Chapter 9: An-Nashīd al-Waṭan [n.] Tumatawag na naman si Mama

2 0 0
                                    

Imaginereadingthissentence.

Ganyan ang pagsulat ng mga Thai. Magkakadikit-dikit. Ikaw bahala kung pa'no mo siya babasahin o iintindihin. Pero most of the time, hindi naman nagkakaproblema ang mga native speaker nito dahil ang structure ng sentence nila ay matalinong nakadiseyo para agad nilang matukoy kung alin ang mga salita sa isang magkakadikit-dikit na pangungusap. Mababaw man o hindi, hinahangaan ko sila dahil doon. Hindi nila kailangan ng espasyo para maintindihan ang gusto nilang sabihin.

Kinaumagahan ng pagkikita namin nina Aurora, hindi ako mapakali dahil sunod-sunod ang text sa'kin ni Mama. Hindi naman ako nakare-reply dahil wala na rin akong load, at kahit may load ako, I doubt na magte-text back ako. In my case, kailangan ko ng espasyo para makahinga. Hindi ako Thai kaya hindi ko i-a-apply ang mga sinabi ko sa sarili ko.

Nakaupo ako sa lamesa at patuloy na pina-practice ang pagbabasa sa Thai habang hinihintay si Lolo Paeng bumaba. Tapos na akong magluto, tapos na akong maglaba, tapos na akong maligo, at hinihintay ko na lang ang matatalim na sermon ni Lolo bago pumasok sa English class maya-maya.

Umilaw ang phone ko sa mesa at tumugtog nanaman ng ringtone ng an-Nashīd al-Waṭan, o mas kilala sa tinatawag nating Kuwait National Anthem. Sakto ay nakababa na si Lolo, suot ang clog slippers niya.

"'Di mo ba sasagutin ang Mama mo?" tanong ni Lolo habang dahan-dahang umuupo sa dulo ng mesa.

"Pom maì dtâwng-kan," sabi ko sa wikang Thai. Ang panibago kong mood kapag ayaw kong pansinin ako. Ang ibig kong sabihin ay ayaw kong kausapin si Mama.

Kumunot ang kilay ni Lolo sakin at tiningnan ako ng masama. "'Wag mo akong tina-Thai, iho. Alam mong hindi ako marunong niyan."

"Man maì daî bpěn kwaam phit kawng pom." Hindi ko kasalanan kung hindi ka marunong.

Sumipsip ako sa tasa ng kape ko habang hindi pa rin makapaniwala si Lolong kinakausap ko siya sa language na hindi niya alam.

"Sige," sabi ni Lolo. "Jao-bohuva-khony-samadkhao-jai-jao."

Muntik ko nang maluwa ang mainit na kape sa bibig ko. Ngumisi si Lolo at nagsimula nang kumain. "Akala ko hindi ka marunong ng Thai."

"Marami ka pang hindi alam, iho. Thai and Lao are mutually intelligible. Kaya pasensya ka na kung nabigo kita, pero marunong rin ako mag-Lao."

Sinara ko ang Thai book na binabasa ko at dinampot ang bag ko. "Alis na ho ako. Baka malate pa sa klase."

"Tungkol pa rin ba 'to sa Etruscan?" sabi niya. "Maupo ka muna at may–"

Hindi ko siya sinagot at dali-dali akong dumerecho sa pintuan at lumabas.

English class ang tanging subject na pinakagusto ko sa high school curriculum. Bukod sa interesting matutunan ang Afro-Asian Literature, English speaker din ang aming teacher, si Ma'am Monalisa Monsalve. Para sa mga sophomore ng San Lorenzo, legend si Ma'am Monalisa Monsalve, o Mon-Mon ayon sa mga kaklase ko, dahil kahit isang beses ay hindi pa nila ito naririnig magsalita sa Tagalog. Kahit ang mga contextualized expressions ng mga Pinoy ay hindi niya rin ginagawa. Halimbawa, imbis na aray, ouch ang sasabihin niya. O kaya imbis na hesusmaryosep kayong mga bata, ang sasabihin niya ay geez, children.

'Wag niyong ikumpara si Ma'am kay Doña Victorina dahil hindi nagme-make up si Ma'am Monsalve, at hindi rin siya nag-aayos para magmukhang Amerikana. Maputi lang talaga balat niya at sa edad niyang apatnapu, parang naturally Americanized na siya at mukhang lumaki talaga sa U.S.

Ang hindi ko inexpect sa klase niya, ay para kaming nasa korte suprema at siya ay ang hukom. Bawal magsalita kung hindi pinapasalita. Bawal kausapin si Ma'am sa Tagalog kundi English lang. At bawal ring mag-recite kung hindi ka sigurado sa sinasabi mo. Sa kasamaang-palad, iyon ang mga batas na hindi ko alam dahil nga isang buwan akong wala sa klase na ito.

Me and the Dying LanguageTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon