1 | Tayong Mga Nadudurog

9 1 0
                                    

Trigger Warning: Rape and abuses

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

Trigger Warning: Rape and abuses.

May pag-asa pa kayang mabuo ang durog kong pagkatao?

Hingal na hingal akong tumatakbo sa kawalan. Suot-suot ang namumuti kong bestida na halos maligo na sa dugo dahil sa mga sugat kong naitamo mula sa walang humpay na pagtakbo. Ang mga mata ko'y pugtong pugto na sa kakaiyak at ang buong sistema ko'y ano mang oras ay bibigay na.

Hinahabol niya ako.

Sa ilalim ng maliwanag na bilog na buwan ay nagpatuloy lang ako sa pagtakbo. Walang hanggan. Walang katapusan. Walang tigil akong kumakaripas saan man ako dalhin ng mga paang ito. Hindi sa akin alintana ang paghahabol ng hininga.

Kailangan kong makatakas mula sa kanya.

"Sierra!" Nakarinig ako ng isang malakas na sigaw mula sa aking likuran. Agad na tumindig ang aking mga balahibo dahil sa matinding takot at kaba. "Huwag ka nang magtangkang tumakas, mahal ko! Dahil sa oras na mahuli kita, hindi na ako mag-aaksaya ng oras na gawin ang lahat ng nais kong gawin sa katawan mo!" Sumunod sa kanyang mga tinuran ang isang nakakapangilabot na halakhak. Ang halakhak ng isang manyak, abusado, at kriminal.

"Miguel, tumigil ka na!" Nagsusumamo kong tugon. Halos masira na ang lalamunan ko dulot ng nagmamakaawa kong sigaw sa kanya.

Ganoon na lamang ang mapaglarong tadhana nang matalakid ako ng isang bato, dahilan upang mawalan ako ng balanse at bumagsak sa lupa.

Nadatnan ko na lamang ang sariling nakahiga at kaharap ang isang lalaking nakangisi.

Ito na ang katapusan ko. Iyon ang sumagi sa aking isipan sa mga oras na iyon ngunit nagulat ako nang unti-unting lumiwanag ang paligid at biglang naglaho si Miguel.

Mabilis akong napabangon nang matagpuan ko ang aking sarili na nasa isang kakaibang lugar. Nahagip ng aking paningin ang mga makalumang imprastraktura, mga kalesa, at mga taong may kakaibang kasuotan.

Muling pumasok sa isip ko si Miguel kaya agad akong bumangon at nagsimulang tumakbo. Sa bilis ng takbo ko ay hindi ko na makita ang mga dinaraanan ko hanggang sa makabunggo ako ng isang babae.

Agad akong napatingala. "S-Sorry po..." Nasa harapan ko ngayon ang isang grupo na may mga hawak na bolo at tabak. Kapansin-pansin ang mga seryoso nitong mukha kaya binalot ako ng hindi maipaliwanag na takot.

Sa kagustuhang makatakas kay Miguel ay wala sa sarili akong napayakap sa babaeng nabunggo ko. Nagulat ito sa aking ginawa. "Binibini, ano ang iyong ginagawa?" Tanong ng babaeng niyapos ko.

"T-Tulungan n'yo po ako ... matagal na po akong pinagsasamantalahan at inaabuso ng kasintahan ko. Tulungan n'yo po ako parang awa n'yo na," malakas kong hagulgol habang yapos pa rin ang babae.

"Mauna na kayo sa bulubundukin ng Abra." Utos ng babae sa kanyang mga kasama.

"Masusunod, Henerala." Saktong pag-alis ng yakap ko sa babae ay umalis na ang kanyang mga kasamahan habang hindi maialis ang tingin nila sa akin.

Nagtama na ang aming mga mata. Ang mukha nito'y hindi maamo kundi matapang. Nakasuot ito ng puting baro at pulang saya at may nakasakbit na bolo sa kanyang likuran.

"Maaari ko bang malaman ang nangyari, binibini?" May bakas na diin sa katanungan niyang iyon. Umupo kami sa isang tabi kung saan walang masyadong tao.

"A-Ayoko na po mabuhay! Durog na durog na po ang pagkababae ko .... ang lahat ng kababaihan sa aming lugar ay patuloy na nahahalay, namamatay, nababaril, at naabuso. Maging ang mismong kapwa babae ang nagpapabagsak sa kapwa babae. Unti-unti nang nalulunod ang buong kababaihan sa bulok na sistema ng bansa!"

Inilabas ko lahat sa kanya ang lahat ng mga hinaing ng puso ko-ang lahat ng nais kong iparating ngunit masyado lang bingi ang mundo para pakinggan ang mga ito.

Nakita kong nag-iba ang hulma ng kanyang mukha. Tila ito'y sumisigaw sa matinding poot at galit na siyang nanunuot sa kanyang sistema. Niyakap niya ako. "Makinig ka sa akin, binibini."

"Tayong mga babae ay malalakas, makikisig, at matatag. Huwag kang pumayag na lapastanganan ka lamang ng mga lalaki. Buong tapang kang lumaban para sa kalayaan ng iyong sarili ..." bahagya siyang napatingin sa malayo, "... para sa bayan."

"Tayo'y mga babae, pero hindi tayo mga babae lang. Tayo'y simbolo ng lakas, tapang, at husay." Iyon ang huli niyang mga sinabi bago siya magpaalam. "Paumanhin ngunit kailangan ko nang lumisan, binibini."

Pinunasan ko ang aking mga luha, isang kilos ng pagkakaroon ng bagong lakas ng loob na lumaban.

Akmang tatalikod na sana siya ngunit nakalimutan kong tanungin ang kanyang pangalan. "Maaari po bang malaman ang iyong ngalan?"

Tipid itong ngumiti, "Ako si Maria Josefa Gabriela Cariño de Silang ... mas kilala bilang Henerala Gabriela Silang."

"S-Salamat, Henerala."

Isa si Gabriela Silang sa mga bumuhay sa apoy ng pagiging babae ko. Doon ko tuluyang natanto na may pag-asa pa. May pag-asa pang muling bumangon ang mga kababaihan.

Kalakip ang katapangan at katatagan, darating din ang araw na unti-unting mabubuo tayong mga nadudurog.

EscapadeWhere stories live. Discover now