Binato niya ako ng mga kadahilanang nagkasakit daw ang nanay niya at kung ano-ano pang dahilan na hindi ko naman kinagat kasi alam kong hindi totoo.

May kakilala kasi akong kakilala rin iyon at minsan na raw siyang naloko nito sa halagang 25k.

Lalong kumulo ang dugo ko. Alam ninyo kung bakit?

Tumigil ako sa pagtatrabaho sa kumpanya kasi magpu-full-time na sana ako sa negosyo. Malaking sakripisyo at sugal iyon para sa akin kaya talagang nalugmok ako.

Milyon iyon. Mahigit isang milyon pa. May loan pa akong binabayaran.

Wala na akong savings bukod doon. Pinaiikot ko na lang kasi ang perang nakukuha ko mula roon sa maliliit kong negosyo. Minsa'y balik puhunan na nga lang lalo na kapag matumal.

Isang gabing umuwi ako sa bahay, napaluhod ako sa harapan ni Adria.

Niyakap ko siya. Subsob talaga ako sa kaniya.

"I'm sorry. Mauurong ang kasal natin," nanlalata kong salita no'n.

Ang lalim pa ng hininga ko. Sinabi niyang naiintindihan niya at mas kailangan talagang unahing asikasuhin ang problema ko sa negosyo.

Makapaghihintay naman daw siya. Kahit gaano katagal pa basta ba huwag lang daw "Lola levels".

Humiling ako sa kaniya. Na huwag akong pababayaan kasi nasa punto na naman ako ng buhay na hindi ko alam ang gagawin ko.

Hindi madaling maghanap ng trabaho na malaki agad ang suweldo para lang may maibayad ako sa ni-loan ko at para may ipantustos ako sa araw-araw.

Pinatigil ko rin kasi siyang magtrabaho no'n, eh. Kasi nga kumpiyansa akong kaya ko siyang buhayin. Ang yabang ko pa sa parteng, "Buhay prinsesa ka sa akin, mahal!"

Nang sinabi naman niyang magtatrabaho ulit siya para makatulong sa akin, tinanggihan ko. Bukod sa ma-pride ako, obligasyon ko iyon, eh.

Hindi naman siya ang may kasalanan kung bakit nangyayari iyon. Ayaw ko pating ipasa sa kaniya ang pinoproblema ko.

Basta ang bilin ko lang no'n sa kaniya'y huwag akong pababayaan. At alam na niya ang ibig kong sabihin doon.

Hindi ko sinabi sa erpats ko ang mga nangyayari sa akin. Bukod sa marami rin siyang inaasikaso, ayaw ko lang maipamukha sa aking nagkamali ako ng desisyon.

Ayaw kong malubog sa kahihiyan. Kaya si Adria at iba kong mga katropa lang ang nakaaalam nang totoo.

Ilang buwan na rin at wala pa ring naibalik na pera sa akin ang tarantado. Ako tuloy ang nag-a-adjust.

Hindi na ako nagko-kotse kapag malapit lang ang pupuntahan ko. Wala na akong ibang binibiling hindi naman talaga kailangan sa bahay. Minsan nagtitipid na rin kami sa pagkain.

Minsan kumukuha ako sa bahay nina Dadde ng stocks para mas makatipid pa.

Hindi na kami nagde-date ni Adria. Kadalasan nga'y tuhog date na lang ang nangyayari.

Lumiit ang tingin ko sa sarili ko. Kasi 'yong mga kakilalang kong kasing edad ko lang halos, medyo umangat na sa buhay. May enggrande pang kasal at may anak na nga ang ibatatlo-tatlo pa.

May naipundar naman ako para sa sarili at para sa amin ni Adria pero pakiramdam ko'y kulang pa rin. Hindi iyon ang goal ko. Hindi iyon ang gusto kong maranasan na buhay.

Iyong perang nahahawakan ko'y pinagkakasya ko na lang.

Hindi na rin kami gumagamit ng air con kasi nga nagtitipid na kami. Nakaranas kaming kumain ng itlog at dilis lang.

Kalmado (A Stand-alone Novel)Where stories live. Discover now