Chapter 8

546 10 0
                                    

CHAPTER EIGHT

"WHAT are you doing here?" Pinilit niyang itago ang excitement sa kanyang tinig. Nakakahiya kay Marc kapag nahimigan iyon.
"Don't pretend as if you didn't see me half an hour ago, Janelle. Nagtama pa ang mga mata natin kanina."
"I mean, ano'ng ginagawa ng isang Marc da Silva sa isang fashion show na katulad nito?"
"Let me remind you na project ng mga congressional wives ang fashion show na ito. At ang mama ko ay misis at ang nag-iisang babae sa buhay ni Congressman Juancho da Silva." Bakit ba kailangang bigyang-diin ni Marc ang katotohanang si Patricia lamang ang babae sa buhay ni Juancho?
Hindi naman talaga siya nakikipagkompetensiya sa sinumang babae sa buhay at puso ng congressman. Alam ni Juancho iyon. Dahil alam na alam din niyang may sarili siyang espesyal na lugar sa puso ng matanda.
"Bakit mo ako sinundan dito sa parking area? May kailangan ka?" pasupladang tanong niya sa binata. Hindi laging araw ng Marc da Silva'ng ito. Hindi siya bastos at supladang tao pero si Marc na rin ang nagturo sa kanya na maging ganito sa harap nito.
"Don't you think sadya tayong pinagtatagpo at pinaglalapit ng mga pagkakataon?"
"I don't think so, Mr. Da Silva."
"There's just one thing I would like to know, Janelle," buong yabang na nakataas ang mukha nito habang ang mga mata'y tuwid na nakatingin sa kanyang mukha — o ang mga labi niya ang tinititigan nito?
"Sabihin mo na kung ano 'yung gusto mong malaman, Mr. Da Silva, pagod ako at gusto ko nang umuwi."
"I can give you a lift. Para hindi ka na mag-drive. Puwede kong ipasunod sa tauhan ko ang sasakyan mo. Saan mo gustong ihatid kita? Sa apartment mo o sa paradise hideaway ninyo ni Papa sa Villa Royale?"
Hindi pinansin ni Janelle ang pampo-provoke ng binata. Sa halip ay nagpasya siyang talikuran na ito. Ngunit bago pa niya magawa ay muli siyang pinigil ni Marc sa braso.
"Not so fast, Janelle. Gusto kong malaman ang desisyon mo sa offer ko sa iyo."
Inis na napabuntong-hininga si Janelle, saka muling hinarap ang binata.
"Wala akong panahong makipaglaro sa iyo, Mr. Da Silva. Kung hindi mo naintindihan ang sinabi ko na noong una na hindi ko papatulan ang sinasabi mong 'offer', uulitin ko. I don't need your money. Hindi kailangang bayaran mo pa ako para layuan ko ang papa mo. Bagama't magiging napakasakit no'n para sa akin at alam kong magdaramdam din siya, tutupad ako sa ipinangako ko sa iyo. Hindi na ako makikipagkita sa kanya."
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ni Marc ay may sakit na kumudlit sa puso nito nang mapatunayan mula sa bibig ni Janelle kung gaano kahalaga sa puso nito ang kanyang Papa. Gusto na yata niyang maniwalang mahal nito si Juancho.
Inggit ba ang tawag sa bigla niyang naramdaman? O panibugho?
"Now, Mr. Da Silva... siguro naman ay puwede na akong umalis."
Pero sa pagkabigla pa niya, sinaklit na naman siya ni Marc at inilapit nang husto ang katawan niya sa dibdib nito.
"Hindi ako sanay nang tinatalikuran na lang basta, Janelle."
"Let go of me!" Sinisikap niyang lumaban kay Marc. Kasabay ng pagsisikap niyang labanan ang nararamdamang sensuwalidad sa pagkakadikit ng kanilang mga katawan. Gahibla lamang ang layo ng kanilang mga mukha, ng kanilang mga labi sa isa't isa kaya't alam niyang anumang oras ay maaabot siya ng halik nito. Bagay na kinatatakutan and at the same time ay kinasasabikan niyang gawin nitong muli.
"Parehung-pareho kami ni Papa ng taste sa maraming bagay. Lalo na sa babae."
