Ang babae sa eskinita

1 0 0
                                    

DO NOT CROSS. Laking gulat ng binatang si Felipe nang matanaw niya ang police tape sa may eskinita habang siya’y papauwi na. Bagkus, nawala ang kaniyang pagod sa pagboboluntaryo niya sa tree planting na aktibidad sa komunidad buong araw. Hindi niya maikubli ang pag-usisa’t pagkagulantang nang masaksihan niya ang babaeng nakahandusay doon na pinapaligiran ng kapulisan, imbestigador at ng rescue team.

Palinga-linga si Felipe sa paligid dahil ipinagtaka niya ang napakatahimik na lugar. Nagmistulang mga bulang naglaho ang karamihan na siyang inakala niyang dadagsa rito dahil sa kaganapan. Kahit nakaramdam siya ng pangamba ay inihakbang niya pa rin ang mga paa papalapit sa kinalulugaran ng krimen.

“Humihina na ang pintig ng puso niya. Halos hindi ko na maramdaman ang kaniyang pulso.” Pagkumpirma ng isang doktor.

Nangangatog ang mga tuhod ni Felipe matapos niyang pagmasdan ang maputlang babae at puno ito ng pasa sa katawan. Ang kaniyang kariktan ay walang katulad at nahihirapang alamin ng kapulisan ang kaniyang pagkakakilanlan. Nakatulalang tiningnan ni Felipe ang babae habang wala itong malay na ipinasok sa loob ng Ambulansya upang agarang magamot sa ospital.

Hindi nagtagal si Felipe sa kaniyang kinatatayuan at napagpasiyahan niya nang umuwi. Samu’t saring emosyon ang nararamdaman niya sa natunghayan niya kanina. Dinadaganan ng bigat ang kaniyang dibdib sa tuwing naaalala niya ang naghihingalong babae.

“Bakit nakakabalisa ang pangyayaring iyon? Bakit pakiramdam ko’y nagdudusa rin ako sa kaniyang kalagayan?” Hindi niya maintindihan ang kaniyang sarili na tila’y hindi niya na mabura ang ugat ng kaniyang pagkabalisa.

Bago pa man makapasok si Felipe sa maliit niyang kubo ay hindi inaasahan ang pagyanig ng lupa kaya siya’y nawalan ng balanse at bumagsak dito.

“Kasalanan natin ito!”

Napalingon si Felipe sa kapitbahay na siyang pinanggalingan ng boses na iyon. Lumalim ang gatla ng kaniyang noo nang marinig niya ang hagulhol sa paghihinagpis ngunit isinawalang bahala niya ito nang tumigil na ang paglindol. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Wari’y umaaligid ang hiwaga ng misteryo.

NAPUKAW ang himbing na tulog ni Felipe nang maramdaman niya ang likidong dumampi sa kaniyang kamay. Umaga na pala at hindi niya ito namalayan sa makulimlim na kalangitan.

“Diyos ko!” Ang tanging namutawi sa bibig ng binata nang namataan niya ang bahang halos angkinin na ang kaniyang higaan.

Unti-unting huminto ang malakas na buhos ng ulan na parang may mahikang kumokontrol nito. Huminga siya nang malalim. Simula sa araw na iyon ay hindi na maalis sa kaniyang isipan ang mukha ng babaeng natagpuan niya sa eskinita at paulit-ulit din itong dumadalaw sa kaniyang panaginip.

Litong-lito man ay hindi na siya nagdalawang isip na magtungo sa ospital upang dalawin ang babaeng iyon.

“Sino ka? Kaano-ano mo ang babaeng ito?”

Hindi agad makasagot si Felipe nang itanong iyon sa kaniya ng nagbabantay na pulis doon nang siya’y makarating.

“Hindi ko siya kaano-ano subalit—”

“Bawal ka rito, hijo. Umalis ka na kung ayaw mong madawit sa imbestigasyong ginagawa namin.” Pagtataboy sa kaniya ng pulis.

Bagsak ang mga balikat ni Felipe nang mabigo siyang alamin ang kalagayan ng babae. Amba na sana siyang umalis ngunit isang tinig ang pumigil sa kaniya.

“Felipe, pumasok ka.”

Parehong nanlaki ang mga mata ni Felipe at ng pulis nang nagising ang babae. Agad naman silang pumasok sa silid.

“Sa wakas ay nagising ka na! Inakala ng mga doktor na posibleng hindi ka na magigising pa!” Natutuwang sambit ng pulis.

Ngumiti ang babae, “H’wag mong itaboy ang binatang ito dahil siya ang pag-asa mula sa pang-aabuso ng sangkatauhan. Malinis ang kaniyang puso.”

Walang nagsalita matapos itong sabihin ng babae, wari’y hindi nila ito maintindihan.

“Felipe, ipagpatuloy mo ang iyong ginagawa at magiging ligtas ang sanlibutan.” Dagdag pa ng babae.

Sa kuryosidad ni Felipe ay hindi niya mapigilang magtanong sa kaniya.

“Ano ang iyong pangalan? Bakit marami kang sugat? Sino ang nais na pumaslang sa’yo?”

“Ako ang inang kalikasan.” Malungkot niyang sabi.

Bumuhakhak ang pulis na tila’y katawa-tawa ang sinabi nito. Natigil ito nang makitang unti-unting naglalaho ang katawan ng babae na parang buhanging nililipad ng hangin.

“Mahal ko kayo, sana’y ingatan niyo ako.” Ang huling mensahe ng babae bago ito tuluyang lumisan.

-Isinulat ni glaxMarilla-

One-shot/Short StoriesDonde viven las historias. Descúbrelo ahora