Part 14

929 57 5
                                    

MAG-A-ALAS onse ng gabi nang maghiwalay sila ni Julius. Inihatid siya nito hanggang sa lobby ng hotel pagkuwa ay nagpaalam na. Nais pa sana nitong linawi sa kanya kung magkikita pa sila kinabukasan pero hindi niya iyon nakuhang sagutin. Si Jake ang may hawak ng oras ng diving nila. Kung anong oras iyon matatapos ay wala siyang ideya.

Nagitla pa siya nang pagtungo sa kuwarto ay makitang bukas ang mga ilaw niyon. Hindi na niya ginamit ang susi bagkus ay kumatok.

"Mukhang nag-enjoy ka," may bahid ng sarkasmong sabi ni Jake.

"Sana tinawagan mo ako para hindi ka na nagpabukas pa ng pinto sa front desk."

"Nag-request ako ng duplicate key kaso ay hindi raw puwede. I'm calling you. Hindi ka sumasagot."

Noon lang niya naalalang tingnan ang cellphone na hawak. Tatlong missed calls ang nakarehistro doon. Kay Jake nga. Hindi niya marahil narinig sapagkat maingay kanina sa Summer Place.

"Hinanap kita. Nakita kong may kasama ka sa isang bar. May kakilala ka pala dito," patuloy nito.

"New friends. Si Julius saka mga kasamahan niya sa trabaho."

"Bagong kaibigan?" Nanatili ang baba ng tono nito. "Puwede ka palang Miss Congeniality."

Napatitig siya dito. May palagay siyang nang-iinsulto na si Jake pero wala siyang mabasang emosyon sa mukha nito.

"Matutulog na ako. Kung maaga ang lakad natin bukas, pakigising na lang ako," sabi na lang niya at tinungo na ang kuwarto.


KINABUKASAN ay ang mga diving sites naman sa Yapak ang tinungo nila. Napakaganda din ng mga coral reefs doon. Hindi mapagkumpara ni Avery ang mga nakita sa ilalim ng tubig sapagkat wala siyang itulak kabigin.

Sa Puka Beach na rin sila namahinga. Kagaya ng West Coast ng Boracay Island ay puti rin ang buhangin doon. pero may palagay siyang mas pino ang buhangin sa White Beach.

"Malapit na dito ang mga kuweba. Puwedeng umarkila na lang tayo ng tricycle papuntang Bat Cave at Crystal Cave," suhestiyon ni Raul habang kumakain sila sa Puka Grande Restaurant.

"I've been there," wika ni Jake.

"Ako rin," sagot naman ni Avery. "Pero okay lang sa aking bumalik uli doon."

"Sure pero huwag na muna ngayon." Si Jake uli. "Ang gusto ko sana ay tapusin na muna nating kunan ang mga diving sites para maglakwatsa man tayo, wala na tayong iinitindihing bitin na trabaho."

"Tama ka," ayon niya. "Manong Raul," baling niya sa guide. "Mga ilang araw pa ba, bago natin matapos puntahan ang mga diving sites dito sa isla?"

"Puwede na tayong sumaglit mamaya sa Laguna De Boracay sa East Coast. Bukas doon naman tayo sa Laurel Islands. Pagkatapos noon, libre na kayong gawin ang gusto ninyo."

Saglit na nag-isip si Avery kung hanggang kailan ang accomodation nila sa hotel. Four days ang reservation na alam ni Maia pero hindi naman ito mahigpit kung mag-extend man sila basta magawa nila ang gustong trabaho nito.

Bago mag-alas kuatro ay sakay na sila ng bangka pabalik sa hotel. Mabilis lamang na kinunan ni Jake ang mga diving site na sinisid nila sapagkat napansin nilang malalaki ang alon.

Mula nang sumampa sila sa bangka ay hindi naman sila nagkikibuan. Ewan niya pero may mga pagkakataong bigla na lang ay namamayani ang katahimikan sa pagitan nila. Ang nakaraang sandali ay pinalipas lamang niya sa pagmamasid dito.

