t a t l o

2 0 0
                                    

"Mirror, mirror, on the wall." Ang larawan ko sa salamin ay unti-unting naglaho, napaltan ng kulay itim bago magkaroon ng isang mukha na lumabas mula sa mga anino ng salamin. Inasahan kong sumagot sa akin ang salamin, lalo na at iyon ang sinabi ng librong binasa ko. Magsabi lang ako ng "mirror, mirror, on the wall" at sasagot sa akin ang salamin. May mga pagkakataon pa nga ay ibibigay na niya agad ang mga kailangan mo. Pero ang sinabi niya sa akin ay ang sagot na hindi ko inaasahan.

"Sino ka? Ano ang iyon ngalan?"

༶•┈┈⛧┈♛ ♛┈⛧┈┈•༶

"Anna. Anna Faith. Yun ang ngalan ko." Agad kong sagot sa salamin na nasa harap ko. Bago pa man makapagsalita muli ang salamin, sunod-sunod na ang mga tanong na ibinato ko sa kaniya. "Nasaan ako? Anong lugar ito? Kaninong katawan ito? Paano ako nakapasok sa katawan niya? Bakit ako nandito? Alam mo ba paano ako nakapunta dito? Alam mo  ba kung paano ako makakabalik? Anong dapat kong gawin ngayon?" Sino ba naman ang makakasisi sa akin? Kanina pa ako naguguluhan, at kung may kahit ano mang nilalang na maaaring nakakaalam ng nangyari at makakatulong sa akin, kukunin ko na ang oportunidad na iyon. At sa situwasyong ito, ang magic mirror ang nilalang na iyon.

"Bago ko sabihin sayo ang lahat ng aking nalalaman, kailangan mo munang kumalma." Hindi siya nagsalita hangga't dilat pa rin ang mata ko at hindi pa rin maayos ang paghinga ko. "HIndi ko alam kung paano o bakit ka napunta dito sa aming mundo. Ngunit mayroon akong mga hinala kung bakit nangyari itong paglipat mo ng katawan." Naramdaman ko ang sarili kong nadismaya dahil hindi sigurado ang mga nalalaman namin. Pero kahit ano pa man ang makakatulong sa akin makabalik, tatanggapin ko na.

"Nasa katawan ka ng reyna ng kahariang ito, ang reyna na aking pinagsisilbihan." Tumango na lamang ako, nahalata ko na ang parteng iyon dahil sa trato sa akin ng mga nakasalamuha ko na. "Ngunit bago ko sabihin sa iyo ang aking mga hinala, kailangan ko munang malaman ang nangyari sa iyong panig ng kwentong ito." Agad kong kinuwento sa salamin ang lahat ng natandaan kong nangyari sa gabing ito bago ako biglang napunta sa katawan ng iba. Binaggit ko ang paggawa ko ng sopas, pagkain ko habang nagbabasa ng libro, at ang paglabas ng bahay ko upang magpahingin ngunit nakita ko nalang na nasa ibang katawan na ako at nasa ibang mundo na rin pala. 

Nanahimik  ang magic mirror ng kaunti upang pag-isipan ang lahat ng mga impormasyong ibinigay ko sa kaniya. "Mukhang hindi mo napansin na sa gabing ito, may naganap na esclipse. Tama ba?" Ngayong nabanggit na niya ito, tsaka ko lang naalala ang sinabi sa balita bago ko basahin ang orasyon na nasa libro ko. 

"Hinala ko na kasabay ng pagbasa mo ng orasyon mula sa librong iyon, ay ang pagkatama ng isang panang may lason sa aking reyna. Nang mapana ang aking kamahalan, bumalik siya rito sa kaniyang silid upang maging ligtas at upang magamot niya ang kaniyang sarili. Sa oras na iyon, natatapos na ang lunar eclipse. Pagbukas ng aking reyna ng pinto, binuksan mo rin ang pinto mo sa iyong mundo. Doon nagsimula ang paglipat mo ng katawan. Alam ko ito sapagkat naramdaman ko na mayroon nakapasok sa aming mundo na hindi nabibilang sa realidad na ito. Hindi na rin ang presensya ng aking reyna ang naramdaman kong pumasok."

Napakunot ang noo ko ng kaunti sa lahat ng impormasyong natuklasan ko. Pero una sa lahat, may nakatusok sa akin ngayon na panang may lason?! Agad kong kinapa ang aking katawan. Napatigil ako nang maramdaman ko ang isang pana sa aking gilid. Mukhang napana siya mula sa gilid at nabali ito dahil sa panlalaban niya. Ang kapa na suot niya ngayon ay naging dahilan din bakit wala ni isang tao ang nakapansin sa panang nakatusok sa katawan na ito.

"Teka, kung may lason ito, bakit hindi pa ako patay?" Agad kong tanong sa salamin nang mapansin ko na hindi dumudugo ang aking sugat. Binunot ko ang pana upang magamot sana ito pero nakita ko lang ang sugat na maghilom ng mag-isa. Kakayanan kaya ito ng reynang may-ari ng katawan na ito? Pero kung totoo yun, bakit hindi niya napagaling ang sarili niya eksakto sa panahong napana siya?