"I said let go of me or I'll scream..."
"Pakakawalan kita bakit hindi? But on one condition," sabi ni Marc. "You'll dine out with me tomorrow night?"
"I can't."
"Because I am stepping on someone else's toes? My own father's toes?"
"I can't say yes to you for the simple reason na may date ako bukas ng gabi."
"So, may iba pa pala bukod kay Papa? O dahil pinaglalayo ko na kayo'y nakahanapk ka na kaagad ng iba."
Umakma si Janelle na sasampalin ang binata ngunit ni hindi na niya nagawang iangat ang kanyang kanang kamay.
"Damn you, Marc!" nanginginig sa galit ang buo niyang katawan.
"Go on, hit me. Pero sa bawat sampal na gagawin mo sa akin, halik ang igaganti ko, Janelle."
At bago pa naiiwas ng dalaga ang kanyang mukha ay naabot na naman ni Marc ang kanyang mga labing tila nagiging turuan sa binata. Napasandal siya sa katawan ng kanyang kotse at doon siya lalong na-trap ni Marc.
Limang segundo lamang ang halik na iyon ngunit para siyang ihinatid niyon sa limang milyong talampakang taas.
Nagiging-OA ba siya o masyado lang siyang nangangarap?
Nagawa niya itong itulak. Salamat na lamang at mas malakas ang utos ng isip niya this time, kesa sa dikta ng kanyang puso.
Tinutukso siya ni Marc, ngayong nauunawaan na niya. At hindi niya ibibigay dito ang kasiyahang mangyari ang gusto nitong mangyari.
"Ikaw ang pinakabastos na lalaking nakilala ko!" nanginginig sa galit na sabi niya bago nagmamadaling lumulan sa kanyang sasakyan si Janelle. Ngunit bago pa niya maisara ang pinto ng kotse ay muling napigil ito ng lalaki.
"And you've got the sweetest lips I'd ever tasted." ngingisi-ngising sabi nito. Tila lalo siyang pinipikon.
Pinilit niyang kabigin ang pinto ng kotse ngunit hindi iyon kaagad binitiwan ng binata. Bahagya pa itong yumuko para marinig niya ang sasabihin nito.
"I never take 'no' for an answer. I'll pick you up before seven tomorrow night... sa apartment mo sa Quezon City. Huwag mo 'kong pagtataguan. Hindi mo ako puwedeng iwasan, Miss Janelle Valdemor!"
Nagbabanta ang tinig ni Marc. Pagkuwa'y ito na rin ang nagsara ng pinto ng kotse. Napapikit si Janelle, sabay dama sa kanyang batok sa paraang para siyang nahahapo. Saka iyon isinandal para saglit i-relax. Pinawalan niya ang lahat ng tensyon. Tensyong si Marc lamang ang kayang maghatid sa kanya.
Saka pinasibad ang kanyang sasakyan.
Buburahin na niya sa isip ang existence ni Marc da Silva, pangako ni Janelle sa sarili. Masyado nang nagugulo ang mundo niya dahil dito.
Ano pa ba talagang kailangan sa kanya ni Marc at kinukulit siya nito? Bakit niyayaya siya nito sa isang dinner date?
May feeling siyang may binabalak si Marc. Malamang na may iniluluto ito para sa kanya.

HINDI na kailangang mag-isip si Janelle. Hindi niya pagbibigyan ang imbitasyon ni Marc para sa isang dinner date — kung imbitasyon nga bang matatawag iyon. Iiwasan pa niya ito.
Kapag pinagbigyan ko siya, malamang na mag-imbita siya uli. Kapag pinagtaguan ko naman siya, baka hindi rin niya ako tigilan ng pangungulit at lalong magalit.
Hindi pa tapos ang problema nila ni Juancho. Kaya't hindi siya dapat pumasok sa panibagong problemang masasangkot pa ang kanyang puso.
Minsan na siyang nasaktan. Nang talikuran ng lalaking minahal niya. Nang dahil sa hindi magandang reputasyon ng kanyang ina nang matuklasan nitong anak siya ni Laura Suarez, ang tinaguriang 'bomba queen' noong araw.
