Nakita ni Angela nang ilang sandaling matigilan si Danny. Hinaplos nito ang pisngi na para bang nagtataka kung bakit kailangan niyang gawin iyon.

Pagkatapos niyon ay ngumisi ito at binale-wala ang pangyayari.

Maski papaano ay nakaramdam siya ng pagkakonsiyensiya sa ginawang pananampal. Hindi siya dapat nagpadala sa bugso ng kanyang damdamin. After all, tama naman ang lalaki. Nakita na nito maging ang kaliit-liitan niyang nunal. Kaya ano ang dapat niyang ikagalit gayong ang sinabi nito ay isang mapait na katotohanan?

"Masakit bang marinig ang katotohanan, Angela?" Hindi nalingid sa pandinig niya ang pait na kaakibat ng tanong na iyon. "Gaano pa kaya kasakit iyong ipagkait sa iyo ang katotohanan?"

Parang punyal na tumarak sa dibdib niya ang tanong na iyon ni Danny. Napalunok siya dala ng kabang naramdaman.

"Please, huwag ngayon," aniya sa nakikiusap na tono. "Hayaan mo man lang akong tahimik na makapagluksa sa papa."

Naisip niyang mas makabubuting huwag na muna siyang makipagtagisan sa lalaki. May pampamilyang problema pang dapat niyang asikasuhin. Kung sasabay pa si Danny ay hindi niya alam kung paano iyon kakayanin.

Marahil ay naunawaan nito ang ibig niyang sabihin. Nang magsalita ito ay wala na ang pang-iinsulto. Nagbalik ito sa pagiging kaswal.

"All right, pagbibigyan kita. Pero huwag mong isiping tapos na ako sa iyo."

Sa narinig ay napabuntong-hininga si Angela. Hindi niya alam kung dapat ipagpasalamat ang ibinigay nitong sandaling katahimikan.

"Gusto lang ipaalala sa iyo ng Lola Soledad na ngayon na ang huling gabi ng lamay. Ililibing na bukas ang papa mo."

"I don't need to be reminded," she said stubbornly. "Alam ko kung ano ang mga obligasyon ko bilang anak ng yumao. Ngayon, siguro nama'y lalabas ka na...? O gusto mo pang gumawa tayong dalawa ng eksena rito?"

"Hindi na ikaw ang babaeng nakilala ko noon, Angela," anitong bakas sa tinig ang panghihinayang. "Well, ano ba ang dapat kong ipagtaka? Inaasahan ko na ito..."

"Please get out now," aniyang nanindigan sa nais mangyari. Wala siyang panahong makinig sa mga sentimyento nito. She had enough of her own sentiments.

Ilang sandaling naghari ang katahimikan bago naramdaman ni Angela ang paghakbang ni Danny patungo sa pintuan. Again there was a pause. Kasunod niyon ay ang pagbukas at pagsara ng pinto.

Saka pa lang siya nakahinga nang maluwag nang lumingon at makitang wala na ito. Ngunit ano iyong nararamdaman niya?

Panghihinayang?  


NANG bumaba si Angela dakong alas-siyete ng gabi ay nakasuot na siya ng black flare pants at puting blusang hanggang siko ang mga manggas.

Nakasampay sa mga balikat niya at nakabuhol sa tapat ng dibdib ang isang itim na cardigan. At bagaman puting sneakers ang sapin sa mga paa ay nanatili siyang intimidating sa height niyang limang talampakan at siyam na pulgada.

Binati siya ng isang may-edad na babaeng may dalang tray ng biscuit pagbaba niya ng hagdan. Nginitian niya ito. Matapos iyon ay iginala niya ang tingin sa kabahayan. Marami na ang naroon para makiramay. Ang ilan ay katulong ng mga kasambahay sa paghahanda ng pagkain at pamumudmod niyon.

Nang magtungo siya sa kusina ay nakita niya roon ang ina. Kausap nito ang dalawang kusinera na abala sa pagluluto ng pagkain. Ang isa ay nakilala niyang si Aling Mameng na asawa ni Mang Dado. Bukod sa nadagdagan ito ng timbang ay halos walang ipinagbago ang babae sa nagdaang pitong taon.

Gems 20: This Beautiful PainWhere stories live. Discover now