Chapter 25: Decipher

Magsimula sa umpisa
                                    

"Hijo nabuo ko na ang mensaheng iniwan ni Sisa, hindi ko ito maintindihan pero baka sakaling alam mo ang ibig sabihin nito. Ponzi maaring alam mo kung nasaan si Sisa pero hindi mo lang napapagtanto!" Natatarantang sambit ng hepe mula sa kabilang linya at sa isang iglap bigla na lamang naputol ng tawag. Ilang sandali pa'y nakatanggap si Ponzi ng mensahe mula sa pulis.

"lotus pig help

Bad r Delivery boy Rodney Dxtr tatng

Ponzi hayop k nsa ilalim ako"


"Nasa ilalim ako?" Mahinang sambit ng naguguluhang si Ponzi habang inuulit ang mensahe nito.

"Ano?" Naguguluhang sambit ni Dustin pero hindi kumibo si Ponzi, sa halip ay nasapo lamang nito ang ulo nito habang pilit na iniisip ang mga dahilan kung bakit nasabi ito ng dalaga.

Naguguluhang napasulyap si Ponzi sa labas ng sasakyan at tuluyan niyang napagtantong sa lugar na ito niya narinig ang boses ni Sisa na animo'y tinatawag siya.

"Ihinto mo ang sasakyan!" Biglang sigaw ni Ponzi na agad namang ginawa ni Archie.

"Ponzi anong nangyayari?!" Bulyaw ni Dustin.

"Hindi ko din alam! Basta mauna nalang kayo! Susunod ako!" Natatarantang giit ni Ponzi bigla na lamang nagtatakbo palabas ng sasakyan. Naguguluhan man, walang magawa sina Archie at Dustin kundi magpatuloy na lamang sa byahe papunta sa address kung saan naroroon si Ecleo.

***

Dali-daling bumaba sina Archie at Dustin mula sa sasakyan nang mapagtantong nasa mismong lugar na sila ng kinaroroonan ni Ecleo ayon sa direksyon na nasa cellphone ni Jojo. Hindi pa man nakakarating ang mga pulis ay mas minabuti na nilang hanapin na agad si Ecleo sa loob ng gubat pagkat ito ang nakasaad sa direksyong nakuha nila.

"Ecleo!" Sigaw ng iika-ikang si Dustin pero agad siyang pinigilan ni Archie.

"Wag kang maingay! Baka marinig nila tayo!" Giit nito at saka inilabas ang kanyang cellphone at ginamit ito bilang flashlight.

"Teka ano yun?!" Biglang sambit ni Dustin kaya agad na itinutok ni Archie ang liwanag sa direksyon na itinuro nito.

Kapwa naguluhan ang dalawa nang makita ang isang kapilya hindi kalayuan sa kanila. Maliit lamang ang kapilyang ito at mukhang ilang taon ng hindi nagagamit o nalilinisan, napakarumi na nito at napakarami pang mga vandals kaya naman hindi lubos maintindihan ng dalawa kung bakit ito ang direksyon na itinuturo sa kanila ng tracking device ni Jojo.

"Ecleo?!" Laking gulat ni Dustin nang maaninag niya ito sa sa lupa kaya naman dali-dali nila itong nilapitan.

Dahil sa liwanag ng cellphone ay kitang-kita ng dalawa ang itak na nasa katawan pa ng naghihingalong s Ecleo. Naliligo na ito sa sariling dugo pero sa kabila nito ay nagawa nitong mapangiti nang makita ang dalawa.

"Ecleo anong nangyari?! Sinong may gawa sayo nito?! Ecleo nasaan sila?" Natatarantang sambit ni Dustin nang dali-dali siyang umupo sa tabi nito at pilit na naghahanap ng paraan upang matulungan ang kaibigan.

Hindi na halos makapagsalita si Ecleo. Panay lamang ang paglabas ng dugo mula sa bibig niya. Hinang-hina man, pilit niyang itinaas ang kamay niya't itinuro ang direksyon ng kapilya.

Hindi na nagdalawang isip pa si Archie at dali-dali siyang nagtatakbo papasok rito. Susundan sana ni Dustin si Archie nang bigla na lamang hinigit ni Ecleo ang braso ni Dustin.

"S-Sab-ihin mo-" Panay ang pagsuka ni Ecleo ng dugo pero pinipilit niyang magsalita, "S-sorry mama ni A-ada." Nauutal nitong sambit gamit ang huling natitirang lakas.

Never Cry MurderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon