AI
Isang malakas na pagsabog ang yumanig sa paligid. Nahanap namin ang dalawa sa taong napadpad sa Sangre Island—isang imortal na batang lalaki at isang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad trenta na. Nakatago sila sa isang imprastraktura na gawa sa bakal, naghihintay ng taong magliligtas sa kanila.
Mapalad sila na nandito kami. Ngunit hindi ko inaasahan na ang suwerteng iyon ay hindi magtatagal para sa kanila. Gayon din sa amin. Huli na nang nakarating kami. Wala na ang lugar kung saan pinag-e-eksperimentuhan ang mga batang ginawang imortal. Wala na kaming makakalap pang impormasyon sa naturang pandemya at sa pagkakaroon ng maga imortal.
Nagsimula kaming tumakbo patungo sa dalampasigan, kung nasaan ang barko na siyang magiging sasakyan namin pabalik sa Navy Unit. Napuno ang hangin ng ingay mula sa pagputok ng mga baril. Matinding kaguluhan ang nagaganap sa paligid.
Ang mga carrier ay naglipana sa iba't ibang direksyon, nakikisabay sa kaguluhan na siyang tatapos sa lahat. Hindi ko na matandaan kung ilang infected na ba ang napatay ko no'ng araw na 'yon. Ang tanda ko lamang ay ang mga lalaking nakasuot ng itim, protective suit na nagtatago sa kanilang pagkakakilanlan at proteksyon mula sa aming bala. Hindi lang basta-basta ang pagdating nila rito. Gusto nila kaming pigilan sa kahit ano mang paraan na posible.
Sina Tao, Dr. Octavia, William, Neal, Arthur at ilang kasamahan namin sa Salvador at Navy Unit. Malabo ang mga pangyayari sa aking isipan ngunit isa lang ang tiyak na natatandaan ko. Hindi kaming lahat ay nakaligtas. Hindi kaming lahat ay makakatuntong sa barkong iyon.
"Tulong!" narinig kong sigaw mula kay Arthur. Lumingon ako at nakita ko siya na hawak-hawak ng isa sa mga umaatake sa amin. Hinihila siya paatras, pabalik sa kanyang mga kasamahan. Patuloy pa rin ang putukan. Walang tigil. Nakita ko na lang si Neal na nakahandusay sa sahig, walang malay.
Nagpaputok ako sa iba't ibang direksyon. Sa mga carrier. Sa mga kalaban namin. Bumalik ako na may buong determinasyon na iligtas si Arthur.
Doon ko naramdaman ang matinding sakit sa aking tiyan, na para bang may tumusok na matalas na bagay rito at lumabas sa aking baril. Tiningnan ko ang aking tiyan, napupuno na ito ng dugo. Gayon din ang kamay na nakahawak dito. Isa pang tama ng bala ang tinamo ko.
Inaakala ko'y matatapos na ang lahat sa akin pagkatapos niyon. Nagkakamali ako.
Nakakulong ako sa sarili kong kulungan ng bangungot. Ayaw umalis ng mga imahe sa aking isipan. Nandito lamang sila, paulit-ulit sa aking memorya. Hindi tumitigil hanggang sa masira nito ang puso't damdamin ko. Ngunit hindi ako patitinag. Hindi ako papatalo.
"Wala ka nang magagawa, Ai. Kami na ang panalo," narinig kong boses mula sa aking isipan.
Boses iyon ni Dr. Tomou, ang halimaw na pumatay sa aking magulang. Naririnig ko ang kanyang pagtawa. Walang tigil, palakas nang palakas. Gusto ko nang gumising!
Sumigaw ako nang ubod nang lakas, pakiramdam ko'y mailuluwa ko na ang aking lalamunan. Saka ko na naidilat ang aking mga mata. Naramdaman ko na ang tunay kong lugar. Alam ko na kung nasaan ako. Nagising na ako sa sarili kong bangungot. Umahon ako mula sa pagkakahiga. Wala pa sa tamang katinuan ang aking isipan. Nakatuon pa rin iyon sa bangungot na gumagambala sa akin sa mahaba kong pagkakatulog. Nagising na ako. Pero bakit pakiramdam ko ay hindi pa tapos ang lahat?
"Ai?" wika ng isang lalaki. Narinig ko ang mga yabag nito at ang pagbukas ng pinto. "Nars! Nars!" tawag nito.
Natuon na ang atensyon ko sa kanya. Si William. Ang lalaking laging nakasuot ng gora at salamin sa mata. Gulat at tuwa ang narehistro ko sa kanyang mukha. "Mabuti naman at gising ka na," wika nito. "Huwag kang mag-alala. Wala na tayo sa Sangre Island. Nandito na tayo sa Navy Unit."
YOU ARE READING
Muerte (Pandemia #3)
Science FictionBook 3 of Pandemia series. Kailangan niyo pong basahin ang PANDEMIA at CONTAGIO para maintindihan ang kuwento. Maraming katanungan ang humihingi ng kasagutan matapos ang mga nakakalagim na pangyayari sa Fumetsu Corporation, sa Salvador at sa mga kal...