Pinanood lang muna ako ng magic mirror, nagsalita lamang siya nang makita niya na nasa kaniya na ulit ang atensiyon ko. "Hindi ko alam kung papaano, pero dahil iba na ang kaluluwang nasa loob ng katawan na iyan, nawala ang epekto ng lason pati na rin ang sugat na natamo ay naghilom." Pagpapaliwanag sa akin ng salamin na kausap ko. Tumango nalang ako bago ipinatong sa mesa ang pana upang ilayo ito sa akin. Agad akong bumalik sa harapan ng magic mirror upang itanong ang sunod kong tanong.

"Okay, naiintindihan ko na. Pangalawang tanong ko, sinabi mo bang nakapasok sa mundo ninyo? MUNDO?! Gusto mo bang sabihin sa akin dahil nagkataon lang na lunar eclipse nung binasa ko ang orasyon na iyon, napunta na ako sa katawan ng iba?" Huminga ulit ako ng malalim, ang simpleng pagtangka kong pakalmahin ang sarili ko at mawala ang unti-unting galit na nabubuo dahil sa kaganapan ngayon.

HIndi agad sumagot ang magic mirror, para bang mausisa niyang pinag-iisipan ang kaniyang mga sasabihin sa akin. "Iyong nabanggit na ang pamagat ng orasyon na binasa mo ay Cambiamento, tama ba?" Tumango ako at inintay ang sasabihin niya bilang sagot sa lahat ng mga tinanong ko kani-kanina lang.

"Ang orasyong Cambiamento ay isang simpleng orasyon na maaaring magawa ng kahit sino pa man, kaya kahit ikaw na isang ordinaryong tao ay napagtagumpayan ang paggamit sa orasyong ito. Ngunit, kahit gaano kasimple ito, hindi marami ang mga magtatangkang gamitin ito. Mayroong tatlong kondisyon ang dapat makamit upang magawa ang orasyon ng matagumpay. Una ay ang eclipse. Ang pagtagpo ng buwan at araw ang hudyat ng simula ng orasyon na ito.  Ang ikalawa ay ang pag-alis ng kaluluwa mula sa katawan ng nagbasa ng orasyon. At ang ikatlo ay ang isang katawan na walang laman na kaluluwa. Ang katawan ng isang taong namatay kamakailan lang."

Hindi muna nagsalita pa ang salamin habang prinoproseso ko ang mga sinabi niya sa akin. Alam din siguro niya na maiintindihan ko na ang mga nangyari sa sinabi niya. "So, dahil eclipse nung binasa ko yung orasyon, nagsimula na yung epekto nito. Habang binabasa ko yung orasyon, natamaan ng pana ang reyna at unti-unti na siyang namamatay. Nang matapos ako sa pagbabasa, umalis ang kaluluwa mula sa katawan ko. Akala ko magpapahangin ako, pero ang totoo pala nun ay naghahanap na ng katawan ang kaluluwa ko. Yung pagbukas ko ng pinto ay ang hudyat na nakahanap na ng katawan ang aking kaluluwa, namatay na ang reyna bago siya makapasok ng kwarto niya. At dahil doon ang kaluluwa ko ang pumasok sa katawa niya, kaya ako nandito na."

Tumango ang itsura ng salamin na nakaharap sa akin, pinapakitang tama ang aking pagkakaintindi sa mga pangyayari. "Hindi marami ang sumusubok sa orasyong ito sapagkat maaaring hindi sila makahanap ng katawan. Maaari nilang ikamatay ito kung sakaling hindi sila nakapasok sa katawan ng iba." Naramdaman ko ang sarili kong mamutla. Kung hindi nagkasabay-sabay ang mga nangyari, baka patay na rin ako ngayon. O di kaya isa nalang kaluluwa na gumagala kung saan man.

"Teka lang. Para sa ikatlong katanungan ko. Makakabalik pa ba ako sa sarili kong mundo?" dahan-dahan kong itinanong, takot para sa maririnig kong sagot mula sa salamin. "Hindi pa natin sigurado iyan. Kailangan pa natin ng ilan pang oras upang matuklasan ang sagot sa tanong mo." Nagkaroon ako ng mga halong emosyon mula sa sinabi ng magic mirror. Nadismaya ako dahil hindi niya sinabi sa akin na makakabalik pa ako sa aking katawan, sa aking mundo. Pero natuwa rin ako dahil mayroon pa namang pag-asa, hindi ako habang-buhay mananatili rito basta makahanap kami ng paraan. "Ngunit, kailangan mong malaman na..." Napatigil ako, pakiramdam ko ay tumigil ang tibok ng puso ko dahil sa sunod na sinabi ng magic mirror sa akin.

"...mas tumatagal ka sa mundong ito, sa katawang yan, mas maco-corrupt ang iyong isipan."

༶•┈┈⛧┈♛ ♛┈⛧┈┈•༶

Itutuloy...

La Villanes No NacenWhere stories live. Discover now