Fantasy #10 : I Love You

16.8K 608 25
                                    

Fantasy #10 : I Love You

~

"Lei..." tawag sa 'kin ni Tacio.

     Nakaupo kami ngayon sa available na mga upuan sa ospital. Hindi ko pa nakakausap si Tita Gracia dahil naging kritikal ang lagay ni Ginoong Estrella. Kaibigan din niya si Ginoong Luis.

     Hinawakan ni Tacio ang nanginginig kong kamay at napatingin ako sa kanya.

     "Lei..." tawag ulit niya.

     Nag-iwas ako ng tingin dahil hindi ko kayang titigan siya nang matagal.

     Bigla niya akong niyakap.

     Napaiyak ako nang tuluyan. Dahil sa iba't ibang rason.... Sa mga nangyayari sa buhay ko. Ano ba ang totoo at ano 'yung mali? Saan ba 'ko lulugar?

     "Nanaginip ako Lei. Kukuhanin ka na raw sa akin at... at hindi na tayo magkikita. Hindi ko kaya."

     Doon ko naramdaman ang lungkot niya at walang pag-aalinlangang niyakap ko rin siya.

     "Sa panahon ko, hindi tayo pwede Tacio."

     "Alam ko, alam na alam ko Lei. Sorry kung nagkakaganito 'ko."

     Bumitaw na siya sa yakap. Tumayo siya at tumalikod sa 'kin. Maya-maya ay nagsalita siya.

     "Hihintayin na lang kita sa labas ng ospital. Sabay tayong uuwi."

     Naglakad na siya no'n palayo. At ang pagtitig sa kanya habang unti-unti siyang umaalis, sobrang lungkot.

     Parang... ang hirap. Ang hirap niyang pakawalan. Kasi, sa kabila ng lahat ng kasinungalingan, mananatili siyang totoo sa puso ko.

     "Ate Gracia..." sabi ko nang makita ko siyang umupo sa tabi ko.

     "Napakabuti ng mag-asawang Estrella. Si Luis, mahal na mahal niya si Lorena, na may sakit sa puso. Milagro ang anak nila, dahil napakaliit ng chance na makayanan ang pagbubuntis. Pero sumugal sila dahil 'yun ang gusto ni Lorena, na may maiwan kay Luis na simbolo ng pagmamahalan nila."

     "Nasaan na po ba si Ginang Lorena? Nasabi kasi sa akin ni Ginoong Luis na w-wala na siya at ang anak nila. A-anong ibig sabihin no'n?"

     "Ilang araw matapos manganak ni Lorena, na-ospital siya. Hindi na niya nakayanan ang sakit niya sa puso, patay na siya. Ang baby, kinuha sa kanila."

     Napaluha ako pero agad kong pinunasan dahil ayokong may mapansing kakaiba si Tita Gracia.

     "N-nasaan po pala ang asawa ni Ginang Trinidad?" tanong ko. Tinutukoy ko si dad.

     "Kilala mo ba siya?"

     "Ang totoo opo."

     "Nasa ibang bansa siya. Magulo ang buhay mag-asawa nila kaya may ilang lalaking kinakasama si Señora Trinidad. Hindi kasi siya magkaanak kaya umalis ang asawa niya."

     Bigla akong natigilan.

     "Dahil kaibigan ni Lorena si Señora, doon nila ipinagkatiwala muna ang baby. Pero hindi alam nila Lorena, matagal nang gustong kuhanin ni Señora Trinidad ang sanggol, kaya nagmamalasakit siya sa mga Estrella nang sobra."

     "Bakit po pumayag si Ginoong Luis?" tanong ko.

     "Dahil ipapakulong siya kung hindi. Marami kasing utang sina Lorena at Luis sa mga Trinidad."

     "Nakakagaan din pala na may napagsabihan ako nitong kinikimkim ko. Ang bigat e," wika niya.

     Ilang sandali, umuwi na rin kami ni Tacio dahil isinasagawa pa ang operasyon.

Time Escape (Currently Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon