Bataan, Philippines
•| April 08, 1942 - Miyerkules |•
"Maaari ba tayong mag-usap sandali?" tanong ni Jose nang makaabot sa paglalakad namin ni Florencia. Nagkatinginan kaming dalawa at tumango siya ng mabilis saka lumayo para bigyan kami ng oras na mag-usap. Saglit ko pa siyang tiningnan dahil nag-iba ang mukha niya nang makita si Jose. Tumayo siya sa may puno at nagpanggap na may tinitingnan sa itaas.
"Maxima." tawag pansin sa akin ni Jose. Nilingon ko naman siya at may inilabas mula sa likuran niya. Isang bulaklak. Gumamela.
"Para sa'yo." masayang sabi niya. Tinanggap ko ito at saka nilingon muli si Florencia. Wala na siya sa kinatatayuan niya. Hinanap ng mata ko ang makulit na babaeng 'yon ngunit nagsalita muli si Jose.
"Napag-isip isip ko kagabi na, tutal naman ay muntik na tayong- Muntik mo na akong halik-" nahihiyang utal na sabi niya.
"Nasabi mo na sa akin na gusto mo ako. At pinaliwanag ko na rin sa'yo na walang ibig sabihin ang kung ano mang nangyari kagabi. Kaya sana-" natigilan ang aking mga mata sa kalilibot nang madako ang paningin ko sa dalawang taong masayang nag-uusap sa may hindi kalayuan. Si Florencia at ang lalaki kagabi.
Ang akala ko ba ay hindi ipagpapalit ng lalaking 'yon ang asawa niya kahit kanino? Bakit kung makatawa sila ay parang gusto na nilang pakasalan ang isa't isa?
Nilingon ko si Jose at napansin ko ang malungkot na ngiti niya.
"Naiintindihan ko na. Hindi ako galit o anuman at hindi ko rin ipagkakaila na nakaramdam ako ng lungkot ngayon. No'ng una ay hindi ako naniwala na wala kang interes sa akin pero ngayon ay malinaw na ang lahat." makahulugang sabi niya. Napakunot naman ako ng kilay.
"Naniniwala na ako na hindi mo ako gusto dahil nakita kong may iniibig ka nang iba." paliwanag niya pa saka ngumiti at tinalikuran ako.
"Hindi ko pinagpapantasyahan ang biyudong 'yon!" mabilis kong sigaw. Nilingon niya naman ako at sumagot.
"Alam ko." malungkot na ngumiti siya at nagpatuloy na sa paglalakad palayo.
Muli ay tiningnan ko ang direksiyon ng dalawa. Naroon pa rin sila kaya naman pinuntahan ko na.
"Nakakatuwa naman pala ang anak mo kung gano'n!" masayang bulalas ni Florencia. Natigil sila sa pag-uusap nang lumitaw ako sa tabi niya.
"Nagugutom na ako. Maghahanap pa tayo ng pagkain. Halika na." bungad ko sa kanila saka hinila palayo si Florencia. Sumigaw pa silang dalawa ng paalam sa isa't isa na nagpakulo ng dugo ko.
Binitawan ko siya sa braso nang marinig ko ang reklamo niya. Hindi ko namalayan na napahigpit na pala ang pagkakahawak ko sa kanya at tuluy tuloy kami sa paglalakad.
"Ano bang problema mo?" hinihingal niyang tanong. Saka lang ako natauhan nang makita ko ang namumulang braso niya. Nilapitan ko naman siya agad at saka humingi ng paumanhin. Hindi ko maipaliwanag sa kanya kung ano ang nangyari kanina kaya marahan ko na lang siyang minasahe hanggang sa mawala ang sakit.
"Galit ka ba sa akin?" tanong niya.
"Bakit naman ako magagalit?" sagot ko at dumampot ng maliit na bato para ihagis sa may tubig.
YOU ARE READING
UNTIMELY
Historical FictionJane, a brilliant but reckless time traveler, has always been drawn to the mysteries of the past. But her latest journey takes a surprising turn when she keeps encountering the same woman, Jea, across different eras. Each time, their paths cross, an...
