"Isang daan na lang. Dalawang kilo kunin ko," sabi niyang ikinailing ko.

"Ay, hindi, ma'am. Wala pa akong panigo."

Umalis siya, lumipat sa ale na katapat ko at doon siya nakabili. Kumibot ang labi kong nagwisik-wisik ng tubig sa bilaong nasa ibabaw ng may lamang mga bangus na timba.

"Mga suki, bili na kayo! Fresh na fresh pang gaya ko!" sigaw ko, iwinagayway ang palad para tawagin sila.

May bumiling isa, at isa pa, tapos nasundan pa ulit ng isa hanggang sa naka-apat pa akong benta. Biyayaan sana ng maraming pera ang mga hindi barat dahil alam nila ang hirap naming mga naglalako.

"Pakilinisan na mo na lang din, ading."

Tumango ako at tinanggalan ng palikpik ang isda, kaliskis at hasang.

Sigaw lang ako nang sigaw, nakikipagtagisan sa mga kapuwa ko naglalako rin. Palakasan kami. Ginagamit ang palad bilang pamaypay para tuyuin ang lumalabas na butil ng tubig sa noo ko, sa patilya at sa leeg. Naghahalo-halo ang lansa ng samu't saring klase ng isda.

Isang ale ang tumapat sa akin matapos niyang ikutin ang bawat tindera at tila nakikipagpatawaran siya, pero hindi pinagbigyan. Ako na lang yata ang naiwang alas niya para pagbilhan ng isda.

Nakangiti ito sa paraang nagmamakaawa pa dahil nahuli ko ang pagkinang ng mga mata niya.

Tumango siya. "Isang daan na lang, neng. Pag-sukian na natin."

Umiling ako nang nakangiti. "Hindi, ate. Mahal ang isda ngayon."

*

Kapag nasa bayan kang naglalako, hindi mo talaga mapapansin ang oras. Punuan na ang bus papunta sa amin. Makikipagsiksikan na naman akong parang sardinas at mangangawit naman ang paa ko dahil sa haba ng pila.

Maayos kong itinali ang plastic ng pinamili kong mansanas at saka ipinasok sa tote bag na sukbit ko.

Dadaan muna ako kay Sabina para magpalit at mag-shower. Pagkaangat ko ng tingin, umawang ang labi kong naging hugis holen pa ang mga mata sa laki.

Kinusot ko ang mga mata. Kumurap ako sabay dilat nang maayos. Totoo ba itong nakikita ko?

Isang kulot na lalaki ang nakasandal sa pinto ng kotse niya habang ang isang kamay ay nakatago sa bulsa ng pantalon, samantala, ang isang kamay ang hawak niya ang phone at nakatingin siya roon.

Inilapit ko ang ilong sa kuwelyo ng suot kong pink na t-shirt. Napapikit ako sa amoy. Pagdilat ko, inamoy ko rin ang manggas ng t-shirt ko pati ang palad at pulsuhan.

Ganito niya ako makikita? Nakakahiya. Lumingon ako sa kanan sabay sulyap sa kaniya. Kung tatakbo ako, mapapansin niya ako. Kung tatayo lang ako, mapapansin pa rin niya ako kapag naramdaman niyang may nakatingin sa kaniya.

Nagpakawala ako ng hangin. "Sir Aziel?" patanong kong pagtawag sa kaniya kahit sigurado akong siya ito.

Pagkaangat niya ng tingin, nagpaulan ako ng magkasunod na tanong, "Bakit ka nandito? May hinihintay ka?"

"I am waiting for you." Ngumiti siya.

Namulagat akong itinuro ang sarili. Tinititigan ko siya nang maigi kung lasing ba siya o hindi pa nahihimasmasan, pero napakaaliwalas naman ng mukha at nakangiti pa. Ano'ng nakain niya?

"I just assumed you would be here," simpleng sabi niya at umalis sa pagkakasandal.

Binuksan niya ang pinto ng kotse at may dala na siyang paper bag pagkaharap sa akin.

"I want to give you this."

May guhit sa noo kong tinanggap iyong iniabot niya. Sosyal ng paper bag. Duda akong para sa akin talaga ito. Baka magpapatulong na iabot ko sa taong napupusuan niya.

A Change of HeartWhere stories live. Discover now