"Please..."

Napabuntong-hininga si Angela, bago mayamaya ay nagdesisyon. "Okay," sumusuko niyang sabi. "Mapapanatag na ba ang loob mo kung bibigyan kita ng pag-asa?"

Ilang sandali itong tumitig sa kanyang mga mata. Na para bang sinasalamin doon ang katapatan ng kanyang sinabi.

Mayamaya pa ay ngumiti ito. "Sa palagay ko'y sapat na sa akin iyon."

"Good. Thank you." Tumango siya at pansamantalang iwinaksi sa isipan ang nangyari. Pagkatapos niyon ay nagmamadali na siyang lumabas ng kuwadra. Nagpasalamat si Angela nang hindi na siya nito sinundan pa.

"Hija, bakit ka ba nagmamadali?" tanong sa kanya ni Lola Soledad nang muntik pa niya itong mabangga nang itulak niya ang pinto sa kusina.

Kausap nito nang mga sandaling iyon si Aling Mameng, ang kusinera at katiwala nila, at marahil ay nasilip nito sa screen ng pinto ang pagdating niya kaya binalak siyang salubungin. Akmang bubuksan nito ang pinto nang itulak niya.

"Oh, I'm sorry, lola!" bulalas ni Angela at agad nagdahilan. "Nakalimutan ko kasi, may hinihintay nga pala akong tawag."

Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi dulot pa rin ng pangahas na halik ni Danny. At pakiwari niya ay malalaman ng matanda ang nangyari sa loob ng kuwadra oras na tumingin siya sa mga mata nito.

Agad niyang ibinaling ang mukha sa ibang direksiyon.

"Saan ba kayo nanggaling ni Danny? Kanina ka pa hinahanap ng iyong mama."

"Nagpasama ako sa kanyang mamasyal, lola. Here..." Inilapag niya sa ibabaw ng kahoy na mesa ang isang buwig na mangga. "Nahulog pa si Danny sa pagkuha ng manggang iyan." Nilangkapan niya ng tawa ang sinabi upang ilayo ang usapan sa pag-uusisa nito.

"Dios mio na mga bata ito!" bulalas ng kanyang abuela. "Kumusta naman si Danny?" Genuine ang pag-aalalang nakabakas sa mukha nito.

"He's fine," sabi ni Angela sa magaan pa ring tono. Ikinubli niya ang uneasiness sa pagiging masaya. "Not a broken bone, I guess."

"Batang ito, at pinagtatawanan mo pa 'yong tao? Inutusan mo ba siyang umakyat sa puno?"

"Iyon nga, lola, eh. hindi ko naman siya inutusan. Bigla na lang siyang umakyat sa puno. Hay, naku, muntik na akong himatayin nang mahulog siya. Mabuti na lang at damuhan ang kinabagsakan niya."

Nakita niya nang mapailing ang abuela, habang si Aling Mameng ay napangiti rin.

Nang matiyak na umepekto ang kanyang palabas ay nagpaalam na siya sa dalawa. Nakahinga nang maluwag si Angela nang wala na siya sa paningin ng mga ito.

Papanhik sa hagdan ay nasilip pa niya ang ina na nasa balkonahe at kausap ang dalawang matandang babae. Ipinagpasalamat niyang abala ito. Nakapanhik siya sa kanyang kuwarto nang hindi nito namamalayan.

Pagpasok na pagpasok sa kuwarto ay agad siyang humiga sa kama at niyakap ang unan. Nangangarap na itinuon niya ang mga mata sa kisame, ini-imagine na muli ay hinahalikan siya ni Danny. At hindi lamang sa mga labi kundi maging sa kanyang leeg, dibdib...

Napapikit si Angela kasabay ang isang buntong-hininga. Dala ng pagiging inosente sa seksuwal na atraksiyon ay nakaramdam siya ng hiya sa sarili sa isiping inaangkin nito ang katawan niya.

"This is crazy!" bulong niya sa sarili. Ano bang mayroon si Danny at nagkakaganoon siya?

Sinubukan niyang siraan sa isip niya ang binatilyo. Ngunit wala siyang maisip na ikasisira ng mabuti nitong pagkatao. Pawang ang magagandang ugali nito ang nangingibabaw, at hindi niya maisip na makakaya nitong gumawa ng anumang kalokohan.

Gems 20: This Beautiful PainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon