Napaiwas ng tingin si Zamir. "S-salamat pa rin... I know this is hard for you. I know you're uncomfortable around me. I'm sorry... I won't waste this opportunity that you gave me."

Hindi na ako nagsalita pa. Napailing na lang ako at pinuntahan si Nathan sa kwarto niya. Naabutan ko siyang nakatutok sa tablet niya at naglalaro ng games doon. Napabuntonghininga ako saka umupo sa kama niya at hinaplos ang buhok niya.

"Anak..."

Tumingin siya sa'kin. "Bakit po, Mama?"

Muli akong napabuga ng hangin. "Hindi mo ba talaga kakausapin ang Papa mo?"

Napaiwas siya ng tingin sa'kin. "Ayoko po sa mga taong nanakit sa'yo, Mama."

Napakagat ako nang mariin sa ibabang labi ko dahil sa sinabi niya. Naiisip ko pa lang... na kung sakaling wala si Nathan sa'kin noong mga panahong lugmok na lugmok ako, malamang hindi ko nagawang magpatuloy.

"Anak... makinig ka kay Mama..." Humawak ako sa magkabilang braso niya saka seryosong tumitig sa mga mata niya... na katulad na katulad ng kay Zamir. "Anak, bigyan mo ng pagkakataon ang Papa mo. Siguro nga... may naging kasalanan siya sa akin noon... pero..." Napalunok ako. "Nagpapasalamat pa rin ako sa kaniya... dahil kung hindi dahil sa kaniya, wala ka sa tabi ko ngayon... wala akong anak na mapagmahal katulad mo." Mapait na ngumiti ako. "Mahal na mahal ka ng Papa mo. Gustong gusto niyang makabawi sa'yo. Kita mo naman, 'di ba? Ilang araw mo na siyang itinaboy, pero nandito pa rin siya para sa'yo... Kaya bigyan mo siya ng pagkakataon, anak. Hmm?"

Hindi nagsalita si Nathan at yumakap na lang sa akin. Napapikit ako nang mariin at gumanti ng yakap sa kaniya. Pakiramdam ko... nagsisinungaling ako sa anak ko, dahil hindi naman ito ang gusto ng puso ko. Ayokong sabihin ang mga salitang 'to tungkol kay Zamir... Ayokong pabanguhin ang pangalan niya kay Nathan... pero mahirap man tanggapin, masakit man sa dibdib... siya pa rin ang tatay ni Nathan.

HINDI na umiiwas si Nathan kay Zamir, pero kita pa rin ang panlalamig niya rito. Hindi naman sumusuko si Zamir at talagang bumabawi kay Nathan. Hindi na siya itinataboy ng anak ko, pero hindi niya rin naman siya nito gaanong kinakausap... pero mukhang walang balak si Zamir na sumuko kay Nathan.

Sumulyap ako kay Nathan na panay ang kwento sa nangyari sa araw niya. Panay naman ang ngiti ko, at paminsan-minsan ay nagkokomento sa mga kwento niya. Ako ang sumundo sa kaniya ngayon sa school. Ipinagluto pa kasi siya ni Zamir ng paborito niyang merienda. Dapat si Zamir ang susundo, pero hindi ko na siya inabala sa pagluluto at basta na lang umalis para sunduin si Nathan.

Natigilan lang ako nang makarating na kami sa bahay. May naka-park na itim na kotse sa tapat ng bahay ko. Napakunot na lang ang noo ko at agad na bumaba para pagbuksan si Nathan. Bumaba na siya ng kotse at humawak sa kamay ko... Natigilan ako nang mapansin na may pamilyar na lalaking nakatayo at nakasandal sa kotse nito.

Bahagyang nanlaki ang mga mata ko nang makita si Sir Ryle. Napatingin siya sa direksyon ko. Agad naman siyang lumapit sa akin, bumaba rin ang tingin niya kay Nathan.

"Hello," bati niya sa anak ko.

Napanguso si Nathan saka nag-angat ng tingin sa'kin. "Mama, trustworthy po ba siya?" tanong niya saka itinuro si Sir Ryle.

Awkward na tumawa ako saka napakamot sa batok. "O-oo, anak... Uhm, boss ko siya."

Tumango si Nathan saka muling tumingin kay Sir Ryle. "Hello po, boss."

Marahang natawa si Sir Ryle sa sinabi niya. Ngayon ko lang yata siya nakitang tumawa.

"Just call me Ryle," sabi pa niya sa anak ko. "What's your name?"

"Boss na lang po. Mas cool," nakangusong sabi pa ni Nathan. "Ako naman po si Nathan Zachariel. Nathan for short, boss."

Napakamot ako sa batok ko saka muling tumingin kay Sir Ryle. "Uhm, pasensya na po kayo sa anak ko, Sir. Uhm... bakit po pala kayo nagpunta rito?" tanong ko na lang.

Flawed Series 1: Lost in His FireWhere stories live. Discover now