d a l a w a

2 0 0
                                    

Hindi ko alam ano ang nangyari, hindi ko alam nasaan ako, hindi ko alam kung totoo pa ba ang nakikita ko. Pero isa lang ang alam ko at sigurado akong totoo.

Nasa katawan na ako ng ibang tao.

༶•┈┈⛧┈♛ ♛┈⛧┈┈•༶

Tumingin ako sa paligid ko. Hindi ito ang bakuran sa harap ng rinerentahan kong bahay, ang bumungad sa akin ay isang kwarto na mukhang pang mayaman. Sa totoo lang, mukhang itong silid ng isang maharlika. Sa gitna ng silid ay isang kama na maayos at malinis. Sa kaliwang parte ng silid kung saan ako nakatayo, mayroong isang mataaas na bookshelf. Mula sahig hanggang kisame and haba nito. Sa kanang parte naman ng silid ay isa na namang shelf, ngunit hindi na mga libro ang laman nito. Iba't ibang palamuting mukhang mamahalin ang nakalagay doon, maliban sa isa na nasa may pinakamataas at kanang parte ng shelf. At sa kanang gilid ng shelf, sa may dulo ng pinto na mas malayo sa akin, may isang pinto na papunta sa iba pang silid.

Dahil sa interes na mayroon ako para sa mga libro, ang unang linapitan ko ay ang bookshelf sa kaliwa ko. Mula sa mga kaya kong makita at maabot na libro, ang lahat ng nakalagay sa koleksiyon ng mga librong ito ay puro mga spellbooks. Mayroong iba't ibang klaseng mga spellbook ang nakikita ko, mayroong isa na para sa mga tao, para sa mga hayop, para sa mga halaman, at marami pang iba. Tinaas ko ang isa kong kamay at kukuha na dapat ng isang libro mula sa bookshelf. Pero ang boses mula sa likod ko ay pinigilan ako upang makita ang laman ng isang libro.

"Kamahalan." Humarap ako sa pinanggalingan ng boses na tumawag sa akin. Well, alam ko lang naman na ako ang tinutukoy niya dahil nag-iisa lang naman ako sa kwartong ito. "Kinakailangan ka ho namin sa isang pasilyo ng palasyo." Hindi ko pinahalata muna sa kanya ang pagkalito ko. Kailangan ko munang palawakin ang kaalaman ko sa aking paligid bago gumawa ng kahit ano mang maaaring makapagpahalata sa mga ibang tao na hindi na ako ang kanilang 'kamahalan.'

Habang papalapit pa lang kami, napansin ko na ang tatlong mga taong nakaluhod at binabantayan ng mga guwardiya. "Nahuli na po namin ang mga taong nagtangkang umatake sa inyo, kamahalan." Sinabi sa akin ng babaeng sumusunod sa akin habang naglalakad kami patungo sa mga taong nakaluhod. Nang makarating kami sa harapan ng mga guwardiya at ang tatlong taong nakaluhod at may mga gapos, agad na yumuko ang mga guwardiya nang makita nila ako at nagsabi ng, "kamahalan."

"Ano po ang hatol ninyo sa kanila, aming reyna?" Tanong ng babaeng nasa gilid ko. Ngayon ko lang napansin na siya lang ang nag-iisang tumitingin sa mga mata ko, ang mga iba ay mga yumuyuko pa rin at iniiwasan ang pagtingin sa akin. Yumuko lamang siya kanina bilang simbolo ng kaniyang paggalang sa 'akin'. Napatigil ako ng ilang segundo nang maalala ko ang tinanong niya. Ano nga ba ang gagawin ng isang reyna kung may umatake sa kaniya at nahuli na ang mga taong iyon? Ano ang ihahatol niya at paano niya sasabihin yon ng hindi nahahalata ang kaba sa kaniyang boses?

Wala na ako ibang maisip na gagawin ng isang reyna maliban dito. "Ikulong ninyo ang lahat ng mga umatake sa akin. Hindi ko na sila gustong makita, alisin ninyo sila sa paningin ko." Agad na tumayo ang mga guwardiya at kinuha ang mga nakagapos na mga tao at kinaladkad sila palayo sa akin. At mula sa aking nakikita, patungo sila sa piitan ng palasyong ito. 

Ang hindi ko napansin habang pinagmamasdan ko ang pinuntahan ng mga guwardiya ay ang matalim na tingin sa akin ng babaeng natira sa pasilyong ito na kasama ko. 

"Ayun lang ba ang dahilan kung bakit kailangan mo ako rito?" Tanong ko nang muling humarap ako sa babaeng nagdala sa akin dito. "Opo, kamahalan. Nais mo na po bang magpahinga? Ihahanda ko na po ang papaliguan mo." Agad na lumakad siya sa direksyon na pinaggalingan namin kanina upang ihanda ang pagpapaliguan ko.

