas ng hotel. Sa halip na umuwi na sa apartment ay ikinonsidera niya ang imbitasyon ni Mr. Sison. Bagama't hindi siya interesado sa ino-offer nitong pag-aartista ay tatanggihan niya ang alok nito sa magalang na paraan.
"I'm sorry, Mr. Sison. Hindi ho talaga ako interesado. Wala akong hilig sa pag-aartista dahil basically ay mahiyain ho ako. Iyon ngang pagsali ko sa beauty pageant ay sapilitan pa. Napilit lang ako ng nanay-nanayan ko."
"Pero ayaw mo bang sumikat na katulad ng mga naging beauty titlists din na tulad mo?"
"Hindi ho ako puwedeng tumanggap ng kahit anong kontrata hanggang ako pa ang reigning Mutya ng Asia-Pacific. Dahil marami pa rin ho akong ginagampanan sa Mutya ng Asia-Pacific Foundation na karamihan ay charitable works.
"Okay, but in case na magbago ang isip mo... here's my card."
Walang panghihinayang na nakapa si Janelle nang matapos makipag-usap sa producer. Hindi niya gustong mapunta sa limelight katulad ng kanyang ina. Simple lang siya na simple rin ang mga pangarap.
Pabalik na siya sa kanyang sasakyan nang may maramdaman siyang tao sa kanyang likuran.
Nang lingunin niya ito, nagulat pa siya nang mapagsino.
"Hi, Miss Beautiful," makamandag ang ngiting bati sa kanya ni Marc.

Man Of My Dreams (Tall Dark &Dangerous) - Cora ClementeWhere stories live. Discover now