Part 3

953 46 2
                                    

"ATE Cheska, bakit hindi ka na lang makipag-break kay Jake kung may iba ka na palang gusto?" lakas-loob na tanong ni Avery sa kapatid. Lately, nakikita niyang may ibang lalaking naghahatid kay Cheska. Hanggang gate lang sapagkat itinatago marahil sa mommy nila. Siya ang nakakakita sapagkat ugali na niyang mamintana kapag naramdaman ang pagdating nito.

Mula sa repleksyon nito sa salamin habang naglalagay ng make-up ay tumingin sa kanya. "Naguguluhan pa ako. Hindi pa ako sigurado sa amin ni Jeffrey."

"Pero unfair naman kay Jake ang ginagawa mo." Magkahalo ang inis niya sa kapatid at awa sa binata nang tinuran iyon.

"Mahal ko pa rin si Jake," katwiran nito. "Kaya lang masaya din akong kasama si Jeffrey."

Sumimangot siya nang magtagpo ang mga mata nila sa pamamagitan ng salamin. "Two-timer," akusa niya.

Sa halip na mapikon at napangiti pa si Cheska. Lumapit ito at naupo sa gilid ng kama niya. Nakaupo na siya doon kanina pa. Indian-sit.

"Alam ko naman na close kayo ni Jake at siya ang manok mo. Pero ako ang kapatid mo. Dapat naiintindihan mo rin ang nararamdaman ko."

"Ewan ko sa iyo," naiinis nang sabi niya. Mas matining sa pakiramdam niya ang simpatya kay Jake kaysa pilitin ang sariling unawain ang pagiging salawahan ng kapatid. "Ang gulu-gulo mo. Salawahan ka."

"Gusto ko lang makasiguro sa damdamin ko, masama ba iyon?" depensa nito. Besides, hindi pa kami kasal ni Jake." Muli itong tumayo at nagwisik na ng pabango.

"Aalis ka na naman. Paano pag tumawag si Jake? O kaya minsan, bigla na lang iyong dumarating. Nauubusan na ako ng sasabihin. Madami na akong kasalanan dahil sa pagsisinungaling. Linggo pa naman ngayon. Dapat lahat tayo, dito lang sa bahay."

Natawa lang ito. "Daig mo pa ang mommy niya, Ate Avery," buska nito. "Bahala ka nang mag-isip ng sasabihin. Tutal, naniniwala din naman sa iyo si Jake. At saka mainam na nga ding magkalapit kayo. At least, kung talagang sigurado na ako kay Jeffrey, hindi na ako mahihirapang makipagkalas kay Jake. Nandiyan ka na agad."

"Ate!" Kulang ang sabihing shocked siya sa tinurang iyon ni Cheska. Eksaherado ang panlalaki ng kanyang mga mata.

"Alam ko naman na crush mo si Jake," kaswal na wika nito.

"Ipinapasa mo sa akin ang boyfriend mo?" Magkahalo ang pagkapikon at sarkasmo sa tinig niya.

"Well..." pabiting sabi nito saka ngumiti. "Alam ko namang mahal ako ni Jake. Hindi ako basta-basta ipagpapalit noon. Kahit pa siguro sa iyo na kapatid ko. Ang gusto ko lang naman ay mabawasan ng kaunti ang atensyon niya sa akin. My God, mahigit limang taon na kami. Nakakasawa na din. But then, hindi naman nagbabago si Jake so I'm sure na mahal na mahal niya ako."

Umangat ang kilay niya. "Ganyan kalaki ang tiwala mo kay Jake?"

"Nope." Bumungisngis ito. "Mas malaki ang tiwala ko sa ganda ko." At nilakasan pa ang tawa.

"Umalis ka na nga," pikang taboy niya. Nahiga na siya at dinampot ang isang paperback novel.

"Babay!"

Mag-isa na lang si Avery sa kuwarto nang ibalik niya sa night table ang pocketbook. Nakatuon pa rin ang isip niya sa pinag-usapan nila ni Cheska.

Alam nilang pareho na hindi kayabangan ang tinuran ni Cheska tungkol sa anyo nito. Maganda na ay waring lalo pang gumaganda dahil sa katalinuhang taglay nito. Ang totoo, kahit bantad na sa lahat na boyfriend nito si Jake ay marami pa rin ang may lakas ng loob na pumanhik ng ligaw dito.

Pareho silang mestiza kaya bihira ang nakakaalam na hindi naman sila talagang magkapatid. Pareho ding tuwid ang buhok nila at bilugan ang mga mata. pero iba ang gandang taglay niya kaysa gandang angkin ni Cheska. Pang-beauty queen ang dating nito samantalang inosente at simple naman ang kanya.

Napapitlag siya nang muling bumukas ang pinto. Bumalik si Cheska at may kinuhang kung ano sa closet nito. Isinisilid nito sa bag ang gamit ay bumaling sa kanya.

"May naisip ako, Avery. Bakit hindi natin subukan kung magkakagusto nga sa iyo si Jake? Crush mo naman siya and---"

"Puwede ba?" Inasikan na niya ito. Napipikon siya hindi lang kay Cheska kung hindi sa mismong ideyang iyon.

Lately, napapansin niya sa sariling kapag si Jake ang paksa ay iba ang pakiramdam niya. Na parang hindi lang awa ang nararamdaman niya dito at ayaw na ayaw din niyang ipinapaalala sa kanya ang pagkakaroon niya ng crush sa binata.

Sa pakiramdam niya, kapag nababanggit ang crush niya dito ay nababalik siya sa pagiging high schooler. Na para bang hanggang doon na lang ang maging damdamin niya at wala na siyang pagkakataong mag-mature sa damdamin. In short, parang wala siyang karapatang ma-in love.

"Bibigyan kita ng premyo, Avery. Isang buwan kong suweldo. Malaki iyon, akala mo," nangingiti patuloy nito.

"Ate Cheska..." parang susuko na ang isip niya sa mga tinuran ng kapatid. Alam niyang may kapilyahan ito pero hindi niya alam na aabot sa ganoon ang mga ideyang ikokonsidera nito.

"Gusto ko lang mapatunayan kung gaano katapat sa akin si Jake. At kung hindi nga niya ako kayang ipagpalit sa iba."

"Pero ikaw kaya mo siyang ipagpalit sa iba. Hindi ba napaka-selfish mo naman pag ganoon?"

"Just for fun," kibit balikat na tugon ni Cheska. "Ayaw mo ba nu'n? Magkakaroon ka ng pang-shopping. Kilala pa naman kitang mahilig sajeans. Kung dalawang Diesel jeans lang makakabili ka na ng hindi ka nagpapakamatay sa kaiipon ng allowance mo. At marami pa iyong magiging sobra, ha?" huminto ito at tiningnan siya. "Ano, sa ating dalawa lang ito. Wala nang ibang makakaalam, kahit na si Mommy."

"Ewan ko sa iyo," naguguluhang wika niya.

Hindi niya alam kung ano pa ang mararamdaman dito. Hindi niya gustong nilalaro nito ang damdamin ni Jake lalo at napakabait naman ng binata dito. Isa pa, nasasaktan din siya sapagkat hindi kayang maatim ng puso niyang makitang niloloko na nito si Jake at napapakasangkapan pa siya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places and Souvenirs - BORACAY 1 - Perfect ChanceDove le storie prendono vita. Scoprilo ora