ENTRY 4: Santang Tunay

25 2 0
                                    

Santang Tunay

ni: Surtur Nurhati

wc: 590

Walang imik akong nakaupo sa kutson, pinagmamasdan ang makukulay na dekorasyon sa aming Christmas Tree nang sandali akong tabihan ni Mama.

"Anak, matulog ka na at para malagyan na ni Santa Claus ng gifts ang Christmas Tree natin." aniya habang hinihimas ang aking buhok.

Nilingon ko siya, "Ma, totoo po ba si Santa Claus?"

Bahagya siyang natahimik, pero agad ring tumugon, "Oo naman! Bakit mo natanong?"

Ibinalik ko ang tingin sa mga palamuting nakasabit sa Christmas Tree.

"Kahit minsan 'di ko pa siya nakikita. Ilang taon na siyang nagbibigay sa'kin ng gifts pero di ko pa rin siya kilala sa mukha." malungkot kong pagkakasabi sa kaniya.

Itinigil ni Mama ang paghaplos sa aking ulo saka hinawakan ang magkabila kong balikat.

"Bawal kasi siyang makita ng mga bata."

Napakunot naman ako sa sinabi ni Mama, "Bakit naman po?"

Napabuntong-hininga siya sa tanong ko pagkatapos at tumayo siya't pumuwesto sa harap ko.

"Basta. Tara na anak, matulog ka na para good boy ka uli kay Santa." aniya habang hinihila ako patungo sa aking silid.

Hindi ko naman magawang tanggalin ang tingin sa aming Chrsitmas Tree. Sigurado akong bibisita siya muli ngayong bisperas, at ngayong taon, sisiguraduhin kong makikita ko ng mata sa mata ang nagbibigay sa akin ng mga regalo.

***

Naalimpungatan ako dahil sa ingay na nanggaling sa aming sala. Tiningnan ko ang oras sa alarm clock at mag-aalas dose pasado pa lang ng hatinggabi.

Dahan-dahan akong bumangon sa kama. Maingat kong binuksan ang pinto para silipin ang nangyayari sa labas, at nagulat ako sa aking nasaksihan. Isang silweta ng matandang mama ang nakikita ko sa bandang sala, malapit sa may Christmas Tree.

Tahimik akong naglakad papuntang sala para makita ng buo ang wangis ng misteryosong samaritano tuwing kapaskuhan, ngunit bago ko pa magawang ihakbang ang aking binti patungo sa kaniya, ay siya namang unti-unti niyang paglingon sa direksyon ko.

Hindi ako makapaniwala.

Ngayon, malinaw kong nakita ang mukha ng sinasabi nilang Santa Claus.

Ibang-iba ang hitsura niya sa mga dekorasyong nakabalandra sa Christmas Tree. Ang nilalang na nasa harap ko ngayon ay ang mukhang hindi mo gugustuhing makita sa pagtulog mo. Sa isang salita, isa siyang bangungot.

Ang kasuotan niyang kulay pula ay may bahid ng mantsa ng sariwang dugo. Nasabi ko ito dahil sa masangsang niyang amoy. Kahit ang dala-dala niyang sako ay puno ng misteryo, dahil may iilang patak ng dulang likido ang naturang lalagyan niya ng regalo. Ang kaniyang mukha ay kulubot, ibang-iba sa maamong wangis niya sa mga telebisyon. Panghuli, ang balbas nito ay pinagmumugaran ng mga ipis at iba pang insekto na mas nagpapadagdag sa takot ng orang dala niya.

Unti-unting lumapit sa akin ang Santa Claus habang ako naman ay nanatiling nakatayo sa harap niya. Nagmistulang estatwa na ang buo kong katawan sa tindi ng takot na aking nararamdaman.

Tumigil siya sa paghakbang pagkatapos ay ngumiti ng malapad. Binuksan niya ang pulang sako at kinuha ang isang kahon. Iniabot niya ito sa akin.

Nanginginig akong tinanggap ang regalo ng handog niya sa akin. Agad ko ring binuksan sa harap niya ang regalo. Nakapagtataka dahil isang pares ng chopsticks ang bumungad sa akin. Sigurado akong hindi sa akin ito dahil hindi ko naman isinulat sa wishlist na regaluhan niya ako nito.

Bago ko pa man ibalik sa kaniya ang regalo, hindi ko namalayang naglaho ang de kahoy na kubyertos sa kahon. Huli na ng napagtanto ko na malalim itong nakatusok sa pagitan ng leeg ko. Ibinaling ko ang tingin sa Santa Claus na masayang tumatawa.

"Ho-ho-ho, Merry Christmas Jimmy! Ngayon, siguradong matutulog ka na... habangbuhay!"

CHRISTMAS HAUNTINGSWhere stories live. Discover now