Maskara

1 0 0
                                    

Gabi na ngunit nasa paaralan pa ako, patuloy na nag-eensayo para sa darating na kompetisyon. Balak talagang manalo ng mga kaklase ko.

"Archimedes!" tawag pansin ng aming guro dahilan upang kami'y mapalingon sa kaniyang gawi, "Umuwi na kayo sapagkat gabi na." sambit niya, nagsitanguan naman ang aking mga kasama.
Ngunit nang pumasok ang aming guro sa kaniyang kotse, ay biglang sumigaw ang aming pinuno, "Last practice!"

"Naman!"

"Umuwi na tayo!"

"Magagalit si mama nito!"

Sambit ng mga taong hindi sumang-ayon sa sinabi niya. Nang mapansin kong maaaring magkagulo ay hindi ako nagdalawang-isip na pumagitna sa lahat at nang makarinig ako ng musika mula sa speaker na aming dala, ako'y gumiling, umikot, sumayaw ng todo. Sa huli'y 'di ako nabigo sa aking intensiyon dahil nakangiti silang nakatanaw sa akin.

"WOOOOH!"

"Party! Party!"

Humiyaw na sa tuwa ang iba, pumagitna naman ang mga joker ng classroom at nagsimulang sabayan ako, kahit ang pinuno namin ay walang takas dahil siya'y sumasayaw na. Sa pangyayaring ito, mga tawa lang namin ang maririnig sa paligid.

Matapos ang kasiyahan at kapaguran ay nagdesisyon nang umuwi ang lahat. Sumabay ako sa mga kaklase ko, wala naman akong partikular na grupong kasabay pauwi dahil maaari akong sumabay sa iba't ibang grupo ng magkakaibigan na kaklase ko. Sinikap kong maging loka-loka, kahit pinakakorning joke ay sasabihin ko pa, mapatawa lang sila at doon lumalabas ang ngiti bunga ng saya.

"Paalam Clara!" sambit nila nang makaalis ako lulan ng isang sasakyan, at magiliw naman akong nagpaalam pabalik.

Habang papalayo ang sasakyan ay mas lalong bumibigat ang aking nararamdaman. Andito nanaman ang lungkot, dinadalaw ako.

Tahimik akong naglakad papunta sa bahay at gamit ang sariling susi't binuksan ang pintuan. Nasa loob ang mga kapatid ko't hindi ako sinalubong ng yakap, ni ang lingunin ako'y hindi napagbigyan. Sobrang bigat, sobrang hapdi.

Umuwi sila nanay at tatay nang lumalim na ang gabi, malugod ko silang binati na may ngiti sa labi, ngunit tinapunan lang nila ako ng tingin at sabay pumanhik sa silid nila. Nang masiguro kong hindi na sila lalabas pa ay dahan-dahan akong pumanhik sa taas kung nasaan ang aking silid at humiga sa napakalaki kong kama habang nagmumuni-muni.

Mag-isa nanaman ako.

Sunod-sunod na lumabas ang mga luhang kinubli simula pa kanina at tanging aking mga hikbi ang maririnig sa tahimik na gabi. Malungkot ako, malungkot na malungkot.

Sa haba ng pag-iyak habang hinihele ng kalungkutan ay napatulog ako habang iniisip na, "Bukas, baka sasaya na ulit ako."

KamalayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon