Factory Defect 3

Magsimula sa umpisa
                                    

"Tara na nga umalis na tayo at magbantay. Baka kasi may iba na namang subukang magbago sa nakatakda."

Hindi na tumingin pa si Mito kay Fort dahil alam n'yang ang nang-uuyang tingin lamang nito ang sasalubong muli sa kanya. Magmula kasi nang mangyari ang insedenteng iyon at talagang kinausap pa s'ya ng Head Guardian para doon ay naging kilala na s'ya ng lahat. Kilala hindi sa positibong bagay kung hindi kilala bilang pasaway.

Madalas s'yang tanungin kung bakit n'ya ba ginawa 'yon at madalas na wala rin s'yang sagot. Ano nga rin ba ang isasagot n'ya, eh, mismong s'ya hindi nga n'ya alam kung ano ang sagot. S'ya mismo hindi alam kung bakit n'ya ba 'yon ginawa. Minsan naiisip n'ya kung masyado na ba s'yang nakikihalubilo sa lupa at pumapasok na sa utak n'ya ang paniniwala ng mga ito tungkol sa pakikipaglaban sa tadhana.

Inayos n'ya ang mga folder na nasa harap n'ya at saka pumunta sa ikalawang palapag. Pagdating doon ay pumunta s'ya sa server room. Doon makikita ang lahat ng servers na nagpapatakbo sa factory. Hindi nawawalan ng tao sa server room pero wala ka pa ring masyadong maririnig dahil nakatutok ang lahat sa kanya-kanyang ginagawa. Hindi kasi tulad ng mga Protector mas mahirap at matrabaho ang ginagawa ng isang Keeper. Oo, nakatakda na naman ang lahat pero nasa Keeper din ang pangangalaga ng lahat ng machines at programs na ginagamit sa factory. Madalas na ang mga Protector ay pabasa-basa na lang ng files tapos pupunta sa lupa at patingin-tingin. Samantalang ang isang keeper, bago maging keeper ay sasailalim pa sa isang training kung saan pag-aaralan n'ya ang pasikut-sikot sa factory. Magmula sa pag-aayos ng machines hanggang sa mga programs.

Hindi nila alam kung paanong nagiging isang Protector o Keeper ang isang guardian. Pag gising kasi nila sa puting kwarto ay malalaman na lang nila na isa pala silang protector o keeper. Ite-train at pagkatapos ay pababayaan na.

Naiba lang ngayon. Naiba lang sa kanya. Dahil nga sa kalokohang ginawa n'ya ay bigla na lang s'yang hindi pinapunta ni Head Guardian sa lupa. Hindi naman pwedeng wala s'yang gawin kaya pinapatulong na lang s'ya ngayon sa keepers. Pero hindi naman s'ya tinuturuan ng mga ito. Ginagawa lamang s'yang utusan ng maga ito. Pinapakuha s'ya ng files at pinapaayos. 'Yan ang madalas n'yang gawin. Kasama na rin ang pagilinis ng hallways, sever rooms, files room maliban lang sa mismong factory. Siguro nawalan na lang talaga ng tiwala sa kanya ang lahat. Kahit ang Head Guardian hindi sinasabi kung kailan s'ya babalik sa pagiging Protector.

"Mito," lumingon si Mito sa tumawag sa kanya at nakita n'ya si Kayla. Mabilis itong lumapit sa kanya at kinuha ang hawak n'yang mga folders. "Salamat sa pag-aayos ng folders. Pwede bang pumunta ka sa linking room? May bago kasing padala ang mga organizers."

Tumango naman si Mito. "Sigeh, may iba ka pa bang ipapagawa?"

Tiningnan n'ya ang paligid na puno ng mga Keepers na abala sa harap ng kanya-kanyang computers. Ang iba ay abala sa harap ng isang hologram ng isang babae. Tiningnan n'yang mabuti ang itsura ng babae. Parang pamilyar sa kanya pero hindi n'ya makilala kasi pinapalipat-lipat ng mga Keepers ang itsura nito mula sa sangol hanggang sa maging bata at dalaga at ibabalik sa sangol, dalaga, bata. Paiba-iba tila sinusuri ang bawat sulok ng katawan nito. May pagkakataon pa ngang maging ang laman loob nito ay sinisilip.

Tiningnan ni Kayla ang tinitingnan ni Mito. "'Wag mong masyadong pansinin 'yan. Mayroon kasing physical disabilities 'yang taong 'yan kaya ganyan."

