Kabanata 8 - Misteryosong nilalang

Magsimula sa umpisa
                                    

Paano niya nalaman na ito talaga ang tunay na kulay ng mga mata ko, hindi man lang siya nagtakha tulad nila. O baka naman nagkukunwari lang siya na alam niya at mamaya ay uusisain na niya ako.

Mas maigi na rin at least hindi ko kailangang mag-explain sa dalawa. Baka umabot sa puntong kung ano pa ang mahalungkat nila about sa pagkatao ko.


Pare-pareho kaming napatingin sa orasan nang tumunog ito nang malakas. Saktong alasdose na pala ng tanghali.

"Alasdose na, kaya pala nagugutom na ako. Tayo na at kumain, pupunta pa tayong bayan." ani ni Kia.

Napagkaisahan namin na kumain na muna bago magpuntang bayan. Mabuti na lang din at hindi na sila nagkomento pa, ang dapat ko na lang alalahanin ay kung paano ako lilitisin mamaya ni Kia, kapag kaming dalawa na lang ang magkasama.

Matapos kumain ay dumeretso na agad kami sa dapat puntahan, ang bayan ng Hikolo. Malapit lang din ito sa palasyo ng Derami at ayon sa kanila au marami ang pwedeng mabili rito, parang tiangge ang itsura kung ikukumpara sa mundo ko. Ngunit hindi gaya roon ay kakaiba ang mga paninda rito, hindi ko lang alam kung para saan ang ibang mga bagay o kagamitan na ibinebenta nila.

Nakasunod lamang ako sa likuran ng tatlo habang sila ay naglilibot para makapamili ng bibilhin. Nagtingin-tingin na lang din ako para libangin ang sarili ko.

Huminto ako sa isang pamilihan nang may makaagaw ng pansin ko. Sinilip ko muna kung nasaan sina Kia at nakita ko naman na huminto sila sa isang pamilihan ng kwintas na hindi kalayuan sa hinintuan ko.

Ibinalik ko ang tingin sa bagay na nakita ko, isa itong gintong plauta. Kinuha ko ito at pinagmasdan, kakaiba ang itsura ng instrumentong ito dahil sa paraan ng pagkakahugis nito. Halos kasing haba lamang ito ng palad ko at mayroon itong gintong pakpak na tulad sa Mariposa, isang uri ng butterfly sa mundo ko.

"Nais mo bang bilhin ang gintong plauta na iyan iha? dalawang ginto ang kapalit para sa isang 'yan." ani ng matandang nagbebenta.

Gusto ko sana itong bilhin pero saan naman ako makakakuha ng ginto? e maski pera nga ay wala ako.

Akmang ibaba ko na ito nang may kumuha nito sa palad ko. "Ako na ho ang magbabayad, narito ang dalawang ginto."

Nagulat naman ang matanda sa biglang pagsulpot ni Kia sa tabi ko, kahit ako rin naman. Yumuko ang matanda para magbigay galang sa prinsesa. "Maraming salamat kamahalan."

"Hindi ka na dapat nag-abala pa na ibili ako, nagandahan lang naman ako." sambit ko kay Kia. Ang mahal kaya ng plauta na ito, dalawang ginto. Kung maipapalit lang sa mundo ko ang ginto ay malamang nasa libo o milyon na ang halaga nito.

"Ano ka ba, sinabi ko naman na kapag may nagustuhan ka ay huwag kang mahihiyang magsabi sa 'kin." ani niya nang makalayo kami sa pamilihan.

Naglalakad na kami ngayon pabalik ng palasyo.

Natatawa naman na nagsalita si Aerish. "Nako Eryn, kung ako sa iyo ay tanggapin mo na lang dahil minsan lamang maisipang magbigay ng regalo 'yan si Asekia."

"Tama siya at sa totoo niyan ay binilhan ka rin niya kanina ng kwintas. Heto oh!" sambit ni Pinky at inilabas ang isang silver na kwintas.

May pendant ito na hugis buwan pero ang kakaiba ay kulay lila ito na parang galaxy ang itsura ng loob. "Maganda ba? ipinasadya ko talaga iyan para sa 'yo."

"Kaya huwag ka nang mag-alala, pare-pareho lang tayong mayroon." dagdag pa ni Pinky at itininaas nilang tatlo ang sa kanila.

Iba-iba ang hitsura ng pendant namin, maging ang mga kulay nito. Siguro ay couple necklace na ito para sa'ming magkakaibigan.

Malapit na kami sa palasyo nang mapahinto ako. Pakiramdam ko kasi ay may taong kanina pa nakamasid sa 'kin, pero kapag lumilingon naman ako ay wala akong makita. Mataman ko pang inilibot ang paningin ko hanggang sa tuluyan nang magtama ang mga paningin namin.

Nasa gitna siya ng maraming tao at nakatayo lamang siya roon, hindi ko man makita ang kabuuan ng mukha niya pero alam kong nakatingin siya sa direksyon ko. Unti-unti akong nakaramdam ng hindi maipaliwanag na kaba.

Pakiramdam ko ay nakita ko na siya, hindi ko nga lang maalala kung saan.

Napansin kong nagkaroon ng kurba ang labi niya. "Sinasabi ko na nga ba at magbabalik ka rin... Hernyxia..."

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Ilang kilometro ang layo niya sa kinatatayuan ko pero malinaw kong narinig ang boses nito, parang ibinulong lang ito malapit sa tainga ko.

Anong ibig niyang sabihin, talaga nga bang nagkita na kami...

Kung gano'n kailan at saan? at tsaka paano niya nalaman ang totoong pangalan ko.

Vengeance of the Fallen TribeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon