Chapter 10

1 0 0
                                    

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin sa nakita kong litrato. B-bakit gano'n?

Habang prinoproseso ko ang nakita kong litrato, bigla nalang may sumara na pinto. Napabaling ang tingin ko roon at nakita si tita Lorraine na kakalabas lang sa silid.

Naluluha kong tiningnan si tita Lorraine na ngayon ay nagtataka sa kinikilos ko. Lumapit siya sa akin at sinuri ako pero nang makita niya ang litratong hawak ko kinuha niya 'yon at hinarap sa harapan ko.

“S-sino 'yan?” sabi ko, umiiyak pa rin sa harapan niya. Nanghihina at hindi alam kung ano ang gagawin sa magiging sagot niya.

“Bakit, kilala mo ba siya?” sagot pa niya sa akin, at ang nagtataka niyang mukha kanina ay naging masaya habang sinasambit niya ang mga katagang 'yon.

Hindi ko naman alam kung ano ang isasagot ko. Nangangapa sa kawalan. Sasabihin ko ba na ako ang batang katabi niya? Kaano-ano ba niya ang batang 'yon? Kaano-ano niya ba ako?

“O-opo…” sabi ko nalang. Wala akong maisipang sabihin kung 'di oo.

Nakita ko naman na lumaki ang mata niya sa gulat at hinawakan ang dalawa kong balikat.

“Saan? Saan mo siya nakita?!” sabi niya na para bang natutuliro– nababaliw. Nahinto naman ang pag-iyak ko at napalitan ng pagtataka.

“B-bakit po?” nauutal kong sabi. Hindi alam kung ano ang susunod na sasabihin.

Binitawan niya ako at napasabunot siya sa buhok niya sabay talikod. Napaatras naman ako sa inakto niya at napahawak nalang sa cabinet na nasa likuran ko.

“Ina… pwede bang huwag mong sabihin 'to kay Chloe?” sabi pa ni tita, halos nagmamakaawa na ang boses. Nagtataka ko naman siyang tiningnan.

“M-may iba akong anak… at siya ang a-anak ko.”

Ang huling mga salita na sinambit niya ay parang bombang sumabog sa harapan ko. Natulala ako at para bang nanghihina. Napahawak ako sa cabinet, na para bang doon ay makakakuha ako ng lakas sa naging rebelasyong 'to.

Anong katangahan 'to?

“A-ano?” sabi ko, hindi makapaniwala sa sinabi niya.

“'Yang batang nasa l-litrato, anak ko siya…” ulit pa niya.

Mas nanghina pa ako dahil doon. Nag-uunahan na naman ang mga luha ko sa paglandas pababa sa pisngi ko. Hindi pwede…

“Sabihin mo sa akin, kung saan mo s-siya nakita. Please…” pagmamakaawa pa niya sa akin sabay harap sa akin.

Nang tingnan ko ang mukha niya, tuluyan akong nanghina. Kitang-kita ko ang pagtulo ng mga luha niya na ikinasikip ng dibdib ko. Kapwa kaming umiiyak.

Habang nakatingin ako sa kanya hindi ko maiwasang masaktan, malungkot at magalit sa mukha niya. Ang sakit na malaman na siya pala ang nag-iwan sa akin kina ate Leah. Nangakong babalik pero hindi na bumalik.

“Ma saan po tayo?” sabi ko kay mama. Nag-iimpake kasi siya, saan kaya kami pupunta.

“Pupunta tayo sa isa sa mga kaibigan ko, Ina,” sabi pa niya kaya tumango nalang ako bilang sagot.

“Oh, ito na ba ang anak mo?” sabi ng isang babae sa harapan ko. Nasa isang bahay kami na medyo malaki. Mayaman siguro sila.

“Oo, sana tuparin mo ang pinagkasunduan natin. Kukunin ko naman siya at babayaran kita sa tamang panahon…” sabi pa ni mama.

“Yes naman. Walang kaso 'yon sa akin,” sabi pa ng babae.

Hinarap naman ako ni mama sa kanya na ngayon ay nakaluhod.

MS#2: Waves of SecretsWhere stories live. Discover now