Mutualism Kuno

641 79 67
                                    

"Hwoy, Piyang, buhay ka pa!"

Napayuko na lang ako nang pagdadambahin ako ng mga kasama ko sa org. Ang lalakas ng tawa nila, may sumisipol pa.

Kagagaling lang namin sa rally kahapon, pero hindi naman sila ganito kasaya kapag hindi kami nahuhuli.

"'Tang ina, pare, akala ko talaga, sa morge na kami mag-aabang."

"Bakit morge?" tanong ko pa.

Mahinang nagsalita si Tonying. "May naka-hit-and-run sa 'yo, baliw. Hindi na kami nakalapit kasi hinatak na niya katawan mo."

Eto ba yung bobong Mendoza na tagaroon Centennial?

"Bakit hindi n'yo 'ko iniligtas?" pangangastigo ko kina Tonying at itinulak-tulak pa ang balikat nila isa-isa. "Nakita n'yo pala, hinayaan n'yo lang, mga bwakanang ina kayo."

"May kotse 'yon!"

"Pakialam ko?!"

"Mayaman 'yon, P!"

"'Tang ina ka ba, kung inilibing ako n'on?"

Biglang ngumisi si Tonying at itinuro pa ako. "Pero buhay ka."

"Gusto mong ikaw ang ilibing ko ngayon?"

"Hahahaha!"

Tawanan sila nang tawanan, hindi ako makangiti man lang sa kanila.

Pinag-uusapan nila ang tungkol sa nangyaring pagsagasa sa akin kagabi. Kilala raw nina Paneng yung Mendoza. Anak daw ng may-ari ng private hospital sa may Quirino. Dating taga-Katipunan. Kaya pala tunog anak-mayaman.

"Sikat pala 'yan."

Pa-soft drink-soft drink lang kami nina Tonying, nakaupo sa railing sa may campus habang nakatingin doon sa Mendoza.

Ang daming kasamang mga babae ng hinayupak. Pero ang napansin ko, wala siyang hinahawakan sa mga 'yon. Nasa bulsa lang ang kamay niya, aalisin lang kapag mag-aayos ng buhok o kaya may ipaliliwanag na kailangan pang mag-hand gesture.

May itsura naman talaga yung Mendoza, saka matangkad. Kung pagkaguluhan man siya ng mga babae rito sa campus, hindi na rin kataka-taka. 'Yon lang, hindi naman siya ang nag-iisang agaw-pansin dito. Sa dami ng may itsura dito sa bawat hall, duda akong sa kanya lang ang tingin ng lahat ng babae rito.

"Pakasuhan kaya natin?" alok ni Tonying.

"Gago, baka magpa-fiesta pa yung mga pulis kapag nalaman nilang si Piyang yung biktima," sagot ni Paneng.

"Hoy, Panelo, malayo ang ginagawa natin sa ginawa ng taong 'yon kay Sophia," seryoso nang paliwanag ni Tonying. "Attempted murder 'yon."

Nanliliit ang mga mata ko habang nakasunod ang tingin doon sa Mendoza na 'yon. Ayokong magsumbong sa mga pulis. May atraso pa kasi ako sa mga parak kaya hindi ako komportableng humingi ng tulong sa kanila.

"I-blackmail ko kaya?" sabi ko. "Hingan ko ng pera pambili natin ng pintura saka board."

Tiningnan ko sina Paneng at Tonying. Nagkapalitan sila ng tingin.

"Puwede . . ."

Bumalik ako sa dorm ko—doon sa kuwarto ng apat na babaeng magkakaiba ang kurso. Yung isa rito, may boyfriend. Yung isa, hopeless romantic. Yung isa, pihikan. Hindi ko sigurado kung kanino ang kurso ng kanino. Madalas kasi silang wala, ultimo ako. Ginagawa lang talaga naming tambakan ng gamit ang kuwarto at pansamantalang tulugan kapag wala kaming commitment sa labas.

Humiga ako sa kama—sa kutson na foam naman pero ang tigas ng pagkakalambot. Parang pati nga kutson, inaamag na lang din, hindi ko lang alam kasi hindi ko hinuhubaran ng cubrecama. Nakakatakot, baka pag-alis ko ng takip, may sariling ecosystem na pala sa loob.

The Better HalfWhere stories live. Discover now