Kabanata 26

11 0 0
                                    

SOBRANG biglaan ang mga pangyayari. Ilang araw lang idinaing ni Felix ang labis na pananakit ng ulo. Hindi na nagdalawang isip si Tito Roque na dalhin siya sa ospital. At agad na si-nu-ggest sa ospital na mag take siya ng MRI Scan. At doon ay agad na nakita ang dahilan ng pananakit ng ulo ni Felix. Mayroon siyang Grade IV astrocytoma o glioblastoma, ang pinaka-agresibong uri ng brain tumor.

Hindi ko alam kung paano ko taganggapin ang katotohanang iyon. Nakita ko na lang ang sarili ko sa labas ng ospital, nakaupo at doon malakas na humahagulgol. Parang may mahigpit na pumipiga sa puso ko. At hindi pa nakuntento dahil paulit-ulit din 'yong sinasaksak.

Napakalakas ni Felix kaya hindi ko matanggap na may ganitong klase siyang sakit. Na hindi ko napansin na kahit ang ilang muntik na niyang pagkakatumba na tinatawanan pa namin at nang makalimutan niya akong puntahan sa carenderia, ay sintomas na pala ng sakit niya.

Biglaan ang lahat. Hindi ko napaghandaan. Pero magbabago nga ba ang sakit na nararamdaman ko kung naging iba ang sitwasyon? Pakiramdam ko parang dinadaya kami ng mundong ito. Parang paulit-ulit kaming pinasasakitan. Hindi pa sapat ang dalawang beses at magkasunod na nawalan ako ng mahal sa buhay. Ngayon naman ay nagkaroon ng sakit ang taong mahal na mahal ko.

Ubos na ang luha ko. Hindi ko alam kung paano natuyo ang mga mata ko. Gustong gusto ko pang umiyak dahil naninikip pa ag dibdib ko pero wala ng inilalabas ang mga mata ko.

Sinubukan kong tumayo. Kahit nadudurog ang puso ko ay pinilit kong lakarin ang papunta sa kwarto ni Felix. Ngunit akala ko said na ang luha ko pero nang naroon na ako sa pasilyo ay muling bumuhos ang mga iyon. Mabilis akong tumalikod habang pinunasan ang mukha ko at malakas na humahagulgol. Dumiretso ako sa restroom at tiningnan ang sarili ko. Naghilamos ako at inayos ang sarili ko. Sinuklay ko ang magulo ko ng buhok. Nang wala ng bakas ng matagal na pag-iyak saka pa lang ako nagpunta sa kwarto ni Felix. Naroon na sa tapat ang mga magulang niya at si Tito Roque.

"Hinihintay ka niya. Pumasok ka, Tamara," ani Tita Mylene na may maliit na ngiti.

"Salamat po, Tita." Tipid siyang ngumiti kahit sina Tito Zaldy at Tito Roque.

Hinarap ko ang pinto. Tumikhim ako para maalus ang bara sa aking lalamunan at humugot ng hangin saka iyon marahas na ibinuga. Niyon ko pa lang nagawang buksan ang pinto.

Nakangiting mukha ni Felix ang bumungad sa akin. Lalo lang 'yong nagbigay ng kirot sa puso ko pero pinilit kong gantihan ng matamis na ngiti ang ngiti niyang iyon.

Pinilit kong hindi umiyak nang nasa harapan na ako ni Felix. Dahil alam kong siya ang mas labis na nasasaktan ngayon. At ayaw kong makita niya na nanghihina ako. Dahil gusto ko na isa ako sa maging lakas niya habang lumalaban siya sa sakit niya.

"Namiss kita, Asher!"

Umupo ako sa gilid ng kama niya. Hindi ko na napigilan ang yakapin siya. "Namiss din kita."

"Ayoko sanang makita mo ako na ganito, pero iba pa rin talaga kapag narito ka. Mas lumalakas ang loob ko."

Ngumiti ako. Hinaplos ko ang mukha niya. Kahit may ngiti roon, hindi maipagkakaila na may dinaramdaman siya.

"Hayaan mo dahil mananatili lang ako sa tabi mo, Felix." Kung pwede ko lang ibigay ang lahat ng lakas ko sa 'yo, gagawin ko, Felix.

Hinawakan niya ang kamay kong nasa pisngi niya. "Lalabanan ko ang sakit na ito, Asher."

"At sasamahan ka naming lumaban, Felix."

Hindi ako umalis sa tabi ni Felix. Pagkakagaling ko ng school ay sa kanya ako dumidiretso at tuwing weekends ay sa kanya ko iginugugol ang buong araw. Pero sa mga panahong iyon, si Felix lang din ang nagiging lakas ko. Hindi kailanman naging madali ang marinig ang bawat sigaw niya sa tuwing sinusumpong siya ng pananakit ng ulo ang makita ang paghihirap niya. Parating may pumipiga sa puso ko. Pero nilalakasan ko ang loob ko. Hindi ko pinapakita sa kanya ang sakit na nararamdaman ko.

