Black Sabbath Effect

280 13 0
                                    

MATAGAL na pinagmasdan ni Sebastian ang harap ng ancestral house nila. Parang ngayon pa lang ay pinagsisisihan na niyang pumayag na pumunta rito para samahan ang Lola Roselia niya. Hindi pa man siya nakakapasok sa loob ay nilulukob na agad siya ng matinding pagkainip. Sobrang boring ng lugar na ito. Para sa isang tulad niya na lumaki sa maingay na lugar gaya ng Maynila, labis-labis siyang naninibago rito.

Malayo ang bahay sa bayan. Walang mga tao sa paligid. Walang mga gusali o kapitbahay man lang. Puro mga matatandang puno at matataas na damo lang ang katabi nila. Wala ring malalakas na tugtugan o ingay ng mga sasakyan. Sobrang tahimik ng lugar na daig pa ang sementeryo.

Pero wala siyang magagawa. Ito lang ang kauna-unahang beses na humingi ng pabor sa kanya ang Tito Delfin niya na nagpalaki sa kanya. Mahigit sampung taon na siyang ulila sa mga magulang. Namatay sa sakit na cancer ang kanyang ama at namatay naman sa aksidente ang kanyang ina.

Ang Tito Delfin niya ang kaisa-isang kumupkop noon sa kanya at tumayong magulang niya hanggang sa maka-recover siya sa labis na kalungkutan.

Matagal na rin niyang naririnig ang pangalan ng Lola Roselia niya. Madalas itong ikuwento sa kanya ni Tito Delfin. Ngunit kahit kailan ay hindi pa niya ito nakita. Noong mga panahon kasing iyon ay hindi siya nagkakaroon ng pagkakataon na makasama rito tuwing umuuwi ito sa probinsiya nila sa Zamboanga dahil abala siya sa pag-aaral.

Kung kailan nakapagtapos na siya at may maganda nang trabaho, saka naman siya tinawagan ng Tito Delfin niya para pauwiin dito. Tinawagan daw kasi ito ng asawa nito at sinabing magbakasyon muna roon kahit isang taon lang. Nasa America kasi ang buong pamilya nito at ito lang ang naiwan dito sa Pinas para magbantay sa kanyang lola.

Pero hindi naman puwedeng habang panahon ay nakakulong lang ito sa lumang bahay na iyon at nagbabantay sa matanda. Kailangan din nitong lingunin ang sarili nitong pamilya. Kaya naman hindi na siya nakatanggi sa pabor nito lalo na't marami na ring ginawa para sa kanya ang lalaki. Kahit ayaw niya ay pumayag na rin siya na samahan ang matanda rito. Padadalhan na lang daw siya ng pera buwan-buwan para sa mga pangangailangan nila rito.

Noong nakaraang linggo pa ito nakaalis. Ang kasama naman ng matanda sa bahay ay isang kakilala nito na pinakiusapan lang ng kanyang tito na mag-stay doon ng ilang araw habang wala pa siya.

First time niyang pumunta rito sa probinsiya nila sa Zamboanga. Ilang beses pa siyang naligaw kanina. Mabuti na lang ay mababait ang mga taong napagtanungan niya kaya narating niya nang ligtas ang liblib na baryong ito kung nasaan ang ancestral house nila.

Hindi na rin siya gaanong nahirapang hanapin ang bahay nila nang makarating siya sa baryo dahil may litrato na siya ng harap ng kanilang bahay na ibinigay sa kanya ni Delfin.

Ilang beses siyang nag-alangan bago tuluyang tumapak sa loob ng gate. Nakita niyang bukas ang pinto kaya tumuloy-tuloy na siya sa loob. Una niyang hinanap ang sinasabing kakilala ng kanyang tito.

Isa itong ale na sa tantiya niya ay nasa middle 50s na. Nakita niya itong naglilinis sa sala. Bumungad pa sa kanya ang mga antigong kagamitan at lumang mga paintings sa paligid.

Natuwa naman ang ale nang makita siya. "Naku! Ikaw na ba 'yung sinasabi ni Delfin? Ikaw na ba si Sebastian?"

"Opo. Ako nga po," mabilis na sagot niya.

"Naku! Sayang hindi ko inaasahang maaga ka palang makakarating! Dapat pala kanina pa lang nagluto na ako!" Dali-dali itong lumapit sa kanya at itinabi muna ang walis. "Halika! Samahan kita sa taas. Nandoon ang lola mo."

Tahimik lang siyang sumunod dito.

Nang makarating na sila sa ikalawang palapag, bumungad sa kanya ang mahabang pasilyo kung saan may isang silid sa bandang dulo na bahagyang nakabukas. Bukod doon, may dalawang pinto rin sa magkabilang gilid.

Nowhere to Hide (Published by Bookware Publishing)Where stories live. Discover now