Chapter 34

369 5 21
                                    

Ilang linggo na rin ang nakalipas simula noong nangyaring sunog sa aming bahay. Hindi ko pa rin alam kung saan nanggaling ito.

Sa totoo lang, ayaw ko nang alalahanin pa ito. Basta ang alam ko ay kailangan ako ni Kahel ngayon. Nasunog lang naman ang parte ng kanyang katawan at hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin siya at walang malay.

"Miss Melendrez, ano ang iyong ginagawa sa mga oras na nangyari ang sunog?" Kanina pa ako tinatanong ng isang officer dito sa loob ng police station.

Ano nga ba ang ginagawa ko sa mga oras na iyon?

Alam kong kasama ko si Kahel.

Oo. Magkatabi kami sa upuan sa aming maliit na sala. Nag-uusap kami... at may ginagawa kami.

"Miss Melendrez, kailangan lang naming malaman ang katotohanan," sabi ulit ng officer na nakaupo sa aking harapan.

Nakatitig sa akin ang mga mata ng matandang lalaki at alam kong hinuhusgahan niya ang buong pagkatao ko ngayon dahil sa pagkunot ng noo at pagbuga niya ng hangin.

Kanina pa ako nakaupo dito sa maliit na kwarto na walang ibang laman kung hindi ang mesa at upuan sa gitna. Ganito pala ang pakiramdam ng mga taong pinagbibintangan sa isang bagay na hindi naman nila ginawa.

Ano ba sa tingin nila ang nangyari? Na sinunog ko ang sarili naming bahay? Para ano? Para maging ulila kami at mabaon sa utang? Paano namin ngayon babayaran ang bahay na 'yon? Hindi nga namin mabayaran ang renta namin kada buwan.

Saan kami kukuha ng pera para makabangon muli?

"Miss Melendrez, hindi ka ba talaga magsasalita? Isang oras na tayong nandito," reklamo pa ng officer sa harap ko.

Ano ba ang gusto nilang marinig? Na ako ang sumunog sa bahay?

Lecheng buhay naman ito. Puro kamalasan nalang ba ang ang mangyayari sa akin?

Una, naaksidente ako at nawalan ng tatay. Nabulag pa ang aking nanay. Nawalan na ako ng scholarship. Tapos ngayong agaw-buhay ang kaisa-isang lalaking mahal ko, hindi pa nila ako papayagang makita siya dahil may ginawa silang restraining order laban sa akin.

Restraining order! Nakakatawa hindi ba?

Plinano raw ng aming pamilya na patayin si Kahel. Para saan?

Kung hindi ba naman siraulo ang mga tao dito...

May kumatok sa pintuan at pumasok sa loob ng silid. "Sir, mukhang hindi naman magsasalita 'yan. Tapusin na natin 'tong interrogation."

Tumayo na rin ang officer sa aking harapan. "Makakaalis ka na, Miss Melendrez."

Hindi ako tumayo sa aking kinauupuan. May narinig ako pero ayaw gumalaw ng aking katawan. Gusto ko nalang manatili dito. Buti pa dito sa loob tahimik at walang tao. Walang makakakita sa akin. Walang mag-aakusa ng kung anu-anong kabaliwan.

"Sir, may sayad ata 'yan," pabulong na sabi ng kakapasok na officer.

Rinig na rinig ko ito dahil sa sobrang tahimik ng silid. Pero nasanay na ako.

Nitong mga nakaraang araw ay naging manhid na ang aking puso. Siguro kahit na saktan nila ako ngayon ay hindi ko ito mararamdaman. Kahit pa ano ang sabihin o gawin nila, hindi ito mapapalitan ng sakit na dinulot sa akin ng nangyari kay Kahel.

"Kunin niyo na 'yan," sabi ulit ng officer kaya nabasag ang agam-agam ko.

"Fina? Tara na?" Malumanay na boses ng isang babae ang aking narinig habang ramdam ko ang mga kamay niya sa aking balikat. Tinulungan niya akong tumayo kaya napahawak na rin ako sa kamay niya dahil pakiramdam ko ay matutumba ako kapag wala akong hawak.

The Orange Project [Gen L Society #2]On viuen les histories. Descobreix ara