"Pau on earth. Hello?" Kumaway-kaway siya sa harap ng mukha ko.

Bahagya kong naiatras ang ulo ko dahil sa gulat. "A-ano 'yon?"

"Sabi ko, ang sarap sigurong maging parte ng pamilya niyo."

Humaba ang nguso ko. "Ayaw kitang maging kapatid 'no."

Humalakhak siya kasabay ng paggulo sa buhok ko. Nakangiti lamang akong napatitig sa kaniya. Pinag-aaralan ko bawat parte ng mukha niya at ipinipinta iyon nang mabuti sa utak ko. Iisipin ko pa kasi siya bago ako matulog. Hehe.

"Uwi na 'ko, Pau." Tumayo siya at inilahad ang kamay niya sa akin.

Malugod ko naman iyong tinanggap. Sino ba naman ako para tumanggi? Marahan niya akong hinatak patayo, ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ko nang ilang segundo na ay hindi pa rin niya binibitiwan ang kamay ko.

Nag-iinit na ang pisngi ko dahil na rin sa paraan ng pagkakatitig niya sa kamay ko, parang gusto niyang putulin iyon at itakbo. Charot.

"M-Migs," nahihiyang tawag ko at bahagyang iginalaw ang kamay ko.

Sa halip na bitiwan at itinihaya niya iyon at may inipit na papel sa palad ko.

"Ano 'to?"

"Sulat. Mangako ka sa 'kin..."

"Na?"

"Bukas mo 'to babasahin."

Nagsalubong ang kilay ko. "Hindi ba p'wedeng ngayon?"

"Hindi ko ipababasa sa 'yo—"

"Promise! Bukas ko babasahin," bawi ko nang muntik niya nang kunin ulit sa palad ko ang papel.

"Good. Kapag nandaya ka, 'di na kita papansinin kahit na kailan," pananakot niya.

Nakaramdam ako ng munting lungkot sa dibdib nang maisip kung paano kapag ganoon ang mangyari, ngunit agad ko rin iyong binura sa isip ko. Sisiguraduhin kong hindi ko bubuksan 'to hangga't hindi dumarating ang bukas!

"Good night, Pauline," malambing na saad niya at marahang pinisil ang pisngi ko.

Kumaway siya sa akin bago tuluyang tumalikod at naglakad palayo. Naibaba ko ang paningin sa papel na nasa palad ko, gustung-gusto ko nang buksan ngunit nangako ako sa kaniya kaya bukas na.

• • •

Tinanghali ako ng gising kinabukasan dahil hindi agad ako nakatulog kagabi. Inaantok pa ako ngunit bumangon na para mag-asikaso.

Hindi ko mahagilap sila nanay sa loob ng bahay at naninibago ako roon. Baka nag-aaway na naman sila at pinagtaguan nga talaga ako para hindi ko makita.

'Hays, sila nanay talaga, basta payo ni Migs sinusunod.'

Nang maalala si Migs ay naalala ko rin iyong sulat na ibinigay niya kagabi. Hindi kaya... confession 'yon?

'Asa pa!'

Bumalik ako sa kwarto para kunin ang sulat sa punda ng unan ko. Dali-dali ko iyong binuksan ngunit agad din akong nanlumo nang mabasa iyon. Nawalan ako ng lakas kung kaya't napaupo ako sa sahig.

Dear Pauline,

  Magandang umaga, Pau! Salamat at tinupad mo 'yung pangako mo. Habang binabasa mo 'to paniguradong wala na ako.

  Pasensya ka na at sa ganitong paraan pa ako nagpaalam sa 'yo, hindi ko kasi kayang sabihin sa 'yo nang harapan. Ayaw kong makita kang umiyak lalo na kung dahil sa akin.

"Migs," umiiyak na tawag ko sa kaniya.

Nakangiti siyang nakahiga sa kulay puting kahon. Kung tititigan ay mukha lamang siyang natutulog ngunit hindi ako pinanganak kahapon para hindi maintindihan na patay na siya.

