"Isa kang kaawa-awang sinungaling, Angela. Iyan ba ang ginawa sa iyo ng pagiging isang sikat na modelo? Ang magsinungaling para sa iyong kapakanan?"

Kapag kinakailangan lang, Danny, sa sarili lang niya sinabi iyon. Natutuhan kong magsinungaling dahil kung hindi ko gagawin iyon ay lalo mo lang akong sasaktan. "At iyan din ba ang ginawa sa iyo ng pagiging abogado? Ang maging mapanakit sa damdamin ng kapwa mo?" mayamaya ay tanong ni Angela.

"Ikaw ang nanakit sa damdamin ko, Angela. Ibinabalik ko lang sa iyo ngayon ang ginawa mo noon sa akin."

Pagkasabi niyon ay saka pa lang siya binitiwan ni Danny. Hinaplos niya ang brasong may bakas ng mga daliri nito.

"Uy, mukhang may private conversation kayo ni Attorney Mendoza, ha? May pahawak-hawak pa siya sa braso mo," sabi ni Kaye na hindi niya namalayang nasa likuran na niya.

Pinilit niyang ngumiti upang walang mahalata ang kaibigan sa paghihirap ng kanyang damdamin. Na-realize niyang ito ang dahilan kung bakit agarang tinapos ni Danny ang kanilang pag-uusap.

"We were just talking, Kaye. May tinatanong lang siya sa akin," kaila ni Angela.

"Hmm, about Abdul? Baka naman nagseselos," nakatawang sabi ng binabae.

"Dapat pala sa iyo, nobelista. Kasi magaling kang mag-isip ng kuwento. Hay, naku, halika na nga."

Niyaya niya ito sa kinaroroonan ni Abdul at ng kanyang abuela. Aware siya na mula sa kalayuan ay nakatingin pa rin sa kanya si Danny. At nang minsan siyang lumingon at magtama ang kanilang mga mata, napatunayan niyang tama ang kanyang kutob.

 

"I LOVE your granddaughter, Mrs. Gonzales..."

Narinig ni Angela na sinabi ni Abdul sa kanyang Lola Soledad. Nang makita silang papalapit ni Kaye ay ngumiti ito at bago itinuloy ang sinasabi ay hinintay pa muna sila.

Tumayo ito at ipinaghila siya ng upuan. Matapos niyang pasalamatan ay naupo itong muli sa tabi niya.

Hindi siya tumutol nang kunin nito ang kanyang kamay at gagapin ang kanyang palad.

"Angela is beautiful inside out. What more can I ask for? I've known her for years now, and everyday my feelings for her keep getting stronger. I don't know if I could find another woman with the same qualities."

Maluwang ang ngiting tinanguan ni Lola Soledad ang sinabi ng lalaki. Nasa mukha ng kanyang abuela ang pagmamalaki. Kung nasa harapang iyon kaya ang kanyang ina, ano kaya ang magiging reaksiyon nito?

"It's nice to hear how you admire my granddaughter, Abdul," ani Lola Soledad at tumingin sa kanya. "But like I said, she's the only one who could decide for her life, especially when it comes to affairs of the heart. We can only support her."

"I just want you to know that I would do anything to make her happy." Pagkasabi niyon ay pinisil nito ang palad niya.

She could only smile. Naisip ni Angela na kung naririnig lang ni Danny ang mga sinasabi ni Abdul ay tiyak na pagtatawanan nito ang huli. Maaaring sabihin nito na ang babaeng inilalagay ni Abdul sa pedestal ay una na nitong naangkin.

"I know that your money could buy you anything you want, Abdul," sabad ni Kaye, "but I only want you to promise that you will love her without condition."

"I promise," anitong itinaas pa ang kanang kamay sa pagsumpa.

"Parang nararamdaman ko na ang susunod na mangyayari, Angela darling," kinikilig na bulong sa kanya ng kaibigan. "Tiyak na aalukin ka na niya ng kasal!"

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now