Chapter 3: Lily (SAMPLE CHAPTER)

10.2K 231 4
                                    

Chapter 3: Lily

PINIPILIT NGUMITI ni Lily. Heto siya at nagta-tiyaga sa impyernong lugar na iyon kung saan magandang basahan ang tingin sa kanya ng lahat ng taong nanonood sa kanya. Kahit pa na 'magandang basahan' ay basahan pa rin. Nabubuhay siya sa maruming paraan. Maruming trabaho ang ginagawa niya para makatulong sa pamilya niya. Matagal na siyang pinapauwi ng Tatay niya sa probinsya para roon na lang daw mag-trabaho pero siya ang tumatanggi. Ayaw naman kasi niyang mamatay na lamang silang dilat lahat. Mamamatay sa gutom na walang magawa. Pagsasaka ang kinabubuhay ng mga magulang niya. Maging ang mga malilit niyang kapatid ay napipilitan na ring tumulong sa mga ito. Malaki ang naging utang nila noong namatay ang Lolo niya noon sa sakit na luslos. Malaki ang binayad sa operasyon, sa mga gamot at maging sa libing nito kaya nabaon silang lahat sa utang. Lalo pang nadagdagan iyon noong naaksidente sa pagawaan ng Tuba ang Nanay niya noon sa dating pinagta-trabahuhan nito. Malaki ulit ang naging gastos sa Ospital at lalong nadagdagan ang utang nila. Nakakatakot pa naman ang mga taong pinagkakautangan ng pamilya niya at hindi mangingiming gumawa ng masama laban sa pamilya niya kung hindi sila makakapag-abot ng pera kaya napilitan siyang lumuwas noon sa Maynila.
Kaya hindi siya pwedeng umalis sa Phoenix Club. Hinding-hindi... Habang nagsasayaw ay nagtama ang tingin nila ng isang napakagandang babae. Para bang napasinghap ito nang magkatitigan sila. Napakaganda nito... Marahil ay isa ito sa mga babaeng naroroon para manghuli ng asawa. Sayang ang kinagandang babae nito kung magpapaloko lang ito sa asawa nitong nagpupunta sa Bar katulad niyon.
Parang nakaramdam siya ng kaunting hiya nang mapansin na parang ang lalim na ng titig nito sa kanya. Nararamdaman niya iyon. Inaalipusta ba nito ang uri ng trabaho niya? Pakiramdam niya ay nakaramdam siya ng panliliit sa kaisipan na napakababa siguro ng tingin ng ibang babae sa kanya.
Lalo lamang niyang ginalingan ang paggiling para ipakita sa babae na kahit doon lamang siya sa Bar na iyon nagta-trabaho ay magaling naman siyang sumayaw. Gusto niyang asarin ito na kaya nagpupunta ang asawa nito roon ay para makita at makasama ang mga babaeng katulad niya.
"Rose, halika! Bibigyan kita ng bonus!" Lumapit sa Stage ang isang lalaking lasing at nag-ipit ng tatlong libo sa bra niya.
Mapang-akit na nginitian niya ito saka ito hinalikan sa pisngi. Amoy alak at may edad man ito ay kailangan pa rin niya ang mga lalaking katulad nito para kumita.
Naghiyawan ang mga lalaki sa ginawa niya. Parang naulol na sa kamunduhan at isa-isa nang naglagay ng pera sa iba't-ibang parte ng katawan niya. Sa bra, sa panty...
Nang may isang lalaking lasing ang muntikan na sanang humalik sa kanya pero agad niya itong naitulak.
"Ano ba! Bitiwan mo nga ako! Bastos!" pagtitili niya pero nginisian lang siya ng lalaki.
"Wow ha, pakipot ka. Pa-kiss lang. Isa lang naman eh." Lalong idiniin ng lalaki ang sarili nito sa kanya kaya naman sinampal niya ang lalaking nanghila sa kanya pababa ng stage.
Doon parang nawala ang kalasingan nito. "Eh, gaga ka palang babae ka eh! Ano bang pinagmamalaki mo? Pokpok ka 'di ba? Eh magkano ka ba?!" galit na sabi ng lalaki.
