Chapter 18: The Jemaima Program

Ξεκινήστε από την αρχή
                                    


"Ponzi tama ka! May delivery boy nga na dumating dito sa police station nang araw na mamatay si Mrs. Grady!" Biglang bulalas ni Archie habang binabasa ang log book.


Ipinakita ni Ponzi ang isang litrato sa naguguluhang pulis, "Screen-cap 'yan ng CCTV na kuha ilang minuto bago pagbabarililin sina Borneo at Klaus Grady ng isang hindi nakikilalang salarin. Walang CCTV sa mismong pinangyarihan ng krimen pero makikita rito sa ibang parte na may isang delivery boy silang kasabay sa kalye. Malas kasi walang plate number ang motorsiklo. Hindi lang sa mga Grady nakita ang motorsiklong ito, pati narin sa ibang pagkamatay." Itinuro ni Ponzi ang isa sa mga newspaper clippings, "Noong nakaraang taon namatay si Rachel Tinson sa lason isang linggo matapos siyang mapalabas mula sa ospital, ayon sa mga kapitbahay, isang delivery boy ang huling nakitang dumating sa bahay niya."  


"Teka sandali, ba't hindi ko alam to?" Naguguluhang sambit ng Chief Hidalgo, "At yung delivery boy, imposibleng siya ang lumason kay Mrs. Grady, hanggang sa front desk lang sila pwedeng pumasok. Paiimbestigahan ko 'to sa mga bata ko." Dagdag pa niya.


"Yun nga ang problema, hindi ang delivery boy ang lumason kay Mrs. Grady kaya ibig sabihin may traydor sa mga nasasakupan mo." Mahinang sambit ni Ponzi na para bang sinisiguradong walang nakakarinig sa kanila.


"Tama bang pinagkatiwalaan ka din namin?" Biglang pasaring ng nagngingitngit ng si Archie na puno na ng pagdududa sa hepe.


"Chief!" Nagulat ang tatlo nang bigla na lamang bumukas ang pinto, "May isang bangkay na natagpuan malapit sa Cathedral!" Biglang aligagang sambit ng pulis kaya naman agad na bumakas ang matinding kaba sa mukha nila Ponzi at Archie.


Dali-daling lumabas mula sa estasyon sina Ponzi, Archie, Chief Hidalgo at iba pang mga pulis upang rumesponde. Sasakay na sana si Ponzi sa patrol car ng hepe nang bigla niyang makita ang pagdating ng isang sasakyang lulan nila Dustin at Ecleo.


"Mauna na kayo." Sabi na lamang ni Ponzi saka nagtungo sa parking lot kung saan naroroon ang dalawa.

***


"I was wrong all along. The Crimson Ripper wasn't breeding." Deretsahang bulalas ni Ecleo sa paglapit pa lamang ni Ponzi sa kanila.


"Anong ibig mong sabihin?" Kunot-noong sambit ni Ponzi. Lalo pang naguluhan ang binata nang magtama ang tingin nila ni Dustin.


"Ang Jemaima program. Sila ang may kagagawan sa pagkawala ni Sisa at ng iba pa." Sabi naman ni Dustin saka inabot kay Ponzi ang isang folder na may laman ng mga news paper articles at iba pang papeles na nakalap nila buong araw.


"Jemaima Program? Teka Jemaima Delfino?" Naguguluhang sambit ni Ponzi nang maalala ang pangalan ng kauna-unahang dalagang nawala sa Crimson Lake. Binuklat ni Ponzi ang folder at nakumpirma ang hinala niya nang makita niya ang napakalumang litrato ng dalaga.  


"1964. Si Jemaima Delfino, ayon diyan sa files, bigla siyang nagrebelde matapos mamatay ang ina niya. Drugs, alak at kung ano-ano pang bisyo ang pinagkaka-abalahan niya imbes na mag-aral. Isang araw, bigla siyang naglayas at matapos ang ilang buwan ay natagpuan siya ulit ng tatay niya at sapilitan siyang pinauwi. Isang tanyag na psychiatrist ang ama niya kaya isang napakalaking kahihiyan para sa kanya na hindi niya makontrol ang sarili niyang anak. Isang araw sinubukan ulit ni Jemaima na maglayas, ginamit niya ang kotse ng tatay niya pero hindi niya alam na sumakay rin pala doon ang dalawa niyang nakababatang kapatid na lalake—isang 5 at 6 year-old. Nangyari ang hindi inaasahan, naaksidente ang sasakyan at namatay ang bunsong anak. Matapos ang aksidente, hindi na ulit nakita si Jemaima pero makalipas ang limang buwan nagulat ang lahat nang bigla siyang bumalik sa pag-aaral. Sa isang iglap, parang nagbago ang pagkatao niya. Yung dating walang pakialam sa iba at walang modo, biglang naging isang mahinhin at madasalin. Simula noon ay lalong naging tanyag na psychiatrist ang ama niya, pinangalanan niya ang nangyari sa anak niya bilang ang 'Jemaima Program'. Maraming mga magulang ang bumilib sa pagbabago ni Jemaima kaya naman ipinagkatiwala nila ang mga anak nilang rebelde kay Doctor Delfino sa kagustuhang mabago rin ito gaya ng pagbabagong nangyari kay Jemaima. Sa loob ng maraming buwan, titira ang mga sumasailalim sa programa sa isang tagong lugar. Ang hindi nila alam, ibang paraan ang ginagamit ni Doctor Delfino sa panggamot—his unorthodox ways included torture, mutilation, lobotomy and electroconvulsive treatment. Isang araw nakatakas ang isa sa mga pasyente at nagawa niyang makapagsumbong. Agad na sumugod ang mga pulis pero huli na, natutupok na ang buong pasilidad ng apoy at nang tuluyan na itong maapula ay sunog na bangkay na lamang ang mga natagpuan nila, ang iba ay hindi na natagpuan at hindi na makilala pa. 1965 nang mangyari ang sunog kaya wala ng nakakaalam kung sino nga ba ang mga bangkay o kung kabilang ba doon si Doctor Delfino o ang anak niya." Paliwanag ni Ecleo habang pinagmamasdan ni Ponzi ang mga nakakagimbal na lumang litrato kung saan nakatali ang mga babae sa mga kama at animo'y kinukuryente at pinapahirapan.


"G-gaya ng nangyari kay Mrs. Grady at sa iba pa.." Nauutal na sambit ni Ponzi sa napagtanto, "Pinagpapatuloy nila ang programa." Dagdag pa nito.


"At napakalaki ng posibilidad na hawak nila ngayon si Sisa... pinapahirapan para magbago." Nanlulumong sambit ni Dustin.



"Ang delivery boy...  Kailangan natin siyang mahanap." Giit ni Ponzi at nagtatakbo pabalik sa loob ng opisina kung saan naiwan ang iba pang ebidensya.



END OF CHAPTER 18.

Note : Yeah its lame, sorry but that's just how it is. Hahaha

Btdubs, lobotomy is an operation of the brain to cure mental disorders.

Also, the answer to everything won't be given all at once so kapit lungsss :)

THANKS FOR READING!

VOTE AND COMMENT <3


Never Cry MurderΌπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα