Wicked Chapter One

Magsimula sa umpisa
                                    

"Hindi ka aalis dyan?" Buong oras na hindi bumaba ang mapagmataas na kilay ni Cindy habang nakikipagmatigasan sa binata. Si Stephanie ang gusto niyang pagtripan ngayong araw at ayaw niya ng istorbo.

Hindi sumagot si Prince. Mahigpit na naikagat ni Cindy ang mga ngipin sa pagkaasar. Halos malukot sa kamay niya ang hawak na plastic cup ng iced tea. Nang hindi pa rin umalis si Prince sa harap niya ay walang anu-anong isinaboy niya ang laman ng baso sa pagmumukha nito. Napapikit lang si Prince, napatakip naman ng bibig sa gulat si Stephanie at napailing ang mga manonood sa cafeteria.

"Prince!" alalang bulalas ng dalaga na halos harapin na ang nabasa niyang kasintahan.

"I'm okay," bulong niya matapos bahagyang harapin ang babae sa kanyang likuran. Pinilit pa niya ang sariling ngumiti mabawasan lang ang pag-aalala nito.

"Pero—"

"Okay lang ako," pilit niya.

Napakagat sa ibabang labi si Stephanie. Napahiya na't lahat ang nobyo niya'y siya pa rin ang inaalala nito.

Nairita naman si Cindy sa nakita. Hindi siya sanay na wala sa tabi niya si Prince. Naiinis siyang isiping sinusuway nito ngayon ang kagustuhan niya dahil sa babaeng iyon.

Huminga nang malalim si Cindy habang galit na nakatitig sa maamong mukha ni Prince. Bigla niyang hinablot ang isang coke in can sa malapit na mesa. Ang natitirang laman nito ang sunod na isinaboy niya sa binata. Inihagis niya pa rito ang wala nang lamang lata saka siya naglakad palayo. Sumunod kay Cindy ang tatlo niyang kaibigan na isa-isa ring tinapunan ng tingin ang magkasintahan.


***

"Bakit kasi hinayaan mo lang siya? Ba't hindi ka lumaban?" tila nagmamaktol na tanong ni Stephanie habang naglalakad sila sa paradahan ng kolehiyo.

Pareho silang wala nang klase. Naligo lang si Prince matapos mabuhusan ng inumin kanina sa cafeteria, tapos ay dumiretso na sila doon. Miyembro ng basketball team si Prince kaya laking pasalamat niyang may mga extra siyang damit sa locker room nila.

"Kapatid ang turing ko sa kanya, alam mo yan. Saka hindi ako nananakit ng babae."

"Ando'n na 'ko, Prince. Pero ano ba naman yung magalit ka man lang sa kanya? Pinahiya ka niya eh. Palagi na lang. Ni hindi ka niya makuhang irespeto kahit mas matanda ka sa kanya. Kung sana kasi hindi mo na lang ako tinulungan."

"Tapos ano? Ikaw ang pagtitripan niya? Ikaw ang sasaktan niya? Mas hindi naman pwede 'yon."

"Pero kung ikaw, pwede?"

Huminto si Prince sa paglalakad saka hinawakan si Stephanie sa magkabila nito. "I've made a promise to protect you, right?"

"Tss, wag mo nga 'kong hawakan!" Binawi ni Stephanie ang sarili saka muling naglakad. "Naiinis ako."

"Stephanie naman?" habol ni Prince.

"Eh! Palagi mo na lang kinukunsinti 'yong babaeng 'yon."

"Ayoko lang lumaki yung gulo."

"Prince... pinagseselosan ko siya."

Napahinto na naman silang dalawa.

"Ha?"

"Sabi ko pinagseselosan ko siya," aniya pagkaharap sa binata. "Nagsiselos ako sa babaeng 'yon."

"Ano ba yang sinasabi mo? I told you, parang kapatid ko lang si Cindy. Wala kang dapat ipagselos sa kanya." Hinawakang muli ni Prince si Stephanie sa bandang balikat. Ngumiti pa siya rito, animong tinitiyak niya sa dalagang wala itong dapat alalahanin.

"Anong wala? E lagi mo na lang siyang inuuna kesa sa'kin."

"Hindi totoo yan. Hindi ko nga sinunod yung utos niya kanina 'di ba? Isa pa, kung lagi ko man siyang sinusunod... alam mo naman kung bakit 'di ba?"

"Alam ko nga, hindi ko naman maintindihan."

"I'm sorry. Sorry kung napakawala kong kwentang boyfriend sa'yo."

"Tss, nire-reverse psychology mo naman ako eh." Napayuko si Stephanie saka muling naglakad. Sumunod lang sa kanya si Prince.

Maya-maya lang ay narating na nila ang kotse ng dalaga. Nakasandal sa pinto ng driver's seat si Stephanie, nakatayo naman sa harap niya ang kasintahan.

Nagwika si Prince, "Sorry talaga. Sorry if I make you feel for granted. Sorry kung napapabayaan na kita."

"Tama na nga. Feeling ko tuloy napaka-selfish kong girlfriend."

"Of course not." Hinawakan ni Prince ang dalawang kamay ni Stephanie, dahilan upang mabitawan ng dalaga ang mga hawak nitong libro. "Ikaw nga ang pinaka-understanding sa lahat ng naging girlfriend ko eh. I'm really sorry. And you told me you're jealous? You don't have to. Alam mo kung bakit?" Kasabay ng tanong na iyon ay lalo niyang inilapit ang sarili sa dalaga.

Nailang si Stephanie sa paglapit sa kanya ni Prince kaya napayuko siya.

Inakay ni Prince ang kamay ni Stephanie sa kanyang balikat. Tapos ay hinawakan niya ito sa bewang. Halos ubusin na niya ang puwang sa pagitan nilang dalawa.

"Kasi sa'yo lang ako. Iyong-iyo lang ako, Stephanie." Iyon lang at agaran niyang inangkin ang nag-aabang nitong mga labi.

The Wicked CinderellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon