May nahawakan siya?

“Ren naman! Kumakain kami eh, nanggugulat ka!” Natawa ako sa ginawang pagreklamo ni Amely, mukha ngang nagulat siya.

Pero hindi naman ako sumigaw eh. Nagsalita lang ako sa likod nilang dalawa. Anong nakakagulat do’n? ‘Yan kasi, kape nang kape kaya nagiging magulatin eh. Buti nalang gatas ang iniinom ko.

“Sorry na! Masyado kasi kayong seryoso habang kumakain eh, ‘di niyo man lang napansin ang presensya ko,” pagkakatwiran ko sa dalawa.

Huminga nang malalim si Amely at uminom muna ng tubig upang pakalmahin ang sarili bago nagsalita, “Anong kailangan mo at napadpad ka rito?” Ang seryoso naman niyang magtanong. Nagalit yata sa ginawa ko.

“Siguro nami-miss mo kami, ‘no?” Pang-aasar naman ni Sabel na ikinangiwi ko. Pa’no kung asarin ko rin siya at sabihing nakakatawa ‘yung itsura niya kanina nang magulat siya. Sayang nga at hindi ko dala ‘yung cellphone ko, hindi ko tuloy nakuhanan ng litrato. Pang-blackmail na sana ‘yon eh.

“Bakit ko naman kayo mami-miss? Pagkain ba kayo?” Kayo ba si Tito Lucio?

Joke! Hindi ‘yon totoo! Isa ‘yong kasinungalingan lamang!

“Kahit hindi kami pagkain, masarap kami ‘no!” Hindi ako makapaniwalang tumingin kay Amely dahil sa sinabi niya. Mukhang bumalik na siya sa sarili niya, kung ano-ano na ‘yung lumalabas sa bibig.

Magpinsan nga talaga sila, parehong may kahanginan sa katawan at masyadong bilib sa sarili.

Kaysa makinig pa sa kabaliwang sinasabi ng dalawa ay napagpasyahan ko nalang magpaalam sa kanila. Baka hindi ko matantiya ang bibig nila at mabusalan ko pa.

“Ewan ko sa inyong dalawa, aalis na nga ako,” hindi pa ako tuluyang nakakaalis nang marinig ko ang pagsasalitang muli ni Amely.

“At saan ka naman pumunta, aber?” Tinaasan pa nga ako ng kilay. Ahitin ko ‘yan eh.

“Sa pool, titingnan ko kung nando’n si Tito Lucio,” simpleng sagot ko rito.

Sa pool ko muna napagpasyahang pumunta upang i-check kung nando’n nga ba ‘yung nobyo ni mama. At ang dahilan kung bakit doon ko unang gustong pumunta? Ewan ko rin, ‘yon lang ang unang pumasok sa isip ko eh, kaya sinunod ko na.

Umiling naman si Amely, “Wala r’yan si Sir.”

Pero siyempre hindi ako nakinig. Iniwan ko na sila ro’n at tumungo na kung naasan ‘yung swimming pool. Malay mo niloloko lang pala ako no’n, mahirap pa namang maniwala sa mukha ng babaeng ‘yon. Ang ganu’ng mukha at mahirap paniwalaan, idagdag mo pa na alam ko na ang takbo ng utak ng dalawang ‘yon.

Ganito talaga ang may trust issues sa buhay, mahirap nang maniwala sa sinasabi ng iba. Pa’no kung naniwala pala ako sa babaeng ‘yon tapos ang totoo ay nasa pool pala, pero dahil nga naniwala ako ay bumalik ako sa loob ng bahay upang i-check ‘yung gym kung nandoon nga ba ‘yung nobyo ni mama pero wala naman pala roon. Edi babalik ako ng pool upang i-check pa, napagod tuloy ako.

Mas maganda nang magtake ng risk ‘no.

Pagkarating na pagkarating ko ng pool ay agad din akong bumalik. Isang tahimik na swimming pool kasi ang sumalubong sa ‘kin. Totoo nga ‘yung sinabi ng dalawa na wala sa lugar na ‘yon ‘yung nobyo ni mama.

Pero at least nakasigurado akong wala nga talaga siya ro’n, ‘di ba?

Hmm... Siguro minsan paniniwalaan ko na rin ‘yung mga sinasabi ng dalawa. Ibibigay ko na sa kanila ang limang porsyento kong tiwala.

Haha!

Pagkadaan ko ro’n sa maid's quarter ay napansin kong paubos na ‘yung pagkain ng dalawang babae. Kanina lang ang dami no’n ah, ang bilis naman nilang maubos. Ang tatakaw ah.

His Forbidden DesiresOnde histórias criam vida. Descubra agora