Kaibigan

1 0 0
                                    

Napabangon ako sa aking higaan, namamawis at natatakot. Malakas ang kabog ng aking dibdib, ngunit nag-aalangan ma'y lumabas ako ng silid.

"Pa? Tiyo? Asan kayo?" sigaw ko sa madilim na paligid.

Pilit kong kinakapa ang pindutan para sa ilaw ng sala at nang makapa ko ito'y lumiwanag ang paligid. Sa aking nasilayan ay biglang nanginig ang mga kamay at namawis ang noo ko.

"AAAAAAAAAAAAAAAAH" napahawak ako sa aking mukha, pilit na iwinawasiwas ang 'di kaaya-ayang tanawin. Dali-dali kong tinawagan ang aking dating nobyo na isang pulis na ngayon.

Nakadapa ang duguang katawan ni Papa sa sofa habang nakahiyata ang ulo niya, para bang inikot ito. Marami ring bubog ang nakasilid sa likuran niya.

Habang si Tiyo naman ay nakadilat ang mata habang nangingitim ang leeg na halatang sinakal, kapansin-pansin din ang mga saksak sa ulo at tiyan niya.

"Anong nangyari rito Iza?" tanong ni Ron, napayakap ako sa kanya habang umiiyak.

"Tinupad na niya ang aking kahilingan" sambit ko.

"Sino?" tanong niya, napatingin ako sa likuran ni Ron, nandoon siya at nakatayo, nandoon siya at nakangisi.

Napakagat ako ng labi habang nakatingin kay Ron, hinawakan ko ang kanyang kamay at iginaya sa aking beywang.

Napatingin ako sa likod habang tinitignan ang taong iyon na iniaangat ang kaniyang kamay na kinukuha ang baril ni Ron.

"Mahal na mahal kita, Ron" saad ko na may lungkot sa mga mata.

"Mahal din kita Iza kaya hayaan mong tulungan kita" aniya. Napangiti ako at biglang—

Pumutok ang baril at bumaon ang bala sa ulo ni Ron.

"Bakit mo ito ginawa?! Akala ko ba kaibigan kita!" sigaw ko sa taong may pakana ng lahat.

"Kaibigan nga kita kaya kailangang mawala ang mga taong nanakit at nang-iwan sayo, Iza. Ngayon at wala na ang iyong ama at tiyong bumaboy sa iyo at wala na rin ang dati mong nobyo na ika'y niloko, maaari ka nang maging masaya." sambit niya at tumawa ng malakas.

Kitang-kita ko ang lahat sa salamin na nasa aking harap.

KamalayanWhere stories live. Discover now