Eleven One

18 0 0
                                    

Sa pagpasok ni Mrs Elena ay nagsi-ayos ang lahat. Pati ako na kanina'y aliw na aliw sa nakikitang love birds na gumagawa ng nest sa sanga ng puno sa labas. Hindi ako sure kung love birds ba ang tawag sa species nila, gusto ko lang tawaging love birds kasi magkasintahan sila. (Base sa na-obserbahan ko.) Naalala ko ang araw na napansin ko ang dalawang 'to. Ang araw na nadagdagan ng planeta sa solar system.

Kung noon e Earth ang tinuturing kong mundo, ngayon iba na. Bagong planeta na, ang pangalan ay Sapphire. At ako lang ang nakatira at hinding hindi ko ibabahagi sa iba. Simula nung naaninag ng aking mga mata ang kanyang kagandahan ay lumutang ako sa ere papunta sa kalawakan. Naalala ko pa ang lakas at bilis ng tibok ng puso ko noon. Pilit ko mang iniwasan ang feelings ko para sa kanya, ay wala ring kwenta dahil naulit ang pagkikita namin.

Isang linggo ang lumipas nung araw na 'yun nang makatanggap ako ng text mula sa kanya. Ang sabi e gusto niya ng kausap at kung pwede bang puntahan ko sya. Friday nun at pauwi na sana ako sa apartment. Nagkaroon ng sariling utak ang aking mga paa at pumunta sa park kung saan nya gustong makipagkita. Nadatnan ko syang umiiyak noon. Kinuwento na lang nya bigla ang problema at humingi ng payo. Binigyan ko naman sya ng payo-- kahit 'di ako magaling sa payo payo na yan-- at makalipas ang limang araw, nagtext na naman sya at nakipagkita ulit. Hanggang sa naka-ugalian na naming magkita tuwing Friday, minsan Saturday.

Three months na rin ang lumipas mula nung unang pagkikita namin. At mas lumalim ang pag-ibig ko para sa kanya nang makilala ko pa sya ng husto. Siya yung tipo ng babaeng totoo kung magmahal, pero sa maling lalaki sya umibig. May boyfriend sya, si Jason. Nang malaman ko yun ay sumikip ang dibdib ko. Pero naging force yun na ipagpatuloy ko ang pagbigay ng advice, pagpapasaya, at pagpawi ng luha niya.

Masakit lang tuwing nakikita ko syang umiiyak dahil sa isang walang kwentang lalaki. Mas masakit ang pagiging bulag niya sa pag-ibig. Pinakamasakit ang dahilang nakikipagkita lang siya sa akin para may balikat syang maiiyakan, mga brasong yayakap sa kanya tuwing tinatalikuran sya ng mundo, at bibig na magbibigay ng wisdom para malampasan niya ang kanyang problema...

"...haay, isa lang akong tissue sa buhay niya. Papahalagahan lang pag kailangan, at itatapon na lang basta basta matapos maiyakan."

"At san mo naman hinugot yan, ha, MISTER ELEVEN DE GUZMAN?!"

Nanlaki ang mga mata ko, nagsimulang tumulo ang malalamig na pawis, at nagtayuan ang balahibo ko sa katawan. Nabigkas ko pala ng malakas ang iniisip ko. Shit.

Maingat akong lumingon sa direksyon ni Mrs Elena. Nagtagpo ang matutulis nyang kilay at nakakunot ang noo. Sa isip nya malamang iniihaw na nya 'ko. Ang mga kaklase ko nakatingin sa akin, halatang nagpipigil ng tawa. Lumunok ako bago sumagot.

"Umm, sa ano, uh, sa ano po Mam, um, sa CR, oo, sa CR po Mam," pinunasan ko ang pawis sa 'king noo. 'Yan lang ang naisip kong dahilan kahit hindi naman totoo. Masyado akong kabado at ito lang ang naisip kong matinong sagot.

"O-U-T. Out! Now!" Matigas ang pag-uutos ni Mrs Elena at tinuro ang pinto papalabas.

Inayos ko ang aking notebook at tumayo. Nakayuko ako para iwasan ang tingin ng mga kaklase ko. Nakakahiya. Dumaan ako sa harap ni Mrs Elena, at sinabing, "Sorry po."

Hindi sya sumagot. Tinulak na lang niya ako palabas. Sa labas ay bumuntong hininga ako na may halong inis. Matinding pagkainis sa sarili. Ginawan ko nang kahihiyan ang sarili ko. Bwisit. Kinakatakot ko na baka maapektuhan ang grades ko. Kahit minor lang ang subject ni Mrs Elena sa kurso ko ay humahatak pa din ito sa GPA ko. At isa pa, ngayon lang sa buong buhay ko na napahiya ng ganito.

Nasa labas na ako ng university at nag-aabang ng masasakyang traysikel pauwi. Wala na rin naman akong papasukan pang klase mamaya.

Nakiliti ang hita ko sa pagvibrate ng cellphone sa bulsa ko. Binunot ko ito. Nagtext si Sapphire my new world. Nabuo ang ngiti sa mukha ko. Nawala bigla ang pagkainis at kahihiyang nadama ko kanina.

Eleven and Eureka and ElijahTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon