Kabanata 2

2.5K 86 2
                                    

"Ikaw na ang bahala diyan, anak. Baka gabihin na ako ng uwi. Sige na. Alis na ako," sabi ni nanay at saka yumakap sa akin bagay na ipinagtaka ko. Malambing si nanay at hindi siya magdadalawang isip na magsabi ng nararamdaman niya pero hindi siya ganito na yumayakap na kang bigla. Nakakapanibago ito pero mas pinili ko na lang isantabi at huwag nang pagtuunan pa nang pansin.

Bahagya akong tinitigan ni nanay sa mukha na para bang inaaral niya ang bawat parte nito. Dahil doon ay mas nagkaroon ako ng oras para matitigan din ang mukha niya. Nakangiti siya at hindi man lang maabot ang mga tenga niya ng simpleng ngiti na 'yon. Kapansin-pansin din ang panibagong pasa na lumitaw sa magkabilang sulok ng labi niya bagay na nakapagdulot sa akin ng sobrang kalungkutan.

"Sinaktan ka na naman ba ni tatay kagabi, 'nay?" tanong ko sa kaniya kahit na halata naman na ang sagot.

"Alam mo naman ang dahilan kung bakit ganoon ang tatay mo. Stress lang sa trabaho 'yon kaya nagagawa niya ang mga bagay na ito sa atin—"

"Mali 'yon, 'nay! Hindi niya dapat tayo sinasaktan! Imbis na siya ang unang magprotekta sa atin, bakit siya pa ang numero unong dahilan kung bakit tayo umiiyak?" pagpuputol ko sa mga sinasabi niya.

Hinawakan ni nanay ang mga balikat ko at pinakatitigan ako sa aking mga mata.

"Darating ang araw na maiintindihan mo rin kung bakit may mga bagay na kailangan nating tanggapin sa ganoong kalagayan. Darating din ang panahon na matututunan mo ring mahalin ang tatay mo kagaya ng pagmamahal ko sa kaniya," sabi ni nanay at niyakap akong muli. "Mahal na mahal kita, anak ko."

May kakaiba sa inaakto ni nanay na kahit hindi ko pagtuunan ng pansin ay patuloy pa ring nagsusumiksik sa aking isipan.

Naglakad na siya palayo sa akin. Pinanood ko siyang lumabas ng bahay dala ang kaniyang shoulder bag habang nakabihis nang maayos. Hindi niya naman nabanggit sa akin ang pupuntahan niya at hindi ko na rin inusisa pa. Mas mabuti nga 'yon at para naman makatakas si nanay sa pananakit ni tatay. Gabi-gabi na lang kasi siyang pinagbubuhatan ng kamay ni tatay. Walang araw na hindi sila nag-away. Nasanay na lang din siguro ako sa ganitong klase ng set up. Naisip ko noon kung hindi siguro nawala si Gio ay hindi magkakaganito si tatay. Sana ay masaya kami ngayon kung nandito pa ang mas nakababatang kapatid.

Napabuntong-hininga ako. Ang bigat talaga sa dibdib sa tuwing naaalala ko so Gio. Miss na miss ko na ang kulit niya. 'yong ingay niya sa loob ng bahay. Parang kahit saan ako tumingin ay nakikita ko siya. Tatlong taon na ang lumipas pero sariwa pa rin ang sugat sa puso ko sa mga nangyari. Paano kaya kung ako ang nasagasaan noong gabi na 'yon at hindi siya? Paano kung ako ang namatay at hindi ang bunso kong kapatid? Magiging ganito pa rin ba karebelde si tatay? Mag-aaway pa kaya lagi sila ni nanay? Paborito kasi ni tatay si Gio dahil lalaki ito at hindi kagaya kong babakla-bakla. Siguro kung ako ang nawala ay hindi ganito si tatay ngayon. Baka nga magbunyi pa siya at namatay na ang anak niyang bading.

Bago pa maiyak ay ginawa ko na ang dapat na gawin. Kumuha ako ng dalawang plastic container sa kusina. Nilagyan ko ng kanin ang isa samatalang naglagay naman ako ng niluto ni nanay na adobo sa isa pa. Nang maiayos ay inilagay ko sa loob ng isang plastic bag. Itinabi ko muna sa gilid ng mesa 'yon saka naglinis ng buong bahay dahil maaga pa naman. Panigurado kasing mainit na naman ang ulo ni tatay 'pag uwi. Kung malinis ang bahay ay baka sakaling mabawasan ang init ng ulo niya. Hindi bale, wala naman na ako rito mamaya kapag umuwi siya kaya ligtas ako sa sermon niya.

Ala sais na nang matapos ako. Dahil pawisan ay nagdesisiyon akong magpalit muna ng damit dahil nakakahiya naman kung haharap ako kay kuyang sekyu na ganito ang amoy ko. Nag-spray din ako ng pabango na pinakatitipid ko pa kasi pahirapan makaipon para makabili ulit ng bago. Hindi naman kasi kami mayaman.

SEKYU (BL) Gentlemen Series #1Where stories live. Discover now