Muling tumango si Mito. "Lahat ba tinitingnan n'yo ang bawat magiging itsura o 'yong may mga physical disabilities lang?" Hindi maalis ang mata n'ya sa ngayon naman ay utak na ng babae ang sinusuri ng mga Keepers.

"Oo. Lahat dapat matingnan kung naayon. Bawal kasi ang magkaroon ng mali kahit maliit lang."

"Ganoon ba?" tanging nasabi ni Mito saka muling bumalik sa utak n'ya ang nagawa.

Siguro nga para sa kanya ay hindi naman gano'n nakakagambala ang nagawa n'ya dahil wala naman 'yong nagawang kahit anong pagbabago sa itinakda. Ganoon pa rin ang impact. Ganoon pa rin ang pinsala. Ang epekto nito ay ganoon pa rin. Katulad pa rin ng sa kung ano ang itinakda. Pero ang katotohanang may isang sumubok na ibahin 'yon. Ang katotohanang may isang maliit na detalye ang naiba. Malaking problema 'yon para sa lahat. Dahil pinaghirapan ng lahat ang pagtatakda na kahit kaunti lamang ay bawal mabago.

Napayuko na lang si Mito sa mga naisip. Siguro nga naging gano'n s'ya pasaway. Naging padalos-dalos s'ya. Tumalikod na s'ya para puntahan ang linking room.

"Mito."

Muling nilingon ni Mito si Kayla.

"Sorry," sabi ni Kayla at bakas talaga sa mukha nito ang paghingi ng tawad.

"Bakit?" tanong n'ya. "Wala kang dapat ihingi ng tawad."

"Pakiramdam ko kasi ay mayro'n. S'yanga pala kailangan mo 'to." Mula sa bulasa ay inilabas ni Kayla ang ID n'ya. "Hindi ka makakapasok sa linking room kung hindi ka naman Keeper."

Nagtatakang tiningnan lamang ni Mito si Kayla bago tumalikod at nagpunta sa linking room. Nang makarating doon ay agad na in-scan ang ID ni Kayla. Nagulat pa s'ya nang kailanganin ding i-scan ang mata n'ya. Kinabahan s'ya na baka hindi s'ya makapasok pero nagbukas ang pinto. Sa loob ay wala kang ibang makikita kung hindi isang troley na puno ng blue at red folders. Ang blue folders 'yon ang mga pinag-aaralan nilang mga Protectors at ang red folders ay para sa mga Keepers. Sa mesa naman ay may ilang box na may lamang mga storage. Ito yata ang mga program na ilalagay sa mismong machines.

Mabilis na isinalansan ni Mito ang lahat sa troley para hindi na n'ya kailangan pang bumalik pa para kuhanin ang mga storage. Pinagpatong-patong n'ya ang mga folders para may malagyan pa ang mga storage nang may marinig s'yang boses.

"'Wag mo ngang ipilit. Baka masira lang 'yan. Konting ingat naman sa pinaghirapan namin."

Natigilan si Mito at napatingin sa pinto na nasa loob ng linking room. Salamin ang itaas na bahagi ng pinto at nagulat s'ya nang makita n'ya ang isang babae na may gintong kulay ng buhok at may suot na blue na damit. Hindi n'ya ito napansin kanina kasi nakatuon ang atensyon n'ya sa mga folders.

Itinuro ng babae ang troley. "Pinaghirapan 'yan mula creators hanggang organizers. Sana naman pinapahalagahan n'yong mga guardians 'yan. Hindi kami nagpapakahirap para magtakda ng mga bagay-bagay para lang sirain n'yong guardians."

Natigilan si Mito sa sinabi ng babae. Mula pa kanina ay may nagpapamukha na sa kanya ng mga mali n'ya. Ganoon ba talaga s'ya kapabaya? Isang beses lang naman s'ya nagkamali, 'di ba?

Maya-maya pa ay nakita na n'ya na tumaas ang kinalalagyan ng babae. Elevator pala 'yon. Ngayon s'ya nanghinayang. Mukhang isang organizer ang nakita n'ya. Hindi pwedeng makipaghalubilo ang isang Guardian sa mga organizers, planners at creators. Ganoon din ang mga ito para maiwasan ang kahit ano mang pagkakamali. Kahit kailan wala pa s'yang Guardian na nakilala na nagsabing nakakita na sila ng organizer, planner o creator.

Pero bakit ngayon may nakita s'ya?

Fate FactoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon