"Ayaw talaga, Tamara," malungkot at umiiling na ani Tito Roque.

Nakagat ko ang labi ko nang magsimulang pumatak ang luha ko. Mabilis ko 'yong pinunasan.

"Kumusta po siya, Tito? Nagkakausap po ba kayo? Bakit hindi raw po siya pumapasok?"

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Tito Roque. Nababasa ko ang awa sa mga mata niya.

"Sinusubukan ko siyang kausapin, Asher. Pero palagi lang siyang nakakulong sa kwarto niya."

"May hindi siya sinasabi, Tito. May inililihim siya sa atin. Please po! Palabasin ninyo po siya sa kwarto. Gusto ko po siyang makita."

"Tamara..."

"Gusto ko po siyang makita, Tito."

Hindi ko mawari kung ano ang gagawin ko. Namimigat ang dibdib ko sa pag-aalala. Nangangatal ang ibabang labi ko at wala na akong nagawa, kahit nasa harapan nito Tito Roque ay napatungo na lang ako at napahagulgol.

Pero pinahinahon lang ako ni tito. Hindi niya pinagbigyan ang hiling ko. Hinatid niya ako pauwi at sinabihang tatawagan kapag nakausap na niya si Felix. Pero dumaan ang maghapon nang sumunod na araw, wala akong tawag na natanggap. At wala ring sumasagot sa tawag ko sa kanilang dalawa.

Kaya nagpasya kong bumalik. Babalik ako nang babalik hanggang sa makaharap ko si Felix. Hindi ako matatahimik nang hindi siya nakikita at nakakausap. Nang hindi ko nasisiguro na maayos siya.

Kulang ang salitang pag-alala at takot sa nararamdaman ko habang nasa biyahe. Taranta akong nakaupo sa jeep. Kung pwede ko lang utusan ang driver na bilisan at huwag ng tumigil ay baka kanina ko pa ginawa. Mangiyak-ngiyak na ako nang ilang beses na maipit sa traffic. Kaya naman nang makarating sa kanto kung saan ang daan papunta sa bahay ni Tito Roque ay tinakbo ko na iyon. Hindi alintana ang init, ang pawis, at ang bigat ng dala kong bag.

Sarado ang shop ni Tito Roque na nasa gilid ng bahay nito. Maski ang buong bahay ay sarado ang mga pinto at bintana. Tumawag ako nang tumawag kasabay ng paulit-ulit na pagdo-doorbell habang tumatawag din kay Felix sa cell phone na bigo ako sa lahat. Walang lumabas sa bahay, at hindi sinagot ni Felix ang tawag ko. Kahit si Tito Roque ay hindi sumasagot nang tawagan ko kaya mas lumala ang pag-alala ko.

Iba na ang pakiramdam ko. Parang may nagsasabi na sa akin na may nangyayaring hindi maganda.

Tumutulo na ang mga luha ko, na sumasabay sa pamamawis ng buo kong katawan. Mahinang napapahikbi habang palinga-linga at naghahanap ng mapapagtanungan, nakatapat pa rin sa tenga ang cell phone na panay lang ang ring. Pero parang walang nakakaalam kung nasaan sila dahil dinadaanan lang ako ng nagtatakang tingin ng mga taong dumadaan.

"Nako, ineng, wala yatang tao diyan."

Mabilis akong napalingon sa pinanggalingan ng boses. Nakita ko sa katapat na bahay ang isang ginang na nakadungaw sa gate ng mga ito.

Ibinaba ko ang kamay na may hawak na cell phone. Tumawid ako sa maliit na kalsada kasabay ng pagpupunas ng braso sa mukha ko at sa pawisan kong noo.

"Ah, nasaan po kaya?" malumanay kong tanong.

"Siguro'y nasa ospital pa. Ang alam ko'y dinala na naman kagabi ang pamangkin ni Roque na nakatira diyan sa kanya."

"O-Ospital po?" Pamangkin? S-Si F-Felix?

"Aba'y ilang araw na ring pabalik-balik ang batang iyon sa ospital."

Para akong nabibingi sa mga narinig. Hindi ko alam kung paano ako nakaalis doon. Hindi ko na matandaan kung tumakbo ba ako palabas ng highway. Kung paano ako nakasakay ng jeep papunta sa ospital na binanggit ng ale na hindi ko na rin maalala kung napasalamatan ko ba. Nagising na lang ang diwa ko habang hulaang naglalakad sa pasilyo patungo sa kwarto ni Felix na binanggit ng nurse. At nang matigil ako roon, 'yong pagmamadali kong makapunta roon, ay nilisan ng takot na makapasok at makita kung ano'ng madadatnan ko sa loob ng kwartong ito.

Napayuko ako nang muling manlabo ang paningin ko dahil sa mga luha. Agad din akong napatingin sa pinto nang bumukas iyon.

Kasabay ng pagrehistro ng gulat sa akin, ay nakita ko rin nang matigilan si Tita Mylene. At ang una ko agad napansin sa kanya ay ang namumugto niyang mga mata.

"T-Tamara."

Mabilis akong lumapit sa kanya. "T-Tita, si Felix po? Sinabi po na dinala daw po si Felix dito. Gusto ko po siyang makita."

"T-Tamara..."

Taranta niyang tiningnan ang pinto sa kwarto. Nakasara na iyon kaya ipinagtaka ko ang kilos niya. Ayaw ba niyang malaman ko kung sino ang naroon?

"Tita, gusto ko pong makita si Felix. Galing po ako kina Tito Roque pero wala siya roon."

"Hindi pa kayo magkakausap ngayon nang maayos ni Dion, Tamara. Ang mabuti pa bumalik ka na lang bukas, ha?" puno ng kahinahunan niyang sabi habang hinahaplos ang mukha ko.

"P-Pwede ko po bang m-malaman kung bakit narito siya?"

Napayuko si Tita Mylene. Tikom ang nangangatal na bibig nang tingnan niya akong muli.  Wala pa mang sinasabi ay sumabog na ang luha niya

"May brain tumor si Dion, Tamara. May sakit ang anak ko! Diyos ko!"

Parang umurong ang luha ko. Nasundan ko lang ng tingin si Tita Mylene nang mapaupo siya sa sahig at doon malakas na umiyak. Parang nawalan ako ng buhay ang puso ko pagkatapos kong marinig iyon

The Unfinished Love Story: Felix and AsherWhere stories live. Discover now