Nanginig ako sa takot. Sakto pang humangin ng malakas na dinig na dinig dahil nasa gitna ng mga puno ang bahay nila.

"Inay, huwag mo nang ikuwento kay kuya Jett. Baka matakot iyan mamaya."

Natawa ako pero ramdam ko ang panginginig ng mga labi ko. Pakshet na 'yan! Basta usapang multo ay naatras talaga ako.

"Natakot ba kita hijo?" Tumawa si inay sa akin. "Kuwentong bayan lang naman 'yan, wala namang nakapagpatunay."

"Huwag ka matakot kuya Jett. Ihahatid kita mamaya."

Nilingon ko si Buboy na ngumiti sa akin. Napangiti na rin ako at inabot ang buhok niya saka ginulo.

"Anong tingin mo sa akin? Duwag?"

"Oo, kuya." Aniya kaya nasamid ako. Tumawa si Inay kaya natawa na rin ako.

Mahabang kuwentuhan pa ang ginawa namin habang umiinom ng kape at kumakain ng banana cue. Nang matapos ay nagprisinta akong tumulong sa paghuhugas ng mga ginamit namin.

Namangha ako nang makapasok sa loob ng bahay nila. Hinubad ko pa ang sapatos kahit na pinagalitan ako ni Inay at sinabing ipasok ko na pero hindi ko naman ginawa. Binigyan niya na lang ako ng kulay pink na pangloob na tsinelas.

May linolium na kulay green ang buong sahig dahil sabi ni Inay ay lupa na raw kasi ang sahig niyon, hindi raw iyon nakasemento kaya nilagyan na lang nila ng linolium. May sofa sila na kawayan set at ang ganda sa mga mata ng mga design noon. Ang anak niya raw na lalaki ang gumawa noon na tatay pala nila Buboy. May maliit silang hagdanan na sa bilang ko ay limang steps. Gawa iyon sa kahoy pero ang hawakan ay kawayan na binarnisan.

"Iyong kuwarto sa taas ay silid nilang dalawa." Bulong ni Inay sa akin nang mapatingin ako sa nag iisang silid sa taas.

Tumango-tango ako at napatingin sa maliit nilang TV. Punong-puno iyon ng mga stickers na pambata na tiyak akong si Buboy ang naglagay. May mga laruan din sa bawat gilid noon.

Nang makapasok sa kusina nila ay lalo akong namangha. Bukas ang kusina nila dahil yare iyon sa kawayan na may mga nakaukit na bulaklak. Tuloy ay kitang-kita ang likod ng bahay nila na punong-puno naman ng mga iba't-ibang halaman.

"Ang aliwalas po ng bahay niyo, inay." Puri ko at napatingin sa kung saan sila nagluluto.

Kahoy ang pinaglulutuan nila. Sa taas nakalagay ang mga sinibak na kahoy at maayos ang pagkakasalansan ng mga iyon.

"Wala kaming tubig hijo. Nag-iigib kami roon sa may bandang likod. May poso roon. Pero nag-iipon naman kami ng tubig dito sa may dram, nagkataon lang na naubusan."

Nilingon ko siya at mukhang mag-iigib na nga yata siya kaya marahan kong inagaw ang timba kay inay.

"Ako na inay ang mag-iigib. Ituro niyo na lang po sa akin kung saan."

"Ay! Naku Jett, hijo. Wag na, ako ang nag-iigib."

"Kaya niyo pa po ba?"

Natawa si Inay sa akin. "Malakas pa naman ako, sixty-five lang ako hijo!"

"Ako na inay, kaya ko 'yan!"

Wala na siyang nagawa kaya naman sinamahan niya na lang ako sa may likuran. Naabutan pa namin si Buboy na inaayos na ang mga kahoy na kinuha namin kanina.

"Saan kayo, inay?" Sigaw nito at humabol sa amin. "Sama ako!"

Bumungad sa amin ang poso na tinutukoy ni Inay. Malinis ang paligid noon at mukhang magandang ehersisyo ito lalo tuwing umaga. Iniwan na kami ni Inay at magluluto pa raw siya ng kanin.

Hinubad ko ang uniform kaya naiwan ang suot kong puting sando. Napatingin sa akin si Buboy at tumawa.

"Kaya pala nagpresinta ka ah! May muscles ka pala, kuya!" Tinuro-turo niya iyon kaya natatawa ko siyang winisikan ng tubig.

Maghihintay (On-Going)Where stories live. Discover now