KABANATA 2

125K 3.3K 978
                                    

Tila hindi ako makapaniwala sa nakikita ko... Pakiramdam ko dinadaya pa rin ako ng paningin ko. Halos labing limang taon siyang hindi bumalik dito sa Vista Querencia ngunit ngayon ay nasa harapan ko na siya... ang lalaking matagal ko ng hinihintay nang palihim.

Napakunot ang noo n'ya nang mapansing nakatitig ako sa kan'ya nang matagal. Napalunok na lang ako at napakapit nang mahigpit sa uniporme ko... Hindi n'ya na ba ako naaalala?

Napahawak siya sa sentido n'ya, mas lalong napakunot ang noo. Mukhang nahihilo siya... "Hey, where's the fucking dining area?"

Natigagal ako sa tanong n'ya. Napatikhim ako at napakapit nang mas mahigpit sa damit ko, tila pinapakalma ang sarili ko sa mga oras na 'to. Parang nagwawala na ang puso ko sa hindi ko malamang dahilan... Kinakabahan ba ako masyado ngayong nagkita na ulit kami pagkatapos ng ilang taon.

"Hey, I'm talking to you... Hindi mo ba ako naririnig?" nakakunot-noong tanong pa n'ya.

Agad akong nataranta sa tanong n'ya. "H-Hapag-kainan po?" natatarantang tanong ko.

Mas lalong sumama ang mukha ni Senyorito Zamir. "Yeah, something like that," tila iritadong sabi na lang n'ya.

Tila may bumara sa lalamunan ko. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko saka nanginginig ang mga kamay na itinuro ang direksyon papunta sa kusina. "D-Dumiretso lang po kayo riyan, makikita n'yo po agad ang ilang mga katulong po roon pati na rin sina Senyora Eleanor," sabi ko na lang.

Natigilan ako nang mapansing napangisi si senyorito nang marinig ang pangalan ng senyora.

"Ahh, I missed that old hag," narinig ko pang sinabi n'ya.

Hindi ko gaanong naintindihan iyon pero malakas ang pakiramdam ko na hindi maganda ang ibig sabihin no'n.

Napabuntonghininga si Senyorito Zamir saka hinilot ang gilid ng mata n'ya... "Damn, I forgot to wear my contacts..."

Contacts? Iyon ba 'yong nilalagay sa mga mata? Kaya ba hindi na siya nakasuot ng salamin sa mata? Ibig sabihin lang no'n ay malabo ang paningin n'ya sa mga oras na 'to. Kung gano'n, malamang hindi n'ya ako nakilala dahil hindi n'ya naaaninag ang mukha ko... May posibilidad na naaalala n'ya pa rin ako.

Natigilan ako nang maglakad na si Senyorito Zamir saka iniwan ako. Napalunok na lang ako habang hinahabol siya ng tingin. Hindi siya sa kusina papunta kundi sa silid n'ya... Buti na lang at palagi kong nalilinis 'yon nang palihim kahit pa pinagbawalan kami ng mayordoma na linisin ang silid na 'yon dahil ayaw ng senyora.

Napabuga na lang ako ng hangin habang pilit na pinapakalma ang sarili ko... Gustong gusto ko siyang lapitan at kausapin, pero pinangungunahan ako ng takot... Paano kung nalimutan na nga talaga n'ya ang tungkol sa akin? Ilang taon na ang nakalipas... paano kung ako lang naman ang nag-iisa na pinanghahawakan ang alaala namin noong mga bata pa kami?

"Huy, Elaine. Bakit nakatayo ka lang diyan?"

Napapitlag ako nang marinig ang boses ni Ria, tinapik n'ya pa ang balikat ko. Tila doon lang ako natauhan na wala na sa paningin ko ang senyorito.

"Kung ang mayordoma ang nakakita sa 'yo na nakatunganga, naku, matinding sermon ang aabutin mo... Bakit ba nakatayo ka lang dito?" tanong pa n'ya.

"S-Si Senyorito Zamir, nandito siya," bulong ko.

Napakunot ang noo n'ya sa sinabi ko. "Yung iyaking anak ng mga Castellon noon? Mas posible pa yata na lumipad ang baboy kaysa umuwi 'yon dito, e," nasabi na lang ni Ria.

"P-Pero totoo ang sinasabi—"

Agad na naputol ang sasabihin ko dahil hinawakan na ni Ria ang palapulsuhan ko saka basta na lamang akong hinila. Napabuntonghininga na lang ako at nagpatianod sa kan'ya, malamang nag-aalala rin siya na baka makita pa kami ng mayordoma na nakatayo lang dito.

Flawed Series 1: Lost in His FireOnde histórias criam vida. Descubra agora