May schedule siya ni Danny. Naroon na ito sa tinutuluyan nang dumating sila sa Sta. Mesa ganap na ikalima ng hapon. Walking distance lamang ang lugar mula sa PUP.

Tahimik ang kalye at disente ang dalawang palapag na boardinghouse. Eksklusibo iyon para sa mga lalaki kaya nagtaka si Angela nang pagbuksan sila ng isang magandang babaeng sa tantiya niya ay halos kasing-edad ni Danny. Malayo kung iisipin niyang isa itong katulong dahil sa gayak at postura. Mukhang mayroon itong sinasabi.

Hindi rin niya nagustuhan ang mga ngiti nito nang tawagin si Danny. Hayagan ang pagpapa-charming ng babae sa binata. Hindi man lang niya ito kinakitaan ng intimidation gayong kung tutuusin ay di-hamak namang mas maganda siya kaysa rito.

"Kaya pala hindi ka na umuuwi, maganda pala ang tanawin dito kaysa sa Laguna," sabi niya nang sa wakas ay mapagsolo sila sa reception area. Si Mang Dado ay naghintay na lamang sa loob ng sasakyan.

"Kailangan kong mag-review para sa finals kaya hindi ako umuuwi sa Laguna. Nagpaalam ako sa papa mo."

"Hindi ako naniniwala," nakasimangot niyang sabi. "Siya ba ang bagong pinagkakaabalahan mo?"

"Wala akong itinatago sa iyo. Si Diane, pamangkin siya ng aming kasera. Papunta na 'yon ng Japan, nakikituloy lang dito."

"Japayuki pala, ha? Kaya pala magaling maglandi sa iyo," bulalas niyang hindi na naitago ang pagseselos.

Nakita niyang kumunot ang noo ni Danny bago mayamaya ay napabuntong-hininga. "Nagpunta ka lang ba rito para awayin ako?"

"Aawayin ba kita kung hindi ko nakita iyong babaeng iyon dito? Kaya pala ni hindi mo man lang ako matawagan sa telepono para kumustahin!"

"Alam mong hindi kita puwedeng tawagan sa telepono dahil baka magtaka sila sa bahay. At puwede ba, huwag mong pagselosan si Diane. Mabait iyong tao, gano'n lang talaga iyon. Saka isa pa, may boyfriend na iyon. Seaman. Sa palagay mo ba, magkakagusto sa akin iyon?"

"Ipagpalagay na nating wala siyang gusto sa iyo, pero ikaw, may gusto ka ba sa kanya?" Tuluyan nang binulag ng panibugho ang kanyang isip. Nagngingitngit si Angela sa isiping habang pasan niya ang isang mabigat na problema ay nagpapakasaya lang ito kasama ng babaeng iyon. At aaminin nga ba nito sa kanya ang totoo?

"Wala akong dapat ipaliwanag sa iyo," anitong bakas sa tinig ang iritasyon. "Wala akong ginagawang masama. Wala ka bang tiwala sa akin?"

"Sa babaeng iyon ako walang tiwala," inis na sagot niya. "Bakit ba parang ipinagtatanggol mo pa sa akin ang Diane na iyon?"

"Dahil hindi mo naman dapat pag-isipan nang masama iyong tao. Nananahimik siya kaya huwag mong isali sa usapan natin."

"Kung magsalita ka parang mas importante pa siya sa iyo kaysa sa akin..." Tila may bikig sa lalamunan niya nang sabihin iyon. Pinigil ni Angela ang sarili sa pagnanais na ibulalas ang damdamin. Wala sila sa tamang lugar para sa sensitibong usapan. Hindi nila solo ang bahay at anumang sandali ay maaaring pumasok ang kahit sino.

"Hindi mo dapat ikompara ang sarili mo sa kanya. Iba ka sa lahat ng babaeng kakilala ko, alam mo iyan. Hindi ko kailangang ulit-ulitin kung ano ka sa buhay ko," mahinahong paliwanag nito nang makitang naiiyak na siya.

Gusto niyang marinig na sabihin ni Danny na mahal siya nito ngunit hindi na siya nagtanong pa. Pagtayo niya mula sa kinauupuan ay deretso nang tinahak ng kanyang mga paa ang kinaroroonan ng hagdan. Pinto na ang nasa ibaba niyon.

"Sandali lang..." Hinabol siya nito at pinigilan sa braso.

"Baka gabihin na kami ni Mang Dado sa daan," sabi niyang matagumpay na napaglabanan ang emosyon. Nanaig ang panibugho ni Angela sa dinaranas na kalungkutan kaya naging matatag siya sa harap nito.

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now