"Hindi!" Agad kong sinabi, at parehas namin nagulat dahil sa bahagyang pagsigaw sa kaniya. "Gusto ko mapag-isa muna." Dugtong ko sabay ngiti ng bahagya sa kaniya. Tumango at yumuko siya sa harap ko, at kinuha ko ito bilang isang hudyat na magpatuloy na sa pagpunta sa aking silid. Sa aking pagmamadaling mapag-isa na, hindi ko narinig ang sunod na sinabi ng babae.

"Una ay hindi niya pinapatay ang mga umatake sa kanya katulad ng kadalasan niyang ginagawa. Sunod nginitian niya ako..? Sa loob ng limang dekada na pinagsisilbihan ko siya, ngayon pa lang ito nanyari... Dapat na ba akong kabahan?" Sinabi ng alagad ng reyna sa kaniyang sarili bago siya nagpatuloy sa kaniyang ibang mga gagawin.

༶•┈┈⛧┈♛ ♛┈⛧┈┈•༶

Napabuntong hininga ako nang makapasok na ako ng kwarto na pinaggalingan ko. Binalikan ko ang bookshelf na pinagmamasdan ko kanina at kinuha ang librong palaging nababasa ng may-ari ng katawang ito. Halata ang madalas na pagbukas ng librong ito sa kulubot na mayroon ang likurang parte ng libro, pati na rin ang ilang mga pahina na maytoon pa ngang mga kaunting sulat sa gilid. Dahil sa dalas ng pagbasa ng totoong reyna sa librong ito, umaasa na lang ako na mayroon akong malaman na tungkol sa kaniya o di kaya ay sa lugar na ito. Napagdesisyonan kong umupo sa isang upuan sa harap ng isang maliit na mesa na malapit sa bookshelf. Binuksan ko ang libro at nagsimula na sa pagbabasa.

"..sih...o.." Napatingin ako sa harapan ko, kung saan nanggaling ang parang pabulong na tunog. Ang nakakapagtaka pa nga ay wala naman akong kasama sa kwartong ito, at ang tunog ay parang malapit ngunit malayo ng magkasabay. Iniling ko na lamang ang aking ulo at nagpatuloy sa pagbabasa. Baka nakakarinig lang ako ng kung ano-ano, tutal napunta na ako sa katawan ng iba, sa ibang panig ng mundo, o di kaya ay sa ibang mundo na talaga. Hindi na ako nagtataka kung may marinig ako na wala naman talaga.

Nang nasa kalagitnaan na ako ng libong binabasa ko, narinig ko na naman ang bulong na narinig ko kanina. "..ind...a..kin...ka...la..." Huminga muna ako ng malalim at piniling magpanggap na wala akong narinig. Parang nagiging klaro ang bulong na naririnig ko. Mas naririnig ko na ito, dahilan kung bakit hindi ko na kayang tanggihan na hangin lang ang narinig ko at hindi isang boses ng totoong nilalang, kung ano man siya.

 Sa bandang dulo ng libro, napunta ako sa pahinang nagngangalang "Magic Mirror." Binasa ko muna lahat ng nakalagay sa pahinang iyon bago mapaisip ng maigi. Napatingin ako sa salamin na nasa dingding at nakaharap sa akin mismo. Sa totoo lang, kahit na mukhang normal na salamin lamang iyan, sa kung ano mang paraan ay namumukod-tangi ang salamin sa kwartong ito. HIndi ko maiwasang maramdaman na may kung ano mang kakaiba dito. "...ha...l..ka....d...to" Kasabay ng pagtuon ko ng pansin sa salamin ay ang isa na namang bulong na nagmula sa direksyon na iyon. 

Tumayo ako, binaba ang librong hawak ko sa mesa sa aking harapan bago nagsimulang maglakad papuntang salamin.  "Mirror, mirror, on the wall." Ang larawan ko sa salamin ay unti-unting naglaho, napaltan ng kulay itim bago magkaroon ng isang mukha na lumabas mula sa mga anino ng salamin. Inasahan kong sumagot sa akin ang salamin, lalo na at iyon ang sinabi ng librong binasa ko. Magsabi lang ako ng "mirror, mirror, on the wall" at sasagot sa akin ang salamin. May mga pagkakataon pa nga ay ibibigay na niya agad ang mga kailangan mo. Pero ang sinabi niya sa akin ay ang sagot na hindi ko inaasahan.

"Sino ka? Ano ang iyon ngalan?"

༶•┈┈⛧┈♛ ♛┈⛧┈┈•༶

Itutuloy...

La Villanes No NacenWhere stories live. Discover now