Pagkatapos ng kanyang surgery, anim na linggo ang tiniis ni Felix para sa kanyang radiotheraphy at chemotherapy. Sa mga sumunod na buwan ay chemotheraphy at oral chemotherapy ang ginagawa sa kanya.

Pinanood ko si Tita Mylene habang pinaiinom ng gamot si Felix. Narito na sila kina Tito Roque at pumupunta lang sa ospital kapag schedule ng chemotheraphy ni Felix.

Pagkatapos magpainom ng gamot ni Tita ay lumabas din siya agad. Lumapit muli ako kay Felix at tinabihan siya sa pagkakahiga. Muli niyang pinlay ang pinapanood sa laptop. Ako naman ay inabot ang kamay niya at hinawakan iyon. Sa loob ng limang buwan, ang dating payat niyang mukha at katawan ay lumalaki na dahil sa steriod na nagre-reduce ng symptoms ng sakit niya. Pero pagkatapos ng lahat ng treatment niya, nananatili ang paglaki ng tumor ni Felix.

"Pag gumaling ako, uwi tayo ng Santa Isabela, Asher."

Tiningala ko siya. "Gusto mo?"

Nakangiti siyang tumango. "Oo. Namimiss ko na ang Santa Isabela, eh. 'Di ba marami ka pang hindi napupuntahang lugar doon?"

"Oo. Bakit? Ipapasyal mo ako?" excited kong ani.

"Oo. Ipapasyal kita roon para kahit wala ako hindi ka maliligaw sa Santa Isabela."

Mabilis na nabura ang ngiti ko. Pinilit kong ngumitinngunit walang nangyayari. "P-Pero kung wala ka, ano pang pupuntahan ko sa Santa Isabela, Felix?"

Natatawa, mahina niyang piningot ang ilong ko. "Maraming dahilan para magpunta ka ng Santa Isabela, Asher. Hindi lang naman para sa akin ang Santa Isabela."

Pero ikaw ang kahulugan ng Santa Isabela sa akin, Felix. Kung wala ka, wala na ring saysay na magtungo pa roon!

Bumangon ako at dinampot ang bag ko sa sahig.

"Uuwi ka na?"

"Oo. Alas siyete na."

"Dito ka na lang ulit magdinner. Magpahatid ka na lang ulit mamaya kay Tito Roque."

"Ayoko dahil kung anu-anong sinasabi mo." Pero hindi ko naman kayang sabihin sa kanya iyon.

Hinarap ko siya. "Babalik ako bukas."

"Okay. Hihintayin kita."

Niyakap ko siya nang mahigpit. Pumikit ako. Napahinga ako nang malalim habang dinadama ang mabagal na tibok ng kanyang puso.

"Babalik ako bukas."

Nakangiti siyang tumango.

Pero kinabukasan ay nakatanggap ako ng tawag kay Tita Mylene. Isinugod muli si Felix sa ospital dahil sa seizure. At pagkatapos niyon ay hindi pa muli siya nakalabas dahil ilang ulit na nangyari iyon. At maski ang kanyang mga mata ay naka-experience na ng double vision.

"Tamara."

Natigilan ako sa tangkang paglabas ng bahay.

"Aalis ka?"

"Pupunta ako kay Felix, 'Ma."

"Hindi ba't finals mo bukas?"

Muli akong natigilan. Humugot ako ng hangin at ibinuga iyon. Saka ko hinarap si Mama.

"Nagre-review ako, 'Ma."

"Kailan? Nakakapag-review ka ba sa ospital? Siguradong hindi. Kung kailan nasa school saka mo gagawin?"

"M-Ma naman."

"Alam kong napakahirap at napakasakit ng mga nangyayaring ito, Asher, pero baka napapabayaan mo na ang pag-aaral mo, Tamara."

Napatungo ako nang mabilis na bumuhos ang mga luha ko.

"Gusto ko lang namang alagaan si Felix, 'Ma."

"Pwede mo namang gawin 'yon, Tamara. Nagagawa mo naman 'yon, hindi ba? Pero sana naman huwag mong kalimutan ang pag-aaral mo."

Malakas akong napahagulgol. Niyon lang ako muling umiyak. Dahil pinipilit kong magpakatatag sa kabila ng pagod sa pag-aaral at sa paghihirap na nararamdaman ko dahil sa mga dinaranas ni Felix.

"A-Anak."

"Napapagod din ako, 'Ma. Araw-araw akong nagpupunta kay Felix at nag-aaral. Aaminin kong napapagod ako. Pero gusto ko siyang alagaan, 'Ma. Kung pwedeng itigil ko ang pag-aaral ko gagawin ko para lang magawa ko iyon. Para manatili ako sa tabi niya."

"T-Tamara, a-ano bang sinasabi mo!"

"'Yong bagay na hindi ko nagawa kay papa, gusto kong magawa para kay Felix. Gusto ko siyang makasama at maalagaan sa mga panahong nahihirapan siya sa sakit niya. Kahit iyon na lang, 'Ma. Please!"

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 01, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Unfinished Love Story: Felix and AsherWhere stories live. Discover now