  Alam kong umiiyak ka ngayon, pasensya ka na kung wala na ako para bilhan ka ng ice cream. Tahan na, mahal ko. Hindi mo kasalanan 'to dahil ginusto ko 'to at sa tingin ko, rito ako magiging tunay na masaya.

"Ate Pau, pinabibigay ni kuya," umiiyak na pagkausap sa akin ng bunsong kapatid ni Migs, si Mica. Sampung taong gulang pa lang siya.

Napaupo ako sa sahig nang tanggapin ang ice cream na iniabot sa akin ni Mica. Hindi ko na naisip kung pinagtitinginan ba ako o nage-eskandalo na ako sa sobrang lakas ng iyak ko. Sobrang sakit kasi. Tangina naman, Migs.

  Huwag mo sanang mamisunderstand. Masaya ako tuwing kasama kita, at sobrang tinetreasure ko ang bawat sandaling iyon. Madalas hinihiling ko na sana hindi na matapos ang araw tuwing kasama kita. Sayang. Hindi ko nasabi sa 'yo na mahal kita... pero ngayon, alam mo na.

"Aanhin ko pa 'yun, Migs? Wala ka na eh. Ang daya mo! Nakakainis ka!" Tinangka kong ibato 'yung ice cream na hawak ko ngunit agad ko ring nagbago ang isip ko, sa halip ay niyakap ko iyon, wala na akong pakialam kung madungisan no'n ang puting shirt na suot ko.

  Gawin ko man 'to o hindi, mawawala rin ako sa 'yo. Pinili ko 'to kasi gusto kong mawala sa 'yo nang malinis kahit na papaano. Ibinenta kasi ako ni papa sa foreigner na amo ng kaibigan niya... gagawin akong, alam mo na. Ayaw ko no'n. Sa 'yo ko lang balak ibigay ang sarili ko kung may pagkakataon. Isa pa, sawang-sawa na 'ko sa buhay na mayroon kami sa bahay. Nadadamay na rin kasi pati kami ng mga kapatid ko.

"Anak, tama na, kumalma ka," humihikbing pagpapatahan sa akin ni nanay. Lumuhod na rin si tatay sa tabi namin para yakapin kami.

"Nay... si Migs. Tatay... si Migs," paulit-ulit na hagulgol ko.

  Masyado nang mahaba, tatapusin ko na nga 'to. Sa susunod na buhay natin, hahanapin kita, at doon natin itutuloy kung anong hindi natin nasimulan sa buhay na ito. Mahal na mahal kita, Pauline. Pasensya ka na at iniwan kita. Ibinilin naman kita sa mga kapatid ko at mga magulang mo. Hinding-hindi ka iiyak nang mag-isa kahit na wala na ako. Hanggang sa muli, mahal ko. Alagaan mo lagi ang sarili mo ha?

Love,
Miguel

Sobrang dami kong gustong sabihin sa 'yo. Hindi mo man lang narinig na sabihin kong mahal din kita bago ka nawala. Gusto kong sisihin ang sarili ko sa nangyari sa 'yo.

Kung sana nagtanong ako. Kung sana hindi ako nag-assume na parang wala lang sa 'yo 'yung mga problemang dumarating sa 'yo. Kung sana kinumusta kita.

At kung sana... hindi ako tumupad sa pangako ko sa 'yo. Baka sakali. Baka sakaling iba 'yung nangyayari ngayon.

Hindi ka nakahiga riyan. Hindi ka malamig at matigas na bangkay. Hindi ka patay.

'Migs... I'm sorry. Mahal din kita, balik ka na, please?'

• • •

Date and Time

Date: May 18, 2022
Time: 8:17pm

• • •

Author's Note

Grabe, ang sakit ng puso ko. Ako lang ba? Inuhog ako rito. Tae. Pahingi ako ng tissue. Wahh! Kaya kayo... huwag kayong mag-assume.

Hindi por que laging nakangiti at tumatawa eh totoong masaya. Matuto tayong mangumusta, alright? Labyu ol. Papatuyo lang ako ng sipon. Huhu.

What's Inside: Brain's Last Cells to ScenesWhere stories live. Discover now