11

124 13 5
                                    

KAHIT NAKATAGILID SA KANILA ang lalaki ay hindi sila maaaring magkamali.

        “Ano’ng ginagawa ng punong maestro natin dito?” wika ni Nina.

        Hindi pumasok sa isip nila na maaari nilang makita ang kanilang punong maestro sa lugar.

        Lumingon sa gawi nila si Punong Maestro Herrera dahilan para makita nila nang lubusan ang itsura nito. Napahakbang paatras sina Tommy, Ralph at Nina. Nabalot ng kilabot ang kanilang sistema nang makita nila ang mga mata nito na purong itim.

        Nagsalita ang babae, “Hindi kita maintindihan, Carolino. Matagumpay kang nakapasok sa Academia de Lucius. Ikaw na rin ang punong maestro ng paaralan. Sa pagkakaalam ko, tinanggihan mo ang pagiging emperador kaya ipinasa ng iyong ama ang trono kay Edwardo.”

        “'Yan  ba ang ipinagkalat nilang kuwento?” wika ni Carolino. Napakuyom ang mga kamao nito at may naglalabasan na itim na enerhiya mula sa katawan nito dahilan para bahagyang mapalayo ang babae.

        “Si Edwardo ang gusto ng consejo imperial. Para sa kanila, siya ang pinakamagaling, pinakamatalino, at pinakamalakas. Emperador nga si ama pero napakahina niya. Hindi niya kayang protektahan ang kaisa-isa niyang anak,” may bahid ng galit ang boses na anito.

        Pinakalma nito ang sarili nang makita ang takot sa mga mata ng babae.

        Tipid na ngumiti ang punong maestro bago ito nagsalita. “Pero tama ka naman. Wala akong interes sa trono. Pero hindi ako makakapayag na mapunta ang lahat kay Edwardo. Hindi ko hahayaang maging masaya siya kaya aalisin ko kung ano man o sino man ang nagpapasaya o magpapasaya sa kanya.”

        Muling napaatras ang babae. May nakaguhit na ngiti sa labi ng lalaki habang nagsasalita ito pero nakakakilabot naman ang awra na lumalabas sa katawan nito. Parang gusto niya na tuloy umatras sa pakikipagsabwatan dito subalit hindi niya ginawa. Ito lamang ang tanging makakatulong sa kanya upang makamit ang nais niya.

        “Sundin mo lang ang ginawa kong plano. Paniguradong mapapasaiyo si Edwardo at ikaw ang magiging emperatris ng Yellow Spring.”

        Napangiti ang babae sa narinig at ang mga mata nito ay tila mga bituin na kumikislap-kislap dahil sa saya.

        “Sampung taon na 'yong anak mo 'di ba?”

        Nabura ang ngiti sa labi ng babae. May pagtataka sa mga mata nito na tiningnan sa mukha ang lalaki.

        “Kailangang wala kang sabit bago natin gawin ang plano.”

        “Hindi mo kailangang problemahin ang bagay na 'yan. Hindi ko siya inirehestro bilang anak ko kaya kahit gamitin mo pa ang bolang kristal, walang makikitang koneksiyon sa akin,” saad ng babae at saka ikinumpas ang mga kamay nito. May naglabasang mga imahe sa harapan nila.

        Nasa loob ng isang maliit na kuweba ang lugar. Hindi gaanong madilim sa loob dahil may mga maliliit na siwang sa itaas kaya nakakapasok ang liwanag.

        Nakahiga sa lupa ang batang lalaki na walang malay. Nakatayo naman sa tabi nito ang babaeng nakasuot ng mahabang itim na damit at pulang balabal.

        Ikinumpas ng babae ang mga kamay nito. Dahan-dahan na naging itim na yelo ang kinatatayuan nito hanggang sa kumalat patungo sa bata. Ilang sandali lang ay nabalot ang bata ng yelo. Para itong nakakulong sa kabaong na gawa sa itim na yelo.

        Ang babae ay isang dark ice manipulator.

        Ang dark ice manipulator ay maaaring gumawa, humulma at manipulahin ang mas madilim na yelo; na kung saan naghahatid ng pinsala, nangwawasak, at umuubos ng anumang bagay o lahat ng bagay na maengkuwentro nito. Nirerepresenta nito ang mapanganib at nakakasirang bahagi ng yelo, na kung saan binabaliwala nito ang halos lahat ng limitasyon o kahinaan ng isang normal na yelo. Sa kakanyahan, ang kapangyarihang ito ay tungkol sa tanging pagkokontrola ng negatibong madilim na kapangyarihan ng yelo.

