Kung sa bagay, mahirap din namang umamin kung may tao na itong gusto dahil hindi madaling maging matapat.

“Siguro masaya ka na sa bago mo kung pumayag ka lang magpaligaw.”

Hindi ko siya inimikan. Kahit lumulukso rin ang puso ko minsan sa kanila dahil masayang kasama, malabo pa rin para sa akin na mahalin ko. Tipong nakikita ko namang seryoso sila, kaso hindi ko talaga makita ang sarili kong magtatagal ako sa piling nila. Ayaw ko namang magmahal nang pansamantala. Gusto kong magmahal nang pangmatagalan at gusto kong siya na ang huli ko.

Mas pinili kong maging kaibigan na lang nila at ang tatlong naglakas ng loob, mas piniling hindi na lang ako pansinin.

“Si Aquilla lang talaga mahal mo. Solid mo namang magmahal.”

Awtomatikong nabinat ang labi ko at paulit-ulit na nagpantig sa tainga ko ang pangalan niya. Bumilis din ang tibok ng puso ko. Para rin akong tanga na hinahalo-halo ang umaapaw kong kanin dahil sa sabaw.

“Iba talaga ngiti mo kapag si Aquilla na,” puna niya.

Mas lumapad ang ngiti ko, iniipit ang buhok sa gilid ng tainga.

Tumikhim ako para sawayin ang sariling umayos. “Malapit na graduation ni Maritoni,” sabi ko. “Punta kayo sa bahay. Magce-celebrate kami,” paanyaya ko pa.

Ilang araw na lang ang palilipasin namin dahil magmamartsa na rin siya. Ang nakatutuwa pa, isa siya sa with highest honor na sasabitan ng medalya. Sinabi kong si papa na lang dahil isa lang ang puwedeng pumunta sa entablado, pero nakiusap siya sa kaniyang teacher na pati ako isama niya para umalalay kay papa kasi naka-wheelchair pa rin.

Tumango-tango siya, natuwa sa gaganaping selebrasyon. “Bakit hindi na lang sa resort dito? May promo sila ngayon.”

Sandaling nanlaki ang mata ko, nilunok ang kinakain at pinunasan ang labi gamit ang likod ng kamay. “Sa EBB Resort?”

“Doon na lang para naman ma-try ninyo,” suhestiyon niya.

Ang plano ko ay mag-order na lang dahil wala na rin akong panahon para doon, pero mas maganda yatang ako na lang ang magluto para mas praktikal. Magpapasama na lang ako magluto ng mga pagkain sa kaniya para pasok pa rin sa budget ang pagre-resort. Hindi pa rin ako nakakapag-resort sa tanang buhay ko kaya gusto kong maranasan din namin.

“Sa dami ng pangarap ko sa pamilya ko, wala pa akong natupad.” Sumimangot ako. “gusto ko pumasyal kami, pero kahit nga rito sa El Belamour, hindi pa rin kami makapasyal-pasyal.” Malalim akong bumuntonghininga.

Nadidismaya pa rin ako sa sarili ko dahil wala pa rin akong nagagawang maganda. Wala pa akong nalagyan ng tsek sa bucket list ko simula noong bumalik ako rito.

Iiling-iling niya akong tinapunan ng tingin. “Ang dami mo talagang problema, Dine.” Itinaas niya ang tinidor, may sumamang isang butil ng kanin na nahulog sa mangkok na may sabaw pa. “Kaya marami ka ng wrinkles e.”

Mas lalo akong sumimangot, hinawakan ang noo ko para maramdaman ang sinasabi niya.

“Sabi ko nga, may panahon ang lahat. Inuuna mo naman ang importante saka iyang papasyal na iyan, oo, importante rin pero mas importante iyong kakainin ninyo.”

“Masaya naman kami at hindi nagrereklamo. Ang mahalaga, kumpleto pa rin tayo.”

Lumingon ako sa likuran ko nang marinig ang boses niya.

“Maritoni, ano’ng—bakit ka nandito?” Inalis ko agad ang bag na nasa ibabaw ng upuang katabi ko. Hinila ko ang kamay niya at tinapik-tapik ang bakanteng upuan.

“Nakita ko kayo sa labas kaya pumasok na ako,” sabi niya at nginitian ako.

Tumatagaktak ang pawis niya sa sentido. Kumuha naman ako ng pamunas sa bag ko at iniabot sa kaniya.

A Change of HeartWhere stories live. Discover now