Alam niyang kukulitin siya ng binata kaya upang makaiwas ay nagpasya siyang magpunta sa Jaen, Nueva Ecija, kung saan naroroon ang Nanay Amanda niya.
Pinsang-buo ito ng kanyang ina. At itinuturing niyang pangalawang ina. Ayaw iwan ang buhay doon dahil naroon ang kabuhayan at ang lalaking minamahal.
"Palagay ko'y may problema ka kaya ka nasugod, ano?"
Kilalang-kilala siya ng kanyang nanay-nanayan. Alam na alam kung kailan siya masaya o may problema.
Ikinuwento niya rito ang lahat. Maging ang tungkol kay Marc.
Pagkalipas ng dalawang araw ay bumalik na siya sa Villa Royale. Siguro naman ay hindi na siya kukulitin pa ni Marc.
Iyon ang akala niya. Dahil pagdating niya sa Villa Royale ay nakatanggap siya ng mga bulaklak, isang flower arrangement.
Pagkatapos niyang matanggap ang mga bulaklak na ipinadala nito ay nag-ring ang telepono. Ang mismong sender din ng bulaklak ang caller.
"Natanggap mo ba ang mga flowers na ipinadala ko, Janelle?"
"Oo!" kunwari'y paasik na tugon ng dalaga. "And thanks but no thanks. Hindi ko alam kung ano talaga'ng pakay mo at ginagawa mo ito."
Tumawa nang malutong ang nasa kabilang linya. Sa inis ay bahagyang inilayo ni Janelle sa kanyang tenga ang aparatong tagahatid ng tinig.
"What do you want from me, Marc?" Mas malakas at maigting na ang tono niya this time. "Sinisiguro mo bang hindi na ako makikipagkita sa papa mo? Wala ka bang tiwalang marunong akong tumupad sa binitiwan kong pangako sa iyo?"
Pero heto na naman ang kakambal na damdamin ng kanyang tinitimping galit. Kapag si Marc ang kaharap o kahit kausap lamang niya ay lagi nang nahahati ang damdamin niya.
"Susunduin kita riyan sa Villa Royale tomorrow afternoon."
"And what made you think na sasama ako sa iyo?"
"I don't take 'no' for an answer, remember?"
"Hindi ka Diyos, Marc. Lalong wala kang karapatan para diktahan ang sinuman, lalung-lalo na ako na wala nang dahilan para gambalain mo!"
"You don't really know me, Janelle. You can't get away from me so easily. No one ever rejects me."
"Shit you, Marc. Puwede bang patahimikin mo na ako!" This time ay nangibabaw na ang inis ni Janelle sa lalaki. Nayayabangan na siya rito. At nagpupuyos ang kalooban niya sa pagtrato nito sa kanya na para bang pag-aari siya nito at kayang kontrolin at diktahan anumang oras.
Damn the man! Kung may pagkakataon lamang siya'y isusumbong na niya ito kay Juancho.
"Well, kung ayaw mong lumabas tayo, diyan na lang tayo sa Villa Royale. After all, ang papa ko ang bumili ng bahay na 'yan kaya may karapatan akong magpunta riyan at mag-stay any time na gustuhin ko."
"Manigas ka!"
Nagpupuyos ang kaloobang ibinagsak ni Janelle ang receiver.
Nakakainis. Nakakainis talaga!
'Yung pag-iimbita nito, 'yung plano nitong puntahan siya rito sa Villa Royale, okay pa sana iyon sa kanya, eh. Hindi naman niya itinatatwa sa sariling iba ang pakiramdam niya kapag nakikita si Marc.
Ang hindi lang okay ay ang paraan nito ng pag-iimbita. Para siyang pag-aari nito kung tratuhin. Dahil ba akala nito'y isa siyang babaing madaling makuha?
Umalis siya ng Villa Royale para makaiwas dito sakali ngang magpunta ito. Umuwi siya sa apartment nila nina Patty. Pero panay na panay ang tawag sa kanya ni Marc. Na hindi naman niya sinasagot.
Tingnan ko kung hindi ka mapagod sa pakikipag-hide and seek sa akin, Marc, nangingiting naisip niya. Pero nakyu-cute-an siya sa ideyang hinahanap at hinahabol siya nito.
Imagine, si Marc da Silva, napaglalaruan niya?
