Hindi ko na natapos ang sinasabi ko. Nagulat na lang ako nang hatakin niya 'ko sa loob ng unit niya at ibinagsak pa ang pinto.

Kunot na kunot ang noo ko habang nakatayo sa gitna ng "sala" ng unit niya. Takang-taka ako kung ano'ng gagawin niya kasi salubong lang din ang kilay niya sa 'kin.

"Alam mo, nami-miss na kita, sobra, pero masama pa rin ang loob ko," napipikong sabi niya na hindi ko alam kung tatawanan ko ba o ano.

Galit pa rin siya hanggang ngayon.

"Gusto kitang patigilin diyan sa ginagawa mo kasi ang obvious na nasasaktan ka lang, pero hindi ko puwedeng gawin 'yon kasi ginagawa mo na 'yon bago pa 'ko dumating sa buhay mo. And it's very inappropriate for me to tell you to stop fighting for what's right when I, myself, don't even know how to deal with those people, or the government, or those individual na nangunguha ng mga lupa or anything na kinukuha nila. I'm a biology student, okay? I don't overthrow government. And I don't want to see you with a bleeding eye and cut lip, and bruises and scratches all over your body once I got home. Gusto ko lang kumain ng chicken drumsticks kasama ka tapos haharapin mo 'ko na nagdudugo ang mata mo at puro ka sugat? I mean—"

Naiwan lang sa hangin ang magkabila niyang kamay na kanina pa niya kinukumpas habang nagpapaliwanag.

Okay.

Naiintindihan ko naman.

Noong isang araw ko pa naintindihan.

Pula pa rin ang mata ko. Nagsara naman na ang hiwa sa labi ko pero ayos na 'to. Yung pasa, medyo lumiit na. Yung mga gasgas, ilang araw lang 'yan.

"Minamasaker nila ang mga tao, okay?" paliwanag ko kay Ferdz. "They are killing those farmers, they are burning their huts, they are threatening the families para hindi na lumaban at isuko ang mga lupa nila. Fernando, anak ako ng konsehal. I'm not even a poor kid."

Itinuro ko ang mukha.

"Kung kayang gawin 'to sa 'kin ng mga dapat pumoprotekta sa mga taong ipinaglalaban namin, isipin mo na lang ang kaya nilang gawin doon sa mga taong walang koneksiyon sa gobyerno o kahit anong pera para magbayad ng proteksiyon nila. Hindi kami sumisigaw dahil nasasaktan kami. Sumisigaw kami kasi nananakit sila at dapat i-call out 'yon para mahinto. Kasi kung tatahimik ka lang habang alam mong nananakit sila, magiging kasabwat ka lang ng ginagawa nila."

Hindi siya nakaimik. Idinaan lang ako sa pagtitig kahit nakikita ko pa rin ang galit sa mga mata niya.

"Gusto ko rin namang kumain ng drumsticks kasama ka, pero kung ayaw mong hinaharap kita na ganito ang mukha ko—na galing ako sa nakakapagod na araw pero alam kong may ginawa akong makabuluhan para sa ibang tao—mas mabuting huwag na lang tayong magkita. Kasi ganito ang mukha at katawan ko buwan-buwan, baka lang walang nakapagsabi sa 'yo."

Na-miss ko rin naman siya, hindi ko lang masabi kung gaano kalalâ, pero nadismaya ako na nagagalit siya sa itsura ko pero hindi man lang siya nagalit sa may gawa nito sa 'kin.

Tatlong araw din ang lumipas. Isang araw lang akong umuwi sa amin, nagtago pa ako sa daddy ko kasi sermon maghapon ang aabutin ko kapag nakita niya ang itsura ko. Kung galit si Ferdz sa mukha ko, mas lalo na malamang ang daddy ko.

Ang lambot nga ng kama ko sa bahay, hindi ako sanay. Bumalik lang tuloy ako sa boarding house at tiniis ang kaba na baka any time, mabalita na lang kami sa diyaryo na nabagsakan ako ng kisame at isinugod na lang sa ospital. Kahit paano, kapag nakita ni Daddy ang mga pasa at dumudugong mata ko, hindi siya magagalit sa pagiging aktibista ko kundi sa kisame na lang.

Hindi na nagparamdam si Ferdz. Ayoko na nga sanang isipin pero sina Tonying, mga isinugo talaga ng kadiliman para mang-asar.

"Wala boypren ni Piyang, a?"

The Better HalfWhere stories live. Discover now