        Walang emosyon ang abuhing mga mata ng babae habang nakatingin sa bata. Pagkalipas ng ilang sandali ay naglakad na ito palabas. Nang nasa labas na siya ng kuweba ay muli nitong ikinumpas ang mga kamay. Nabalot ng itim na yelo ang kuweba pati na rin ang kalapit nitong lugar.

        Napangisi si Carolino matapos mapanood ang mga imahe. “Bilib na ako sa 'yo, Alvina. Para makamit ang iyong pangarap, ginawa mong yelo ang iyong anak.”

        Tiningnan ng babae si Carolino gamit ang walang emosyon nitong abuhing mga mata. “Ang bagay na walang pakinabang ay kailangang itapon.”

        “Isang bagay lang ang turing niya sa kanyang anak,” komento ni Ralph habang nakakuyom ang mga kamao.

        “Napakasama naman ng emperatriz madre na ito para gawin ang ganyan sa sarili niyang anak,” segunda naman ni Nina.

        “Ano’ng nangyayari?” magkasabay na saad nina Ralph at Nina na may nagtatakang mga mata.

        Umulan ng matutulis na itim na yelo sa puwesto ng kanilang punong maestro at sa emperatriz madre. Subalit sa dami ng mga talim ay walang tumama kahit isa. Parang hangin na tumatagos lang ito sa dalawa.

        Tahimik lang na pinanonood ni Tommy ang nangyayari. Samantalang napakunot ang noo ni Ralph at nagsalubong naman ang mga kilay ni Nina. May napagtanto sila. Hindi ang babae ang nagpakawala ng mga itim na yelo.

        Iginala nila ang paningin sa paligid upang alamin kung sino ang may kagagawan.

        Nagawi ang tingin ni Ralph sa kanilang likuran. Napaatras siyang bigla habang kinakalabit sina Tommy at Nina.

        Inis na nilingon ni Nina si Ralph. “Bakit ka ba nanga—” Naputol ang sasabihin nito at bigla siyang napatakip ng kanyang bibig.

        Ang nagpaulan ng mga talim na gawa sa itim na yelo ay walang iba kung 'di si Calvin.

        “Calvin! Kumalma ka!” malakas na saad ni Tommy.

        Sa halip na lumapit ay napahakbang sila paatras. Napapalibutan ng itim na yelo ang inaapakan ni Calvin. Nakakakilabot ang malamig na awra na lumalabas sa katawan nito. Ang mga abuhin nitong mga mata ay puno ng galit. Sa tagal nilang nakasama si Calvin ay ngayon lang nila nakita ang ganoong emosyon sa mga mata nito.

        “Calvin! Calvin!”

        Kahit ilang beses pa nilang isigaw ang pangalan nito ay tila hindi sila nito naririnig.

        “Ni minsan hindi ninyo nakita na gumamit si Calvin ng kapangyarihan niya.”

        Nabaling ang tingin nina Ralph at Nina kay Tommy nang magsalita ito. Pagkatapos ay napatingin sila sa isa’t isa. Tanging pagkontrol ng espada lang ang alam nilang kayang gawin ni Calvin. Ito ang kakayahan na puwedeng pag-aralan ng lahat ng mga Arunian.

        “Hindi dahil sa wala siyang kapangyarihan. Ayaw lang niyang gamitin dahil . . .” Tiningnan ni Tommy sandali si Calvin bago nito ibaling ang tingin sa babae.

        Sinundan nila ng tingin kung saan nakatingin si Tommy.

        “Dahil sa kanya.” Si Nina ang tumuloy sa gustong sabihin ni Tommy.

        Tumango-tango si Tommy at saka malungkot na napangiti. Ibinaling nito ang tingin sa mga imahe.

        “Ang batang nakikita natin ay walang iba kung 'di si Calvin.”

Ai ajuns la finalul capitolelor publicate.

⏰ Ultima actualizare: Jan 21, 2023 ⏰

Adaugă această povestire la Biblioteca ta pentru a primi notificări despre capitolele noi!

The Love of AryanaUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum