~~~*~~~*~~~*~~~

Halos dalawang linggo nang hindi masyadong nakikipag-usap si Youngmin kina Ahra at Kwangmin. Lagi kasi nitong sinasamahan ang girlfriend dahil request na din ni Chelsea. Noong una ay natutuwa pa si Ahra dahil walang epal sa moment niya kay Kwangmin pero matapos ang isang linggo, napansin niya na hinahanap hanap niya din pala ang pangtritrip sa kanya ng kaklase. Madalang na rin kasi sila magkabiruan sa chat. Bihira na ito mag-online at minsan si Chelsea ang nagbubukas ng account nito.

Nagkaroon ng seminar sa school at naging representative ng department nila sina Kwangmin at Ahra. Isang linggo silang magkasama at marami silang napagkukwentuhan tungkol sa isa't isa. Dito mas lumalim ang samahan nila. Ramdam ni Ahra na espesyal na siya kay Kwangmin pero hindi niya masiguro kung parehas sila ng nararamdaman. Gusto na nga sana niyang magpahalata pero alam niyang natuturn off si Kwangmin sa mga ganoong klase ng babae kaya wala siyang magawa kundi tumahimik at hayaan na lang ang tadhana na kumilos kung talagang si Kwangmin na nga ang hinihintay niya.

"Namiss ko rin magklase ah!" Nasabi ni Ahra ng makabalik sila sa regular class schedule nila. Puro kasi lectures na sinisend lang sa email nila ang inaaral nila sa gabi habang nasa seminar sila. Ayaw naman kasi nilang mahuli sa klase kahit na sinabing exempted muna sila sa mga quizzes.

"Kunwari ka pa. Gusto mo lang bolahin prof naten!" Biglang sumabad mula sa likod ni Ahra, si Youngmin.

Napalingon si Ahra sa likod niya at magrereact na sana pero natigilan siya. Bigla niyang nakalimutan ang sasabihin ng makitang nakangiti si Youngmin sa kanya. Lagi niya itong nakikitang nakangiti at nang-aasar pero nanibago siya ngayon. May kakaiba sa kanya na hindi niya maipaliwanag.

'Matagal ka na kasi nyang hindi inaasar.' Sabi na lang niya sa sarili para hindi na siya mapaisip pa.

"Natulala ka na naman sa kagwapuhan ko!" Pagyayabang nito ng mapansin na natigilan si Ahra.

"Eeeww! Anong kagwapuhan sinasabi mo? Di ko makita! Pahingi nga ng mapa? Saang banda yung gwapo sayo?" Mabilis namang bawi ni Ahra. Pasimple siyang nag-iwas ng tingin at humarap na ulit.

"Yan naman ang namiss ko, yung bonding nating tatlo!" Sagot naman ni Kwangmin na halatang sabik din sa klase. Nakalabas na agad ang libro nito di tulad ng dati na nagbabasa muna ito ng manga habang wala pa ang professor nila.

"Ayun oh! Sigurado si Ahra miss na miss na ko!" Hindi pa din tumigil sa pang-aasar si Youngmin.

"Shut up! Kahit sinong matinong tao hindi mamimiss yung taong walang ginawa kundi pagtripan siya!" Naiinis na sabi ni Ahra.

"Ang tanong, matino ka ba kase?" Tumatawang tanong ni Youngmin.

Tinapunan na lang ito ni Ahra ng masamang tingin. Hindi na nagsalita pa si Ahra. Napaisip din kasi siya sa sinabi ni Youngmin. Parang namiss nga niya ito..

'Ano bang nangyayari sayo?!' Tanong niya sa sarili niya. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam. Nakakalito!

Nawala ang focus ni Ahra sa iniisip niya ng magsimula ang klase. Akala niya tuluyan ng natahimik ang malikot niyang isipan pero ng matapos ang lahat ng klase nila, bumalik na naman ang kakaibang pakiramdam na parang gustong iwasan ni Ahra.

Pinauna niya si Kwangmin na gusto sanang hintayin na makasakay siya ng taxi. Nasa harap siya ng gate ng makita niya si Youngmin sa di kalayuan. Napangiti si Ahra ng tumingin ito sa gawi ng kinatatayuan niya. Ngumiti rin si Youngmin at kumaway pa.

Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ni Ahra. Para siyang kinakabahan, na masayang masaya na hindi niya maipaliwanag. Napansin niyang parang tinatawag siya ni Youngmin dahil kumakaway ito at pinalalapit siya. Naalala niyang may sasakyan nga pala ito kaya malamang, iooffer nito na ihatid siya. Hindi niya alam kung bakit parang gusto niya ang ideya na yon kahit dati naman ay tumatanggi siya lagi kahit nagbibiro lang ito.

Lalapit na sana si Ahra ng biglang may dumaan sa gilid niya na halos mabunggo pa siya. Mabilis na tumatakbo ito palapit kay Youngmin. Napahinto si Ahra para tingnan kung sino ito at nakita niya si Chelsea na nagmamadaling lumapit kay Youngmin.

May sinabi pa si Youngmin dito na ikinakilig naman ni Chelsea. Binuksan ni Youngmin ang pinto ng sasakyan niya at hinintay na makasakay si Chelsea. Nakayuko pa ito at nakalahad ang kamay na parang prinsipe. Pinagmasdan sila ni Ahra hanggang sa makaalis ang sasakyan. Nadaanan pa nga si Ahra pero mukhang hindi siya napansin.

Nakaramdam ng kurot sa puso niya si Ahra habang hinahabol ng tingin ang paalis na sasakyan ni Youngmin. Hindi niya alam kung bakit pero nakakaramdam siya ng inggit kay Chelsea. Parang gusto niya na siya ang itrato ni Youngmin ng tulad ng ginagawa nito kay Chelsea.

"Bakit... Nagseselos ako.." Naibulong ni Ahra sa hangin. Hindi niya ito inaasahan.

Nung una akala niya namimiss lang niya ang pang-aasar ni Youngmin dahil nasanay na siya dito pero ngayon, naintindihan na niya kung bakit. Kapag inaasar siya nito, alam niyang binibigyan siya nito ng atensyon. Namiss niya ito dahil hindi na ito katulad ng dati. Lagi na itong nakatuon kay Chelsea at nagseselos si Ahra...kahit hindi dapat.

"Ahra! Wag! Please lang, wag kang maiinlove kay Youngmin!" Pinagalitan niya ang sarili niya. Buti na lang medyo malayo ang ibang tao sa kanya dahil kung hindi, mahahalata siyang kinakausap ang sarili at baka mapagkamalan pa siyang baliw.

~~~*~~~*~~~*~~~

My Angel In DisguiseWhere stories live. Discover now