"Bitiwan mo siya." Nagulat sila at parehas na napatingin sa likuran nila nang may isang babaeng nagsalita. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ito. Ang babaeng tinititigan siya mula sa Stage kanina.
Hinarap ito ng lalaki. "Eh sino ka ba?" sigang tanong nito saka naglakbay ang paningin sa kagandahan ng babae. "Teka, ang ganda mo ah? Pokpok ka rin ba rito?" bastos na tanong ng lalaki na akmang ang babae naman ang babastusin pero ang gatilyo na ng baril ang sumadsad sa labi nito dahil may mga armadong lalaki palang kasama ang babae na sa tingin niya ay Body Guard nito. Biglang namutla ang bastos na lalaki. "Boss, sorry na. Wala namang ganyanan. Nagpapakasaya lang naman kami eh." Pinagpapawisan na ng malamig ang bastos na lalaki.
"Nagpapakasaya? Pagpapakasaya ba ang pang-iinsulto sa isang babae at bastusin ito? Ang mga babae, ginagalang at hindi binabastos o sinasaktan kahit pa anong uri ng trabaho ang mayroon siya!" pagsigaw na ng misteryosang babae na parang galit na galit sa ginawa sa kanya no'ng bastos na lalaki.
Napangiti siya. Napakabait naman pala ng babaeng ito. Ang akala niya kanina ay kaya naroon ito ay para alipustahin ang mga kagaya niya.
"Hindi mo kilala kung sino ang kinabangga mo. Siya lang naman ang isa sa mga anak ng napakayaman naming amo! Titigan mo nang maigi ang mukha niya para matandaan mo kung saan mo siya nakita dahil baka magsisi ka." Tinitigan ng bastos na lalaki iyong babaeng maganda. At lalo lamang namutla ang kanina pang namumutla na nitong mukha nang tila makilala nito kung sino iyong naka-cross arms na babae. "Dapat ka yatang turuan ng leksyon," nakangising sabi naman ng isa sa mga body guard na kasama ng babae.
"Huwag po! Sorry na! Hindi na po ako uulit! Ni hindi na ako pupunta ulit sa Bar na ito! Patawarin po ninyo ako!" Parang maiihi na sa takot iyong bastos na lalaki. Samantalang kanina ay parang ang tapang-tapang nito.
"Ano pang silbi ng batas kung nadadaan ang lahat sa isang sorry." Biglang sinuntok ng isa sa mga bodyguard ng magandang babae ang bastos na lalaki.
Napaigtad sa sakit ang lalaki.
"Ben, tama na 'yan!" pagpigil ng babae na parang nahabag naman sa lalaki. Napalingon pa ito sa paligid na parang nag-aalala na baka may makakilala rito.
"Pero Lady Jessie--"
"Sabi kong tama na eh!" napasigaw na si Jessie. Binitawan naman ng lalaking tinawag na Ben iyong lalaking bastos.
Tumalikod na si Jessie pero hinabol niya ito at hinarap sa kanya.
"Uhmm... Salamat sa pagtatanggol mo ah," sabi niya sabay ngiti ng matamis dito.
Parang iritable naman na tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Sana bago mo ako nilapitan ay naisipan mo munang magbihis. Tingnan mo nga iyang ayos mo. Halos nakahubad ka na," mahina ngunit mariin na sabi nito.
Natigagal siya. 'Di yata at tinarayan siya nito?
Sa gulat niya ay hinubad nito ang suot nitong mahabang jacket. "Itapal mo sa katawan mo para hindi ka na ulit bastusin ng mga lalaki." Iyon lamang at tinalikuran na ulit siya nito. Agad namang sumunod ang apat na body guard nito rito.
Napatulala na lang siya habang nakasunod ng tingin dito. Jessie pala ang pangalan ng babaeng iyon... Sala sa lamig, sala sa init. Hindi niya alam kung bakit pero parang ayaw nito sa kanya.

Living In A Closet (Published Under Dreame App)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon