Kabanata 1 - Kaibigan

24 3 0
                                    

Hernyxia Moscoval

"Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo? papalubog na ang araw at baka mapansin na nila na nawawala ang presensya mo." sambit ko sa aking kaibigan.

Si Kia.

"Pero ate," humaba ang kaniyang nguso, kulang na lang ay gawin ko na itong sampayan ng damit.

Pinanliitan ko siya ng mata. "Gusto mo ba na mabisto ka na nila nang tuluyan kung saan ka naglalagi?" ani ko.

Nagbago ang kaniyang ekspresyon at naging malungkot ito. "Gusto pa kitang makasama. Ayaw ko pa umuwi." humalukipkip ito. "Ngunit tama ka, hindi nila maaaring malaman na nandito ako. Hindi ko hahayaan na mapahamak ka kaya kahit ayaw ko pa ay kailangan ko nang umuwi." mahabang litanya nito na siyang ikinangiti ko.

"Magkikita pa naman tayo. Basta ay huwag ka lamang magpapahuli, kung hindi ay ito na rin ang magiging huli natin." pananakot ko na ikinasama ng kaniyang mukha. "Biro lang." pagbawi ko.

"Magkita na lang tayo bukas. Aagahan ko na lamang para mahaba ang oras natin. Nais kong ipasyal mo ulit ako sa bayan ninyo." nagbalik na muli ang maaliwalas nitong mukha.

Tumango ako at nginitian siya. "Sige na, mag-iingat ka."

Pagkatapos niyon ay tumalikod siya at humarap sa isang puno ng balete. Ipinilantik nito ang kaniyang daliri at maya-maya lamang ay nagliwanag ang puno. Pumasok siya doon at makalipas ang ilang segundo ay nawala ang ilaw na dulot nito.

Ang sabi niya sa akin ay isa itong lagusan pauwi sa kanilang mundo, na kaniya rin ginagamit papunta rito.

Sinubukan ko ang palagi niyang ginagawa ngunit napagod na lahat ang mga daliri ko ay wala man lang akong napala.

Napasulyap ako sa kalangitan at malapit na palang palitan ng buwan ang anino ng araw. Napagpasyahan ko na pumasok na sa bahay. Nilalamok na rin kasi ako dahil kanina pa ako nakatayo sa harapan ng puno na pinasukan ni Kia.

Papasok pa lamang ako sa pintuan ng kusina ay ang lumilipad na kaldero agad ang bumungad sa akin. Hindi man ako tinamaan ng direkta sa aking mukha ay natamaan pa rin nito ang pisngi ko kahit papaano. Napangiwi ako at napahawak sa parteng nasaktan.

Subalit hindi iyon ang mas ikinakaba ko, kun'di ang matalim na titig sa akin ni Grasya. Siya ang naghagis ng kaldero sa akin.

"Anong oras na sa tingin mo?!" galit na tanong nito. Automatiko naman na napatingin ako sa orasan na tanaw mula sa pader ng sala. Eksaktong alasiyete na pala ng gabi.

Tumayo ako at pinagpagan ang aking damit. Kinuha ko na rin ang kaldero na nayupi dahil sa lakas nang pagkakabato niya. "Kanina ka pa nasa labas, ni hindi ka pa nakakasaing at nakapagluto ng ulam! padating na si mudra at tiyak kong pagod at gutom na iyon. Magluto ka na kung hindi malilintikan ka talaga sa akin." banta pa nito.

Hindi na niya hinintay pa ang sagot ko at umalis na siya, naiwan akong tulala sa loob ng kusina. Tinignan ko ang hawak kong kaldero. Luma na nga ito at nag-iisang pinagsasaingan ay niyupi niya pa.

Wala akong nagawa kun'di ang lumabas ulit sa likod bahay at kumuha ng martilyo. Pinagpupukpok ko ito upang magpantay at bumalik sa dating hugis. Habang ginagawa ko ito ay napatayo agad ako dahil sa panlalamig. Napatingala ako at doon ay nakita ko ang pinsan kong si Herdel, nakababatang kapatid ni Grasya. May hawak itong tabo na sa palagay ko ay ginamit niyang pambuhos sa akin ng tubig.

"Bakit mo ginawa 'yon!" anas ko.

"Ang ingay-ingay ng ginagawa mo, naiistorbo ang pag-aaral ko!" inis nitong bulyaw at pinagsaraduhan ako ng bintana.

Napapadyak ako sa inis.

Pumasok na ako sa loob upang hugasan ang kaldero at nagsalang na ng sinaing. Kahit hindi pa man ito ayos ay wala na akong magawa. Huwag lamang sana itong mapansin ni Tita Hilda dahil malalagot na naman ako nito. Sa totoo lang, nagsaing naman talaga ako at nagluto ng ulam bago ako magtambay sa likod bahay, kung saan kausap ko si Kia. Marahil pinapunta na naman niya ang nobyo niya kasama ang mga kaibigan nila at dito niya pinakain kaya naubos. Tapos ako ang sisisihin niya kapag dumating si Tita.

Vengeance of the Fallen TribeWhere stories live. Discover now