Sa pangambang bumalik ang binata sa apartment at maabutan siya ay nagbalik din siya kaagad sa Villa Royale kinabukasan.
Ngunit hindi pa siya nagtatagal doon ay may dumating siyang hindi inaasahang bisita.
Kilala niya ito. Si Pepito. Ang bodyguard ni Juancho.
"Ipinasusundo kayo ni Congressman."
"Ha?" Namilog ang mga mata niya sa tuwa. Sabik na sabik na rin siyang makita si Juancho. "Nasaan siya?"
"Nasa rest house nila sa Anilao, Batangas. Doon nagpapalakas. Gusto ka raw niyang makita kaya ipinasusundo ka sa akin."
"Sandali lang, gagayak ako."
"Magdala ka na rin daw ng maraming damit. Puwede ka raw mag-stay doon kahit ilang araw."
Excited na gumayak si Janelle. Sabi na nga ba't nami-miss na rin siya ni Juancho at baka nag-aalala na rin ito sa kalagayan niya.
Bahala na kung magalit sa kanya si Marc.
Mayamaya'y sakay na sila sa kotseng dala ni Pepito. Matapos ang mahigit isang oras na biyahe ay nakarating sila sa Anilao. Ngunit doon ay may naghihintay na private plane.
"Bakit sasakay pa ako riyan?" tanong niya kay Pepito?
"Wala rito si Congressman. Nagpalipat sa Camiguin. Doon ka niya hinihintay."
Hindi na nagtanong pa si Janelle dahil naisip niyang plinano siguro ni Juancho ang lahat para magkasarilinan sila sa malayong isla. Malayo sa pamilya nito, sa mata ng marami, lalo na kay Marc na nagsisilbing tinik sa relasyon nila.
Paglulan niya sa private plane ay na-shock pa siya nang malingunan ang lalaking nasa unang row ng six-seater plane.
"Marc?"
"Hi, sweetie pie!" nakakaloko ang ngiting sabi sabay tila nang-iinis na sumaludo pa sa kanya.
"Ano'ng ibig sabihin nito? Ikaw ang may pakulo ng lahat ng ito? At ginamit mo pa ang pangalan ng papa mo para lang malinlang ako?"
"I told you, hindi ako ganoon kadaling iwasan."
"Oh, my God..." natampal ni Janelle ang sariling noo. "Saan mo ako dadalhin, Marc?"
"Later, sweetie pie, malalaman mo rin. And for the next three days, you will be at my mercy. Kaya kung ako sa iyo, magiging masunurin na lang ako."
Hindi na alam ni Janelle kung ano ang gagawin. Nang tumingin siya sa ibaba ay nalula na siya. Alam niya, hindi nagbibiro si Marc, from this very moment on, she will be at his mercy.
At ano na nga ang sinabi nito? Sa susunod na tatlong araw? Tatlong araw siyang isasama nito sa kung saang lupalop?
Sinakmal siyang bigla ng takot. Saan siya dadalhin ni Marc at ano'ng iniisip nitong gawin sa kanya?

"GUSTO mong tumalon?" nakangising baling ni Marc kay Janelle. "Sorry, sweetie pie, hindi ako nagdala ng parachute."
"Damn you, Marc! Alam mo bang puwede kitang idemanda ng abduction?"
"Hindi mo ako puwedeng takutin, Janelle."
"Hindi kita tinatakot. Kapag nalaman ng mga kamag-anak ko na nawawala ako ay tiyak na magre-report sila sa pulis."
"Sinong pamilya ang maghahanap sa iyo? Ulila ka na. At kahit kapatid ay wala. Ang pinakamalapit na kamag-anak mo ay nasa Nueva Ecija. Ang mga kasama mo naman sa apartment, hindi nila iisiping nawawala ka. Dahil nagpa-fax na ako ng message sa kanila. Na uuwi ka sa Nueva Ecija kaya hindi sila mag-aalala."
Tuluyan nang nagpuyos ang kalooban ni Janelle. Pinasisikip ni Marc ang kanyang mundo. Kung ano ang motibo nito ay hindi niya tiyak.

Man Of My Dreams (Tall Dark &Dangerous) - Cora ClementeWhere stories live. Discover now