08

81 12 0
                                    

MAALAT-ALAT NA HANGIN ang kanyang nalalanghap. Hinahampas-hampas ng mainit-init na hangin ang balat niya bagamat ayaw mawala ang bigat na kanyang nararamdaman. Hindi rin nakatulong ang kagandahang dulot ng mga naggagandahang bulaklak na natatanaw niya sa ibaba at ang tila mga bituin na gintuing tulay na kumiskislap-kislap dahil sa tama ng sinag ng araw. Nasa tore si Four at nakatayo sa may bintana kaya malaya niyang napagmamasdan ang kabuuan ng lugar.

        “Babaeng maliit,” bigkas niya habang humahakbang patungo sa gitna.

        Kaawa-awang tingnan ang walang malay na dalaga. Nakatayo ito at may mga gintuang kadena na kasinglaki ng balikat ng dalaga ang nakagapos sa mga kamay at mga paa nito. Gusto niya itong lapitan at hawiin ang mahaba at olandes na buhok na inililipad ng hangin at tumatabing sa maganda nitong mukha. Bagamat nagtitimpi siya sapagkat patuloy pa rin na hinihigop ng mga kadena ang mga nag-uumapaw na itim na enerhiya sa katawan ng dalaga.

        Pagkarating nila sa Oriana ay inideretso kaagad ng mga tagabantay si Aryana sa tore na ito at kinabitan ng mga cadena de purificación (chain of purification).

        Nadako ang tingin niya sa bandang dibdib ni Aryana.

        “Four!”

        Nilingon ng binata ang tumawag sa kanya. Pumasok sa may pintuan si Victoria at kasunod nito ang kanilang mga kasama.

        “Kakausapin ka raw ng mga tagabantay.”

        Hindi nagsalita si Four at ibinalik ang pansin kay Aryana. Napakunot ang noo nito nang makita na umiilaw ang bandang dibdib ng dalaga.

        Napalapit sa binata ang lahat nang mapansin nila ang malagintong liwanag. Natanggal mula sa kuwentas na suot ni Aryana ang nakasabit na maliit na aklat at lumutang sa harapan ng dalaga.

        Napaawang ang kanilang mga bibig nang dahan-dahan na bumukas ang aklat.

        “Sa wakas . . . bumukas na ang mahiwagang aklat,” ani Victoria sa kanyang isipan. Mababanaag sa mga mata nito ang lungkot, saya, at pagkasabik.

        “Aryana!” Napasigaw bigla si Four nang makita na hinihigop ng aklat ang dalaga. Tila ba kidlat na nakalapit kaagad siya at niyakap ito. Wala na siyang pakialam kung binalaan sila na bawal muna si Aryana na lapitan o hawakan.

        “Four!” magkasabay na sigaw nina Looney at Gori. Wala na silang nagawa nang tuluyan na itong mahigop ng aklat.

        “Ano’ng nangyayari?” natataranta na may halong takot na saad ni Nina.

        Lumapit naman si Victoria sa aklat at hinawakan ito. Bago siya tuluyan na mahigop ng libro ay nagsalita siya, “Kung gusto ninyong malaman ang totoo na nangyari sa nakaraan, sumunod kayo!”

        Nagkatinginan silang lahat. Pare-pareho sila ng tanong sa isipan. Nakadiin ang salitang “totoo” sa sinabi ni Victoria. Ano ba ang ibig nitong sabihin? 

        Para masagot ang kanilang mga katanungan, isa lang ang paraan.                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                              

HALIMUYAK NG MGA NAGGAGANDAHANG BULAKLAK, awit ng mga ibon, at ang malamig na haplos ng hangin ang gumising sa kanilang diwa. Ang mangasul-ngasul na langit at pagsasayaw ng iba’t ibang kulay at hugis ng mga dahon ang sumalubong sa mga paningin nila pagkamulat ng kanilang mga mata.

        Nagmamadali at magkasunod-sunod silang bumangon sa pagkakahiga sa damuhan nang mapagtanto na sila ay nasa isang hindi pamilyar na lokasyon.

        Nasaan sila? Iyan ang katanungan sa kanilang mga isipan. Nasaan nga ba sila?

        “Nasa loob tayo ng mahiwagang aklat.”

        Ibinaling nila ang mga mata sa nagsalita. Nasa malayo ang tingin ni Victoria. Nang lumingon ito sa gawi nila ay makikita ang kaseryosohan ng mukha nito.

        “Lahat ng makikita n'yo ay pangyayaring naganap mahigit limang daan na taon na ang nakalipas,” pahayag ni Victoria.

        Iba-iba ang naging reaksiyon nila sa narinig. Nakakagulat na marinig na para silang bumalik sa nakaraan. Sumipa rin ang kuryusidad sa kanila. Ano’ng mga bagay o pangyayari kaya ang makikita nila? Naroon din ang kaba. Nakakakaba sapagkat hindi sila sigurado kung maganda ba o masama ang kanilang masasaksihan.

        “Four!” pagtawag ni Gori sa kanya. “Bakit parang nakapunta na tayo sa lugar na ito?”

        Iginala naman ni Four ang mga mata sa paligid. Tama nga si Gori. Nakapunta na sila rito.

        “Tayo’y nasa kagubatan ng Jais.” Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi at nagkaroon ng kinang ang mga mata niya. “Dito ko unang nakita ang babaeng maliit n—” Bigla itong natigilan at saka tiningnan ang mga kasama. “Si Aryana? Siya’y nasaan?” may pagkabahalang turan ni Four nang mapansin na wala ang dalaga.

        Ang mga mata ng lahat na puno ng katanungan at natuon kay Victoria  nang makita nila wala nga si Aryana.

        Wala silang narinig na sagot mula kay Victoria pero napansin naman nilang nasa malayo ang tingin nito. Nang sundan nila ang tinitingnan nito ay nakita nila ang isang pigura sa di-kalayuan.

        Bago pa sila makahakbang upang puntahan si Aryana, bigla silang hinarangan ni Victoria.

        Sobrang seryoso ng mukha ni Victoria habang pinasadahan sila nito ng tingin isa-isa. Pagkalipas ng ilang sandali ay nagsalita ito, “Palakihin ang inyong mga mata. Pakilinisan ang inyong mga tainga. At patulisin ang inyong mga utak. Lahat ng makikita't maririnig ninyo ay mga pangyayaring hindi alam ng nakakarami . . . mga pangyayaring totoo.”

        Pinalipas muna ni Victoria ang ilang segundo bago siya muling nagsalita, “May mga katanungan pa ba kayo?”

        Nang makita ni Victoria na umiling-iling ang ilan at walang narinig na nagtanong ay walang paalam na naglakad na siya palayo. Subalit, ibang direksiyon ang tinatahak niya.

        “Saan siya pupunta?” mahinang saad ni Nina habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Victoria.

        Nagkibit-balikat naman ang mga kasamahan nito sa akademya sapagkat wala rin silang ideya.

        Humakbang naman si Four patungo sa kung nasaan si Aryana na sinundan nina Looney, Gori, Elie, at Treedyosa.

        Gusto rin na sumunod nina Calvin, Ralph, Tommy, at Nina kina Four bagamat hindi nila nagawa nang may tila mahika ang humahatak sa kanilang apat patungo sa kung saan.

The Love of AryanaWhere stories live. Discover now