Hindi siya marahil magsasawang tingnan si Jake. Maging gusut-gusot man ang buhok nito sa buong maghapon at sa panlalagkit ng mga katawan nila sa tubig-alat ay hindi nababawasan ang atraksyong taglay ng anyo nito. Tumingkad na rin ang kulay nito. Kahit naman madalas ay nasa ilalim sila ng tubig ay nasusunog rin sila sa init ng araw sapagkat umaahon din sila para mamahinga.

Panaka-naka ay ibinabaling niya sa iba ang tingin. Lalo at alam niyang mapapalingon sa gawi niya si Jake. Hindi niya gustong hantaran nitong makita ang ginagawa niyang pagtitig dito.

"I hope, magkakasalo naman tayo ng dinner tonight," sabi ni Jake na ikinabigla niya. Inaasahan na nga niyang hanggang sa bababa sila ng bangka ay mananatili silang tahimik.

"Why not?" nakangiting tugon niya dito. "Ano bang food ang nasa isip mo this time? Native dishes uli?"

Ikinibit lang ng binata ang mga balikat. "I'll let you choose this time. Hindi rin naman ako mapili sa pagkain."

"Kahit Korean dishes?" mabilis na sabi niya at pinatamis pang lalo ang ngiti. Wala naman siyang paborito sa lutong Koreano. Naalala lang niya ang Seoul Korea Restaurant na malapit sa Boracay Regency. Iyon ang sinabi niya sa kagustuhang huwag maputol ang pag-uusap nilang iyon ng binata.

Tumango lang ito. "Kung mayroon bang restaurant dito na nagse-serve ng ganoon, eh," game namang sabi nito.

"Di, maghanap tayo," wika na lang niya.

Pakiramdam ni Avery ay mukha siyang gaga pero wala siyang pakialam. Ang totoo ay natanaw na niya ang Korean specialty restaurant nang pabalik pa lamang sila ni Jake sa hotel pero nang lumabas sila para kumain ay nagkunwa pa siyang hahanapin pa iyon.

Kahit naman alam niyang niloloko lang niya ang sariili niya pati si Jake--- sa paghahanap ng restaurant ay naaliw pa rin siya. Extra attentive si Jake ngayon sa kanya at kahit na malayo na ang nalalakad nila---sapagkat sa maling direksyon sila pumunta ay hindi man lang niya ito kinakikitaan ng pagkabagot.

"Baka hindi sa gawi na ito ang restaurant," aniya pagkuwa sapagkat gutom na rin siya at napapagod na rin ang mga paa sa nalalakad nila.

"Bakit nga ba hindi muna tayo nagtanong-tanong?" tanong naman ni Jake na hindi pa rin kababakasan ng pagkainip.

Napatawa lang siya at siya na ang kusang nagtanong sa nagtitinda ng mga shell accesories na malapit lang sa kanila.

"Manang, may Korean restaurant ba rito?" tanong niya.

"Du'n!" turo nito. "Deretso lang diyan."

Lumapad ang ngiti niya at bumaling kay Jake bago nagpasalamat sa matanda. "Mali pala tayo ng direksyon," patay-malisya niya.

"O, di, bumalik tayo," balewala namang sabi ni Jake.

Pagpihit nila ay hindi sinasadyang nagkabunggo ang kanilang mga balikat. May kalakasan ang impact kaya't muntik pang mapasubsob si Avery sa dibdib nito. Maagap naman si Jake. Awtomatiko ay nakahawak ito sa balikat niya para alalayan siya.

"Sorry," aniyang tiningala ito.

Tumango lang si Jake. At napansin ni Avery na bagama't deretso na ang lakad niya ay nananatili pa rin sa balikat niya ang kamay nito. Hindi naman niya inaalis. Bakit niya gagawin iyon samantalang gusto niya ang pagkakalapit nilang iyon ng binata.

"That's it!" excited pang turo niya sa hinahanap na restaurant nang makita ang signboard niyon.

May kaaliwang tiningnan siya ni Jake. "Katabi lang pala halos ng Regency," komento nito.

"I'm starved," kunwa ay daing niya at sinapo pa ang tiyan.

"So, what are we waiting for?" wika ni Jake at maluwang ang ngiting gumuhit sa mga labi.

Lihim naman siyang nagdiwang. Kahit hindi na siya teenager, aaminin niya sa sariling sa ngiti pa lang na iyon ng binata ay nabusog na siya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect ChanceWhere stories live. Discover now