Chapter 14

1K 21 0
                                    


"DID you hear me, Danny?" tanong ni Angela na nilangkapan ng sarcasm bagaman hindi siya sigurado kung matutuwa o malulungkot sa nakitang reaksiyon nito.

Mas mabuti pa sanang hindi na lang niya ito kinakitaan ng anumang emosyon nang sa gayon ay hindi siya nalilito. Nang sa gayon ay hindi niya naiisip ang mga "paano kung" at "paano kapag" na biglang sumingit sa kanyang isipan.

"Narinig ko," anitong halos magsalubong na ang mga kilay sa pagkakakunot ng noo. "Ano ang inaasahan mo? Babatiin kita at ipagdarasal na sana ay maging maligaya ka sa kanya?"

"Wala akong inaasahang anuman mula sa iyo, Danny. Sinabi ko na sa iyo, gusto ko lang na bigyan mo ako ng katahimikan."

Ngumisi ito nang nakakaloko. "At sinabi ko ring hindi ko maibibigay sa iyo iyon, hindi ba? At ngayong alam ko na ang plano mo sa lalaking iyon ay alam ko na rin kung ano ang susunod kong hakbang."

"What? What would you do? Kill him? Papatayin mo ba si Abdul dahil siya ang lalaking magpapaligaya sa akin?"

"Nah," sabi ni Danny kaakibat ang isang aroganteng ngiti. "Hindi ko sisirain sa ganoong paraan ang buhay ko nang dahil lang sa isang babae, Angela. Hindi ako mamamatay-tao."

"Kung gano'n, ano ang balak mong gawin?"

"Patience, my dear. patience." sabi nito. "At huwag kang mag-alala, hindi ka maiinip sa paghihintay."

"You're sick, Danny!" bulalas ni Angela. Sa muling pagpiksi niya ay binitiwan na nito ang kanyang braso. "Mind your own business because I don't want you sneaking behind my back."

"Kailangan mo lang maging handa sa lahat ng oras, Angela. Dahil mangyayari ang sinasabi ko sa oras na hindi mo inaasahan."

Inirapan niya ito bago mabilis na tinalikuran. Narinig pa niya ang naaaliw na halakhak nitong tila ba ang tingin sa kanya ay isang katawa-tawang bagay. Pero hindi na niya ito pinansin. Ang mahalaga ay nalaman niyang tuloy pa rin ang balak nitong paghihiganti. Maski papaano ay makapaghahanda siya sa anumang mangyayari.

Upang makaiwas kay Danny ay ginugol niya ang sumunod na mga oras kasama sina Abdul at Kaye. Pinlano nila ang isang night swimming, kung saan, sa tabi na rin sila ng swimming pool maghahapunan.

Alas-siyete ng gabi, kagagaling lang ni Angela sa kanyang kuwarto suot ang asul na two-piece bikini, nang maabutan niyang nasa sala sina Mae Li at Danny kausap ang kanyang mama.

Aywan kung bakit sanay naman siyang maglakad sa runway sa kakarampot na saplot, pero sa pagkakataong iyon, sa presensiya ni Danny ay bigla siyang nakaramdam ng matinding kaba.

At nang humagod na ang tingin nito sa kanyang kabuuan, pakiramdam niya ay nahuhubad ang kanyang two-piece bikini.

Habang si Mae Li ay hindi niya alam kung paghanga o pagkainggit ang kalakip ng titig na ipinagkaloob sa kanya. Magkagayunman ay wala ang disgustong inaasahan niyang makikita roon.

"I've invited them to join us for dinner, hija. Would that be okay with you? Mas masaya naman kapag marami, hindi ba?" nakangiting sabi ng mama niya.

Hindi siya bastos para tutulan ang ginawang pag-iimbita nito sa dalawa. Tumango siya at sinabing ang imbitasyon ay extended din sa pinlano nilang night swimming dahil naisip niyang tatanggihan iyon ng dalawa.

Subalit nagulat siya nang sabihin ni Mae Li na walang problema. Mayroon daw naman itong maisusuot dahil sa bathing suit nitong naiwan sa cottage ni Danny.

"I'll go ahead," sabi na lang ni Angela bilang pagtatapos sa usapan. "Hihintayin na lang namin kayo."

"Okay," nakangiting sabi ni Mae Li na tila excited sa ideyang magkakasama silang maglalangoy sa swimming pool.

Gems 20: This Beautiful PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon